Samantalang nagtaka si Arthur dahil iba na ang lugar na kanatutungtungan at alam niyang gawa iyon ni Aling Mellisa.
"Ano 'to? Nasaan po tayo?" pagtatanong ni Arthur.
"Ito ang Bayan ng Silibas, kung saan nakatira si Cedric at dito rin nagmula ang mga aswang na ngayon ay nasa lugar ninyo," tugon nito.
"Cedric? Sino naman 'yon?" sunod nitong tanong.
"Siya ang dahilan ng pagkakaroon ng mas matinding aswang. Ama niya ang matandang aswang na nakaharap ng mga kasamahan mo at siya rin ang nakatatandang kapatid ni Crizalix," dagdag pa ng matanda.
"Ni Crizalix? O, paano nangyari 'yon?"
Ipinaliwanag ni Aling Mellisa ang lahat. Sinabi niya rin na hindi talaga ito totoong kapatid ni Cedric. Nabanggit nya rin ang totoong pagkatao ng binata at ang dahilan kung bakit ito naging aswang. Pero ang hindi niya masabi ay kung sino ang tunay na mga magulang ni Cedric at kung nasaan ang mga ito.
"No'ng sinabi n'yo pong hindi kayo nagtagumpay sa pagsira ng kuwintas, alam ko po ang dahilan," sambit ni Arthur.
"Ano?" tanong ni Aling Mellisa.
"Dahil hindi mo naman talaga nasira, dapat ang dulong bahagi niyan ang mawasak sa harap ni Cedric. At 'yung sinasabi mong halimaw o demonyong lumabas sa katawan ni Cedric, dahil 'yon sa paglaban ng kanyang katawan at hindi talaga 'yon nawala bagkus nanatili sa katauhan niya..." mahabang salaysay ni Arthur.
Ngayon, alam na ni Aling Mellisa ang dahilan at kasagutan kung papaano mapipigilan ang mga misteryosong nilalang na ginawa ng binatang si Cedric.
"Sa ngayon ay hindi ko pa nakikita si Cedric," sambit ni Aling Mellisa.
"Sigurado po ba kayong buhay pa talaga siya?" muling tanong ni Arthur.
"Oo, dahil kung namatay siya nang hindi ko alam, sinong gagawa ng mga kakaibang nilalang na nakaharap ng mga kasamahan mo?" paliwanag ni Aling Mellisa.
Sa panig naman ng magkakaibaigan, patuloy sa pakikipaglaban nina Melvin at Benjamin sa mga aswang samantalang si De R, napaupo dahil sa sugat na tinamo.
"Guys, ano ba 'to? Bakit parang may kung anong lalabas sa sugat ko?" napatanong si De R dahil sa sakit habang nakahawak sa kamay.
"Huwag kang mag-alala, matatapos din ang lahat," tugon ni Melvin habang patuloy sa pakikipaglaban kahit halos maubos na ang kagamitan at tanging sariling kamay ang ginagamit.
"Tama na!" sigaw ng matandang aswang mula sa itaas at dahil do'n ay nagsiliparan muli ang mga aswang paitaas.
Nagtaka ang magkakaibigan sa mga nangyayari. Nagsialisan ang mga ito na para bang pinalalaya na sila subalit hindi pa naman ito natatalo o nauubos? Sa isip ni Melvin, mukhang may binabalak na naman ang mga ito na talagang ikagugulat nila.
Hindi na nagsayang ng oras sila Melvin at tinulungang tumayo ang kaibigan upang isakay sa sasakyan.
"Maiwan ko muna kayo dito." Sambit ni Melvin nang naisakay na si De R sa sasakyan kasama si Benjamin dahil alam na niya rin na kasama ni Aling Mellisa si Arthur.
Mabilis na tumakbo at naghanap si Melvin sa mga babaeng kasama dahil baka kung napaano na ang mga ito. Nakita niya agad ang mga kasama sa likuran ng restaurant. Tinulungan niya ring alalayan sa pagtayo si Meachelle at Nadine na mukhang grabe ang sinapit at halatang nasaktan ang mga ito. Samantalang si Katrina ay patuloy sa panggigising sa kaibigang si Crizalix na hinimatay pagkatapos magbalik sa dati nitong anyo.
"Guys, si Crizalix na talaga 'to at alam ko na ngayon na hindi niya talaga tayo balak patayin at dalhin dito," sambit Katrina nang papalapit ang tatlo sa kanya.
"Kung gano'n e, bakit niya nagawang saktan tayo at iba ang mga ipinakita niya kanina?" tanong ni Nadine na nakahawak sa ulo dahil sa nasaktan din siya.
"Hindi ko rin alam Guys, pero mukhang may kinalaman ang nagsasabing anak niya si Crizalix sa mga nangyayari sa kaibigan natin," tugon ni Katrina.
"Pero nagsiliparan ang mga iyon at hindi ko alam kung saan pupunta," sambit ni Melvin.
"Baka naman sumusuko na sila?" dagdag pa ni Meachelle.
"Hindi sila sumusuko ero ang nasisiguro ko lang, may pinaplano sila na mas makakadaling makapatay sa atin at sa maraming tao," tugon ni Melvin.
Nasambit iyon ni Melvin dahil naalala niya ang sinabi ni Aling Mellisa noong nakaraang gabi na hindi basta-basta sumusuko ang mga aswang. Natapos na sila sa pag-uusap at mabilis na lumakad habang buhat ni Melvin si Crizalix upang isakay sa sasakyan. Kahit nagulat sina De R at Benjamin sa pagdala ng tatlo sa dalaga, agad na sinabi ni Katrina ang mga nangyari kung kaya't nawala ang mga takot nito.
"Sigurado ba kayong makakaalis tayo?" tanong ni Meachelle kay Melvin na siyang magmamaneho.
"Hindi ko pa alam pero susubukan natin at kung magawa man natin, hindi tayo didiretso sa bahay," tugon ni Melvin.
"O, bakit naman?" agad na tanong ni Nadine.
"Tulad nga ng sinabi ko, may pinaplano sila," tugon muli ni Melvin at nag-umpisang magmaneho.
Madilim sa kalsada dahilan upang hindi nila makita ang dinadaanan ngunit ipinagpaptuloy pa rin nila. Hindi pa man nakakalayo, nagkaroon na ng kabahayan at mga gusali sa paligid na agad na ikinasaya ng magkakaibigan maliban kay De R na nararamdaman pa rin ang sakit.
"Kung hindi tayo uuwi o pupunta sa ospital, paano magagamot si De R?" tanong ni Benjamin kay Melvin.
"Hindi Doctor ang kayang makagamot niyan. Ang kailangan natin, si Arthur dahil marami na siyang alam sa mga aswang," tugon ni Melvin.
"Gano'n pa rin naman... guys! Marami pa ring mga tao doon," sambit ni Katrina na nag-aalala rin sa pwedeng mangyari.
"Mas maganda na rin kung sa bahay tayo ni Arthur dahil maraming proteksyon doon at mga panlaban sa mga aswang," tugon ni Melvin.
"Kung sa bagay!" dagdag pa ni Meachelle.
Napatigil sila sa pag-uusap nang marinig nilang magsalita si Crizalix dahil nananaginip.
"Tama na po... ayaw kong maging katulad n'yo! Ayaw kong maging aswang!" mga bigkas ni Crizalix.
Nagkatitigan lang ang magkakaibigan at nakinig pa sa sasabihin ng dalaga.
"Ayaw ko po silang saktan! Huwag n'yo na po akong pahirapan gamit ang kapangyarihan mo! Ayaw ko talaga maging katulad n'yo!" sambit muli ni Crizalix at agad na nalinawan ang magkakaibigan.
Lubos na nilang naiintindihan kung bakit sila nadala ni Crizalix sa mga iyon at sa mga ipinapakita nito. Ang dahilan ay dahil sumasailalim si Crizalix sa kapangyarihan ng isang aswang at 'yon ang hindi nila alam. Niyakap na lang ng mga babae si Crizalix na siya naman nitong pagtigil. Nakarating na sila sa bahay ni Arthur at mabilis na nagsibabaan sa sasakyan. Napahinto sila ng makita ang kotse ni Melvin na nasa harap na ng bahay kung gayong lumayo ito kanina dahil sa kagagawan ng aswang.
"Teka, bakit 'yan narito?" pagtatakang tanong ni Nadine.
"Huwag na kayong mag-isip pa, lakad na!" sambit at utos ni Melvin habang buhat-buhat si Crizalix.
IPAGPAPATULOY...
-----
BINABASA MO ANG
Misteryoso 2 (Completed)
HorrorMas tumindi ang galit ni Cedric at ginusto niyang mas marami ang mapahamak. Siya ay lumuwas ng Manila kasama ang nakababatang kapatid at ang itinuturing na ama. Bagong pakikipagsapalaran, paghihimagsik at mga bagong taong magpapakita ng katapangan...