Chapter Twenty-Five

634 31 1
                                    

Bumiling si Dojo sa higaan. Ang kamay niya ay automatikong kinapa ang nasa tabi niya, inaasahan ang bultong mahahawakan. Sa halip ay malamig ang espasyo na sumalubong sa kanya. Mabilis siyang bumangon. Wala na si Prezzy sa tabi niya. Sa labas ay nakikita na niya ang pagsingit ng araw sa bintana. Ilang oras na ba siyang natutulog?

"Prez?"

Pinakiramdaman niya ang buong bahay. Wala siyang narinig na tugon. Inilibot niya ang paningin sa kwarto nito. Naaamoy pa niya ang bango ni Prezzy mula kagabi. Warmth and desire instantly flooded his system when he remembered making love to her last night. Pakiramdam niya ay napunan ni Prezzy lahat ng kulang sa pagkatao niya – sa puso niya.

Tumayo siya at nagbihis. Hinahanap niya si Prezzy sa loob ng bahay. Ang dinatnan niya ay ang agahang nakahain sa lamesa na lumamig na. Pero wala ni anino ni Prezzy. Bigla siyang kinabahan. Naalala niya kung anong araw na ng mga sandaling iyon. Dali-dali ulit siyang bumalik sa kwarto at hinanap ang maleta nito. Wala na iyon. Kahit ang puwesto nito sa kama ay maayos ang pagkakalagay ng unan at kumot. Na para bang walang humiga doon nang nakaraang magdamag. Pagtingin niya sa bedside table ay wala na roon ang engagement ring nito.

Biglang parang sinilaban siya ng matinding takot. Naalala niya kung paano siya nito yakapin noong nakaraang gabi, na para bang iyon na ang huling pagkakataon na magagawa nito iyon.

No, she did not...

Mabilis siyang tumakbo palabas ng bahay. Humahangos pa siya nang makarating sa bahay nila Ned at Mari. Gulat na tumingin sa kanya ang dalawa.

"Dojo! Saan ka ba galing?" matinis ang boses na tanong ni Mari.

"Nasaan si Prezzy?!" he demanded angrily.

Nagkatinginan ang dalawa. Nakita niya ang paglukot ng mukha ni Mari. "Inihatid ko kanina pa sa terminal ng bus. Mga isang oras na ang lumipas."

"Saan ka ba kasi nagpunta? Sabi ni Prezzy ay wala ka daw nang magising siya," angil naman ni Ned.

"Shit!"

Hindi niya mawari kung maiiyak ba siya. Dali-dali siyang nanakbo sa pinagparadahan ng jeep. Damn you for breaking your promise, Prezzy.

Iyon na yata ang pinakamahabang byaheng ginawa niya sa buong buhay niya. Iniisip pa lang niyang umaalis si Prezzy ay parang inaalisan siya ng hangin sa dibdib. Ang huling beses na umiyak siya ay noong mamatay ang mga magulang niya. Nawalan siya ng direksyon sa buhay pagkatapos noon. Napaniwala niya ang sarili na mag-isa na lang niyang gugugulin ang natitira pang taon sa buhay niya. Until Prezzy came along and changed his world.

Napadiin ang tapak niya sa selinyador. Nang makarating siya sa terminal ng bus ay dali-dali niyang hinanap ang byahe papuntang Maynila. Pero natigilan siya nang may makita siyang pigurang nakayukyok sa may dulong upuan kung saan wala ng tao.

Nag-init ang sulok ng mga mata niya nang makita niya si Prezzy. Yakap-yakap nito ang maleta nito. Sa distansyang kinatatayuan niya ay nakikita niya ang pamumula ng mata nito sanhi marahil ng pag-iyak.

That was when he knew. Hindi niya guni-guni ang lahat nang sabihin nitong mahal siya nito sa inaantok niyang diwa.

****

Humigpit ang pagkuyom ni Prezzy sa engagement ring na hawak niya. Hindi na niya alam ang gagawin niya. Lampas isang oras na siyang nandoon pero hindi pa rin siya kumikilos. Alam niyang baka tinatawagan na siya ng mommy niya at ni Jake pero pinatay niya ang cellphone niya. Suddenly, everything seemed like a blur.

Nagulat pa siya nang makita ang pamilyar na pares ng paa na nakatayo sa harap niya. Nang mag-angat siya ng paningin ay nakita niya si Dojo. Gulo-gulo pa ang buhok nito. Halatang basta na lang nito isinuot ang T-shirt at pantalon nito. Namumula din ang mata nito'ng alam niyang kagaya ng sa kaniya. Nagsunod-sunod ang tambol ng dibdib niya.

Did he cry too when he woke up and found her not by his side? Katulad ba niya ay natakot itong mawala siya?

Tumalungko ito sa harap niya at inabot ang kamay niya.

"Ayaw mong umalis?" marahang tanong nito.

Sukat sa sinabi nito ay inihilamos niya ang palad sa mukha. Sunod-sunod na iling ang ginawa niya.

"Ang gaga ko. Ang sabi ko kahapon, dapat na akong umalis. Magkakagulo silang lahat kapag wala ako. Ang sabi ko, okay lang kahit niloko ako ni Jake. Kasalanan ko naman ang lahat, eh. Hindi ko maibigay sa kanya ang hinihingi niya. Kontento na ako kung ano lang ang meron ako." Napahikbi siya sa mga palad. "Kaya lang, naiisip ko na kapag umalis ako, baka hindi na ulit kita makita. Hindi tuloy ako makagalaw sa kinauupuan ko. Alam ko na ngang wala akong lugar dito, ang tigas pa rin ng ulo ko."

Sa pagkabigla niya ay kinabig siya nito payakap. Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya. Tuluyan na siyang napaiyak habang ibinabaon ang mukha sa leeg nito.

"Sinabi ko nang mahal kita, Prez. Bakit aalis ka pa? Mahal mo ba talaga 'yong fiancé mo?" halos pabulong na tanong nito.

Humigpit ang yakap niya dito. "Mahal kita, Dojo. Maniwala ka sa'kin na hindi kita ginagamit. Kaya lang ay natatakot ako. A-akala ko.. akala ko, sinabi mo lang na mahal mo ako dahil... dahil..."

"Because making love with you last night was the best thing that happened to me in a long time?" masuyong sabi nito. Bahagya siyang inilayo nito at nginitian. Pinahid nito ang luhang naglalandas sa pisngi niya. "Mahal kita, Prez. O ayan, tirik na tirik na ang araw at wala tayo sa kama. Huwag ka nang magduda."

Sa kabila nang walang ampat na pag-iyak niya ay natawa siya. Walang tigil naman si Dojo sa pagpupunas ng luha niya. Bahagyang sumeryoso ito.

"Ikaw babae ka. Huwag na huwag mo na ulit akong tatakutin nang gan'on. Nangako ka sa'kin na hindi ka aalis nang hindi nagsasabi sa'kin. Nagka-near death experience ata ako nang magising ako na wala ka."

Suminghot siya. "Sorry."

"Sorry... sorry..." palatak nito. Pagkatapos ay ngumuso. "Halikan mo ako," ungot nito.

Suminghot ulit siya kahit na napapangiti siya. Pero ginawaran niya ito ng mabilis na halik sa labi. Itinaas nito ang baba niya at diretsong tiningnan siya sa mata.

"Last night, when I asked you to stay with me, I meant it, Prezzy," may diing sabi nito.

Tumango siya, nagsisikip ang dibdib niya. Iyon lang ang assurance na hinihintay niya. Kapagkuwan ay may naalala siya.

"Hindi pala pwede. 'Yong engagement party. Kailangan ko pa ring umuwi. Mag-aalala sila mommy," tarantang sabi niya.

Pinisil nito ang kamay niya. "Tara. Sasamahan kita."

Strange and BeautifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon