Chapter Seventeen

488 23 1
                                    

"So, Prezzy, ikaw pala ang ibinibida nitong si Chino na housemate ni Dojo? Nice meeting you. I'm Maan."

Tinanggap ni Prezzy ang pakikipag-kamay nito at ngumiti. "Nice meeting you, Maan."

Kumuha ito ng fries na nasa harap nila. Pagkatapos ay sumulyap kay Dojo na nakatayo sa may 'di-kalayuan at nakikipagtawanan sa isang lalaking nagngangalang Gary. Ito ang may-ari ng bar at ang asawa ni Maan. Nasa tabi ng mga ito si Chino. Ang sabi ni Chino ay matagal na daw magkakaibigan ang mga ito.

Pumalatak si Maan. "Nakalimutan na tayo ng mga kulokoy na 'to. Palibhasa, bihira lang silang magkita-kita."

"Bakit?"

"Bibihira lang kasing umuwi dito si Kapitan, eh."

"Kapitan?"

Tumaas ang kilay nito. "Si Captain Doroteo Jose Molina. Kakatapos lang ng kontrata niyan sa isang international cruise ship kaya nandito 'yan ngayon. But knowing Dojo, may kasunod ulit na kontrata 'yan."

Lumunok muna siya. Hindi makapaniwala sa narinig. "You mean, hindi lang jeepney driver si Dojo?"

Tumawa si Maan sa pagkakataong iyon. "Iyon ba ang pakilala ni Dojo sa'yo? Well, kunsabagay, kapag nandito 'yan ay ipinapasada niyan ang jeep ni Gary para daw hindi siya ma-bore. Hindi ata sanay na walang ginagawa dito."

Minsan pa ay sinulyapan niya si Dojo na nakikipagtawanan. Alam niyang hindi basta-basta ang pagiging kapitan ng isang cruise ship. Pero kung tutuusin ay napaka-simpleng tao lang ni Dojo. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng pagmamalaki. Tumaas pa lalo ang tingin niya kay Dojo.

"Siguro, excited na naman 'yang mga 'yan. Hindi naman kasi pumipirmi si Dojo dito. Lalo pa at matagal nang patay ang mga magulang niya. One of these days, aalis din 'yan. Same old Dojo." Napailing-iling pa ito.

"Hindi ko afford na masanay na may kasamang kumain ng agahan..." So iyon ang ibig sabihin ni Dojo.

Aalis din siya... Parang nanikip bigla ang dibdib niya sa kaisipang iyon. Focus, Precious!

"But I'm glad you're with Dojo," wika ulit nito. Ngumiti ito sa kanya. "Mabuting tao 'yan kahit na may pagkaluko-luko minsan. You're in good hands with him."

Wala sa loob na napahigpit ang pagkuyom niya sa kaliwang kamao niya.

"Dojo and I... we're not exactly..." Hindi niya matapos-tapos ang sasabihin.

Tumingin ulit siya kay Dojo. Sa puntong iyon ay lumingon ito sa kanya. Si Maan ay tumawa nang malakas.

"Ang kumag! Tinamaan ng kung ano. Kanina pa 'yan lingon nang lingon dito."

Nang tila hindi makatiis ay naglakad si Dojo papalapit sa table nila. Nahugot niya ang paghinga. Amused na amused naman si Maan.

"Iyan ba ang sinasabi mo'ng 'we're not exactly'?" tudyo nito.

Kahit paano ay natawa siya. Kaparehong-kapareho ng ugali nito si Mari.

Tumigil si Dojo sa tabi niya. He protectively wrapped one arm around her shoulder. Para bang napaka-natural na nitong ginagawa iyon.

"Ako ba ang pinag-uusapan niyo?" nakangising tanong nito.

Ngumisi din si Maan at kumindat sa kanya. "Binabalaan ko lang siyang mag-ingat sa'yo dahil matinik ka kako sa chicks."

Nalukot ang mukha ni Dojo. Mas lalo pa siya nitong hinila palapit dito.

"Huwag kang makinig diyan, Prezzy. Good boy kaya ako."

Umarko ang kilay niya. May naglalarong ngiti sa labi. "Ows? Kakasabi mo lang na pila-pila ang pasahero mong babae, ah."

Naningkit ang mata nito. "Pinagkakaisahan niyo ako porke't hindi ako lumalaban."

Sabay silang nagtawanan ni Maan. Mamaya-maya pa ay lumapit si Chino at tinapik sa balikat si Dojo.

"Mr. Loverboy, tama na diyan. Tawag ka na sa stage ni Gary. Ako na ang bahala kay Prezzy."

Nagdilim ang mata ni Dojo. Sinisindak si Chino. "Chino ha..."

Natatawang itinulak lang ito ni Chino. Si Dojo naman ay kumindat sa kanya bago nagpatiunang maglakad. Sinundan lang niya ito ng tingin. Hindi mapuknat ang ngisi niya.

"Anong meron?" takang tanong niya kay Chino na umupo sa tabi niya.

Ang lapad ng ngisi ni Chino. Dumakot din ito ng fries na nasa harap nila.

"Magpapakitang-gilas 'ata ang loko eh."

Bago pa niya maintindihan ang ibig sabihin ni Chino ay may narinig siyang tumikhim-tikhim sa microphone. Si Dojo ay umupo sa isang stool habang nakasukbit sa leeg nito ang isang acoustic guitar.

"Magandang gabi, mga kabayan." Nag-echo ang malagong nitong boses.

Nagbungisngisan ang mga customer na babae na nasa may unahang mesita. Ang iba naman ay nagpalakpakan.

"Nabuhay ka na naman, Kapitan!" sigaw ng isa.

"He can sing?" mulagat na tanong ni Prezzy sa mga kasama niya sa table. Naririnig niyang kumakanta si Dojo tuwing umaga pero hindi niya naisip na pang-microphone din pala ang boses nito.

Ngumisi si Maan. "He used to during high school. Kapag nakakauwi 'yan dito ay sinasabihan ni Gary na magperform dito sa Bellara."

Manghang napatingin siya kay Dojo. Pataas nang pataas ang listahan ng mga nalalaman niya tungkol dito. And she was pleased with every discovery.

"Medyo kinakalawang na ang boses ko kaya pagpasensiyahan niyo na," nakangising sabi nito. "Id-ine-dedicate ko pala ang kantang 'to sa isang Amazonang bigla na lang dumating sa buhay ko. I'm not good with words so..."

Sandali itong sumulyap sa kanya at ngumiti. Pagkatapos ay tumipa-tipa ito sa gitara. Ilang sandali ay pumainlalang na ang boses nito sa loob ng Bellara.

"Stay with me, baby, stay with me. Tonight, don't leave me all alone. Walk with me, come and walk with me. To the edge of all we've ever known..."

"Ang style mo, Dojo!" pangangantiyaw ni Chino dito.

Lalo lang nilakasan ni Dojo ang pag-strum sa gitara. He looked at her and kept their gazes locked. Sa ilaw ng stage ay kitang-kita niya ang lalong pag-itim ng mga mata nito. Nginitian niya rin ito. Her heart was instantly filled with something warm.

"Well, I'm not sure what this is gonna be. But with my eyes clenched all I see is the skyline through the window, the moon above you and the streets below. Hold my breath as you're moving in. Taste your lips and feel your skin..."

Sandali itong tumigil pagkanta habang ini-strum ang gitara. Pagkatapos ay bumulong ito sa mic.

"When the time comes, baby, don't run. Just kiss me slowly..."

Kasabay nang pag-strum ng gitara nito ay ang tilian ng mga babae sa unahang table. Ngumiti si Dojo sa pagitan nang pagkanta. Pagkatapos ay hinuli nito ang mga mata niya.

Kiss me slowly... It sounded like a sweet plea to her ears.


(for those who may ask, the song used was "Kiss Me Slowly" by Parachute)

Strange and BeautifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon