Chapter Twenty-Three

490 24 0
                                    

Bukas na ang ilaw sa loob ng bahay nang dumating si Prezzy. Napangiti siya. So, nandito na rin si Dojo. Kasabay niyon ang biglang pagsirit ng sakit sa loob niya.

Ito na ang huling beses na bubuksan mo ang pintong ito, Prezzy.

Huminga siya nang malalim. Pilit niyang pinakalmante ang kalooban niya bago pumasok. Nakita niya si Dojo na nasa kusina at nagluluto ng hapunan. Just the sight of him was making her eyes maudlin. Tumikhim muna siya bago binati ito.

"Ano 'yang niluluto mo?" masiglang tanong niya.

"Gumagawa ako ng ensalada. Hindi ba at nagustuhan mo ito noong ipinatikim ko sa'yo?" magaspang na sabi nito nang hindi lumilingon.

Kumunot ang noo niya. Parang may mali kay Dojo. "Sorry. Napasarap ang kwentuhan namin ni Mari kaya hindi ko napansin ang mga tawag mo sa'kin." Tingin niya ay nagagalit ito dahil doon.

"At anong pinag-usapan niyo ni Mari? Tungkol ba sa plano niyong pag-ganti sa gagong fiancé mo?"

Napatda siya sa tonong ginamit nito. Noon ito lumingon sa kanya. Tama nga siya. Nagagalit si Dojo. Noon lang niya ito nakitang nagalit nang gano'n kaya bahagya siyang natakot.

"Nagulat ka na alam ko ang panloloko ng fiancé mo?" sarkastikong gagad nito. "And how long are you gonna take me for a fool, Miss Alarva? Oo nga at sinabi mo na huwag kitang sisihin kapag inabuso mo ako. But don't you agree that this is taking it too far?"

Nahugot niya ang hininga niya. "H-hindi naman sa ganoon..."

"At papakasalan mo pa rin ang lalaking 'yon pagkatapos ng ano? Pagkatapos mong ibigay ang sarili mo sa'kin para quits na kayo? Kaya ba okay lang sa'yo na niloko ka niya dahil alam mong makakaganti ka na sa kanya sa pamamagitan ko? Ma-swerte ka, Prezzy."

Hindi siya makaapuhap ng sasabihin. Gusto niyang sabihin dito na hindi niya naisip kahit kailan ang ibinibintang sa kanya ni Dojo. Gusto niyang sabihin na lahat ng nangyayari sa kanila ay hindi niya ma-kontrol. Pero nakikita niya ang paghihirap sa mata ni Dojo at nahihirapan siya.

Paano ba niya uumpisahang sabihin sa lalaking nasa harap niya na simula nang makilala niya ito ay nalilimutan niya na hindi niya ito pwedeng mahalin?

"Pero siguro, tanga nga ako. Because despite everything, I still want you," anito sa nagtatagis na bagang.

Bago pa niya mahulaan ang gagawin nito ay bumaon ang kuko nito sa balikat niya. Pagkatapos ay bumaba ang labi nito sa kanya sa isang mapagparusang halik. His kisses were very fiery. Nararamdaman niya ang sidhi ng galit nito sa mga labi nito. She would probably have bruises on her lips tomorrow. Pero sa kabila ng lahat ay nagagawa pa niyang tugunin ang mga halik nito. Huling gabi na ito. Gusto niyang kunin ang lahat ng gustong ibigay ni Dojo sa kanya sa huling sandali. Just the thought was enough to make her cry.

Nang malasahan nito ang mga luha niya ay tumigil ito paghalik sa kanya. Sa hilam na mga mata ay sinalubong niya ang mata nito. Naghahabol ito ng hininga. Nang makita nito ang luha niya ay lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. Napatingin ito sa labi niya. Bumalik ang mabalasik na anyo nito. She tasted blood on her lips. Sa pagkagulat niya ay sinutok ni Dojo ang pader na nasa likod niya.

"Damn! Damn!" nanggagalaiting sigaw nito.

Pagkatapos ay walang sabi-sabi itong lumabas ng bahay at padabog na sinara ang pinto. Naihilamos niya ang palad sa mukha at nahahapong napaupo sa sahig.

Strange and BeautifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon