"Alam mo ba, Paige, favorite ko 'to!" pagmamayabang ni Kuya Zav habang ipinapakita sa akin ang mamahalin niyang trumpo.
Nagpakitang gilas siya sa akin at ipinatakbo ang yoyo niya. Labis akong namangha sa ginawa niyang iyon. Kasalukuyan kaming nakaupo sa damuhan sa labas ng bahay ng mga Suarez. Mabuti na lang at nasa dentista pa si Ate Eirene. Kung narito siya ay paniguradong hindi niya papahintulutan ang pagpunta namin dito.
"Wow, ang ganda!" bati ko nang magsimula na itong umikot sa kongkretong parte sa damuhan.
Bigla na lamang kaming nakarinig ng sigawan sa loob. May narinig din akong parang platong nabasag. Akma na sana akong papasok sa loob nang pigilan ako ni Kuya Zav. Tinakpan niya ang mga tainga ko at ngumiti sa akin.
"Magtiwala ka lang sa'kin, Paige! Ililigtas kita palagi sa mga villain!" nanatili ang kanyang mga palad sa aking tainga.
"Talaga? Lahat sila, tatalunin mo?" nananabik kong sabi.
Tumango siya. "Para sa kapatid ko."
"K-kapatid mo ba talaga ako?" tanong ko kay Kuya Zav at sabay kaming napaupo muli sa damuhan.
Saglit siyang natahimik sa sinabi ko. Ibinalik niya muna sa kahon ang trumpo niya.
"Oo naman!" wika niya. "Diba 'yung tatay natin ay si Papa?"
"Madalas kasing pang-aasar sa'kin sa school, ampon daw ako sa labas!" malungkot kong sabi.
"H-huh? Ba't ka ba nakikinig sa mga iyon? Nasa loob nga tayo ng bahay namin, ba't naman magiging anak ka sa labas?"
Parehas kaming napatawa sa kanyang biro. Napahiga na lamang kami sa damuhan at parehas na nakatingin sa malinaw na kalangitan. Hindi nagpatinag ang mga sigawan sa loob. Umisip ako kaagad ng alternatibong sasabihin para lang makapasok ako sa loob.
"Naiihi ako!" sabi ko kay Kuya Zav.
Akala ko ay hindi uubra noong una. Buti na lamang at hindi siya nagsuspetsya. Dumiretso ako sa loob ng bahay. Imbis na magtungo sa palikuran ay hinanap ko kung saan nanggagaling ang mga malalakas na tunog. Sa mariing paghahanap sa bahay, kaagad akong nagtago sa pader nang makita ko sina Miss Erianna at Mama sa storage room. Nakaawang ang pinto nito.
"Madam Erianna, t-t-tama na po!" mahinang pag-iyak ni Mama habang nagtatangka si Miss Erianna na pagbuhatan siya ng kamay.
Napatakip ako ng bibig nang makita ko kung gaano nahihirapan si Mama. Nakaluhod siya ngayon sa harap ni Miss Erianna. Wala akong ideya kung ano ang pinag-aawayan nila sa puntong ito. Ang tanging alam ko ay anak ako ni Mama, habang si Kuya naman ay anak ni Miss Erianna.
"Never set your filthy foot here again!" sigaw ni Miss Erianna.
Mas lalo pa akong nagtago. Hindi ko na kayang makitang ganoon ang kalagayan ni Mama kaya hindi ko na ito pinanood. Nanatili akong nakasandal sa pader na iyon at patuloy na umiyak. Bilang bata, hindi ko pa maintindihan ang lahat.
"M-Miss, maniwala kayo!" bulalas ni Mama. "Hindi na kayo ligtas!"
Itinaas ni Miss Erianna ang gitna niyang daliri sa harap ng nanay ko. "Sinira mo na ang lahat, Patricia! Huwag mo nang tangkaing sirain ang pamilya ko! Umalis ka na rito dahil baka makita ka pa ng pamilya ko! Nakakadiri!"
Nang maramdaman kong lumabas si Miss Erianna ay mas lalo akong nagtago. Inintay ko ang tamang panahon para umalis sa kinatatayuan ko.
"Paige! Anong ginagawa mo diyan?" nagulat ako nang maramdaman si Kuya Zav sa likod ko.
BINABASA MO ANG
Splashes of Affection
RomanceAGRAMONTE SERIES # 1 "Love is unconditional, indeed. Like the wildest bodies of water, how deep can that love risk?" Paige Michaela Suarez later discovered her ill-fated life being a Suarez and her immediate downfall with Artemis Chaos Agramonte.