Sa ibang pagkakataon ay titiklop si Prezzy sa nakikita niya sa mga mata ng ina niya. Pero hindi sa pagkakataong iyon. Nakapag-desisyon na siya.
"Alam mo ba ang sinasabi mo, Precious?" tila hindi makapaniwalang sabi ni Mommy Naty.
Tumango siya. "'My, hindi ko kayang ituloy 'tong engagement na 'to. Puputulin ko na bago pa ako magsisi sa bandang huli."
"In a week, nagbago ang isip mo?" Tuloy pa rin sa pagtaas ang tinig nito. Alam niyang nagagalit na ito. Bihira lang itong magalit dahil bihira lang naman din siyang gumawa ng mga bagay na ikagagalit nito. "Hindi kita pinalaki na padalos-dalos ang kilos!"
Huminga siya nang malalim. Sa ibang pagkakataon ay baka hindi niya nakayang panindigan ang sasabihin niya. Kanina ay nakita na nila ang mga press people na nag-aabang ng announcement. Hindi pa naman nagsisimula ang party pero nakaayos na ang lahat at naghihintay na lang sa pagdating ng mga inimbitahang bisita.
Pero alam niyang sa labas ay naghihintay si Dojo. Iyong kaisipan lang na iyon ay nagbigay ng lakas sa kanya.
"Sorry kung hindi ko nasabi kaagad sa inyo. Kaya ako nagbakasyon ay para mag-isip-isip. Pero kanina ko lang na-sigurado na ayaw ko nang ituloy 'to."
"Baka natatakot ka lang na harapin ang lahat. Normal 'yan," sabi pa ng mommy niya. "Kung gusto mo, i-postpone na lang natin ang party. Sasabihin ko na masama ang pakiramdam mo. We can delay it. But for goodness' sake, don't say that you want to cancel the engagement!"
"Hindi na magbabago ang isip ko, 'My," mariing sabi niya.
Nakita ata nito ang determinasyon sa mata niya dahil nanlulumo nitong nasapo ang ulo. Kahit paano ay na-guilty siya. Totoo namang biglaan ang lahat at kasalanan niya. Pero hindi rin naman niya inaasahan ang pagdating ni Dojo. Sino bang mag-aakala na nang magbakasyon siya isang linggo na ang nakalipas ay magbabago ang lahat sa kanya?
Sa puntong iyon ay bumukas ang pinto ng dressing room. Sabay pa silang napatingin ng mommy niya nang pumasok doon si Jake. Agad ang pag-ngiti nito nang makita siya. Nagmamadali siya nitong nilapitan at hinalikan sa pisngi. Napangiwi siya.
"Hon, kanina pa kita hinahanap. C'mon, gusto ka daw makilala nila Tito. Kadadating lang nila from the States," masiglang sabi nito.
Akmang hihilahin siya nito pero mabilis niyang hinawakan ang braso nito. "Jake, sandali. May sasabihin ako sa'yo."
Iwinasiwas nito ang kamay. "It can wait. For now, batiin muna natin sila."
"Jake..."
Nangunot ang noo nito sa tonong ginamit niya. "Something wrong?"
Lumingon siya sa mommy niya at tinanguan ito. Mukhang nakaintindi naman ito dahil nagpatiunang naglakad sa pinto. Pero bago ito tuluyang lumabas ay binigyan muna siya nito ng warning look.
Sinalubong niya ang nagtatanong na mga mata ni Jake. "Jake, I want to cancel this engagement."
Hindi ata inaasahan ni Jake ang sasabihin niya dahil napanganga ito. Sinamantala niya ang pagkaka-tigagal nito para kunin ang kamay nito at ilagay doon ang singsing.
"'Yong gastos para dito sa party, babayaran ko na lang sa'yo. Kung gusto mo, ako na rin ang magpapaliwanag sa lahat ngayon. Pero hindi ko na itutuloy ang engagement," mariin niyang sabi.
Inaasahan na niya nang biglang magdilim ang mukha ni Jake. "This is some kind of a sick joke, right?"
Umiling-iling siya. Sinalubong niya ang naniningkit na mga mata nito. "May hindi ako ipinagtapat sa'yo. Tatlong araw matapos mong ibigay ang singsing na 'yan, nakita ko kayo ng sekretarya mo sa ibabaw ng office table."
BINABASA MO ANG
Strange and Beautiful
Romance"Nagka-near death experience yata ako nang magising ako na wala ka." Hindi inaasahan ni Prezzy na ilang araw pagkatapos mag-propose sa kanya ng nobyo niya ay mahuhuli niya itong katalik ang sekretarya nito sa loob mismo ng opisina nito. Sinunod niya...