Chapter Eighteen

520 27 1
                                    

"May kapupuntahan naman pala ang boses-videoke na 'yan," kantyaw ni Prezzy kay Dojo. "Kaya pala hinahanap kita kanina, wala ka."

Si Dojo kasi ang isa sa mga tumulong para maging maganda ng presentation ngayong gabi. Pagkatapos ng unang kanta nito ay tatlo pa ang kinanta nito. Mukhang sanay na sanay naman ito sa atensyon ng audience. Siya naman ay nag-e-enjoy na panoorin ito.

Humalakhak si Dojo. Tinulungan siya nitong bumaba mula sa unahan ng jeep na kinasasakyan nila. Pagkatapos ay sabay silang naglakad pabalik sa bahay. Medyo pataas ang daan kaya panaka-naka ay ina-alalayan siya ni Dojo dahil suot niya ang platform shoes niya.

"Ayaw ko namang mapahiya sa'yo kaya dapat, prepared," nakangising sabi nito.

Humaba ata ang hair niya. Bigla siyang kinilig. Naalala niya ang boses nito habang kumakanta at nakatingin sa kanya. Susmarya! Tinubuan na nga siya ng matinding crush kay Captain Molina.

"Saan naman nag-originate ang boses na 'yan?"

Nalukot ang ilong nito. Nagningning ang mga mata na tila inaalala ang nakaraan.

"Noong bata pa kami nila Chino, malimit kaming tumugtog sa mga maliliit na bars. Saka kapag fiesta sa bayan at may mga pa-contest. Pero matagal na panahon na 'yon. Nakantyawan na lang ako ni Gary dahil ngayon lang ulit kami nagsama-sama."

Sandali siyang nag-atubili kung bubuksan ang paksa. Pero sa huli ay bumigay din siya.

"Sabi ni Maan, pagkababa daw ng bagong kontrata mo ay aalis ka daw ulit? Hindi ko alam na kapitan ka pala ng barko."

Sandali itong natigilan. "'Yun ba ang pinagu-usapan niyo kanina?"

Hindi siya umimik. Itinuloy lang niya ang paglalakad. Kapagkuwan ay bumuntong-hininga ito.

"Trabaho ko 'yon, eh. Hindi ako tumitigil dito."

"Kaya ba nangungupahan ka lang sa bahay ni Mari?"

Tumango ito. "Dati ay kay Ned ako naglalagi kapag umuuwi ako. Pero dahil may asawa na si 'insan, ginamit ko ang bahay ni Mari. Naisip ko kasi na hindi rin ako magtatagal dito. Sayang naman kung mag-i-invest ako sa bahay."

Kinagat niya ang ibabang labi bago nagtanong. "Bakit naman sayang? Wala ka bang balak mag-pamilya?"

Matagal itong hindi sumagot. Sinulyapan niya ito. Nakakunot ang noo nito at salubong ang mga kilay. Matigas ang panga nito at kitang-kita ang matangos na ilong. Naalala niya bigla dito 'yong mga napapanood niyang mga gwapong sundalo sa Band of Brothers. She mused at the sight of him.

"Depende," wika nito maya-maya.

"Depende saan?"

"Hindi ko na talaga naiisip ang mga bagay na 'yan. Siguro, kung tinanong mo ako noong isang buwan, o kahit noong isang linggo, sasabihin ko na wala. Mahirap 'yang ganyan na nagkakaroon ka ng obligasyon sa isang tao. Naisip ko, mabuti na 'yung ganito, walang naghahanap sa'kin. Walang nag-hihintay kung kailan ako uuwi at mananatili dito."

Pinapakinggan lang niya ito habang patuloy silang naglalakad. Maya-maya ay hindi siya nakatiis.

"Pero sabi mo ay 'depende.'"

Isang misteryosong ngiti ang lumabas sa labi nito. Pero hindi na ito umimik. Nag-iwas siya ng tingin. Nagpatuloy ulit siya sa paglalakad. Ito naman ang hindi nakatiis. Tumikhim-tikhim ito.

"Ikaw? Wala ka bang balak magtagal ng bakasyon dito? Ang sabi ni Mari, isang linggo ka lang daw dito. Ilang araw na lang, ah."

A strong hand seemed to grip her chest at the thought of leaving. Pilit niyang iwinaksi ang biglang sirit ng sakit sa puso niya. Nagkibit-balikat siya. Sinikap niyang pagawing kaswal ang tinig.

Strange and BeautifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon