Kabanata 2

47 2 0
                                    

Kinusot ko ang aking mga mata nang mawala ang mga matang nakita ko. Napalitan ito ng pagsulpot ni Mama mula sa aking kwarto at may dala-dalang maliit na birthday cake.

"Mama naman! Tinakot mo ako!" reklamo ko.

Inilagay muna ni Mama ang cake sa table at hinawakan ang dalawa kong kamay.

"Happy birthday, anak!" bati niya.

"Mama naman, ilang linggo pa bago ako mag-nineteen!" natawa ako ng bahagya.

"Ngayon lang ako magkakaroon ng tsansang batiin ka, anak. Alam mo namang busy ako sa trabaho. Isa pa, wala ako sa araw ng birthday mo. May kailangan akong trabahuhin sa Bohol." wika niya.

Kaagad akong nalinawan. Agad kong naintindihan ang ibig niyang sabihin kaya napagdesisyunan niyang batiin ako nang maaga. Umupo kami sa sofa at niyakap ko na lamang siya. Unti-unting namuo ang mga luha sa aking mata.

Sa dalawang taong impyerno ng aking buhay, hindi ako nilisan ng aking ina. Nararamdaman ko ang hirap na nararanasan niya pero ipinaglaban niya pa rin ang pagiging inosente ko. Sa higpit ng yakapan namin, napapikit muli ako.

"Mamang pulis, inosente po ang anak ko! Parang awa niyo na! Wala po siyang ginawang masama! Iba po ang gumawa nito!" narinig ko ang mga sigaw ni Mama sa loob ng istasyon ng pulis.

Habang kaharap ko si Kuya Zav sa labas ay lumingon ako sa direksyon nila. Sa malabong glass door ay kitang-kita ko kung paano bumuhos ang iyak at lumuhod si Mama sa harap ng mga pulis. Gusto ko siyang pigilan ngunit para bang naestatwa na lamang ako sa kinatatayuan ko. Nabibingi. Hindi ko na rin marinig ang sinasabi ng kaharap ko. Ang tanging naririnig ko na lamang ay ang aming hikbi ni Mama.

"Paige, naririnig mo ba ako?" napatingin ako kay Kuya Zav.

"Ano po 'yun?"

"Pinapalayas ako ni Papa sa amin. Maghahanap na lang ako ng malilipatan." wika niya.

"P-paano 'yun? Alam naman nating hindi ako ang may sala pero hindi mo kailangang isakripisyo ang lahat!"

"Pinili ko ito. Huwag mong sisisihin ang sarili mo. Sapat na ang pera ko para humiwalay kina Papa." tumingin tingin siya sa paligid bago magsalita muli. "Basta kapag kailangan mo ng tulong, you can always contact me."

Iyon ang huling sinabi niya sa akin bago siya umalis ng istasyon ng pulis. Dalawang taon na nang huli kaming magkita at magkausap. Hindi man iyon nangyayari, ramdam ko pa rin ang presensya niyang palagi siyang andiyan para sa akin. Ang tanging balita ko lamang ay tahimik nang namumuhay ang dating Mayor Suarez pati si Ate Eirene. Ni wala akong ideya kung saan nakatira si Kuya. Deactivated din lahat ng kanyang mga social media account.

Naputol ang pag-iisip ko nang bumitaw si Mama sa aming yakap. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi.

"You've grown so well, my woman. I'm so proud of you." nakatitig lang sa akin si Mama. "Ngayon nineteen na ang unica hija ko!"

"Mama, hindi ka ba talaga makakasama sa birthday ko?" tanong ko.

"Baka nga magtagal pa nga ako roon ng ilang buwan. Pasensya ka na, anak." may bakas ng lungkot sa kanyang mga mata.

"Ayos lang, Ma! Kailan ang alis mo kung ganoon?"

"Bukas ng happn. Susunduin ako rito noong driver ng may-ari." ngumiti siya.

Hindi na ako nagtanong pa kung anong trabaho ang isasagawa ni Mama sa Bohol. Pinagkatiwalaan ko siya sa desisyon niyang iyon.

Ilang araw ang nakalipas matapos ang usapang iyon.

Splashes of AffectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon