Tahanan (Casa)
Naglaho na ang kulay kahel na kalangitan at kumagat na ang dilim, nagsimula na ring mabuhay ang mga ilaw sa poste nitong malawak na kalsada na ngayon ay napupuno ng mga sasakyang nagsisiksikan at kani-kaniyang busina sa kagustuhang makausad.
May banggaan sa unahan o 'di naman kaya ay may tumirik na sasakyan. Ganito palagi ang nasasaksihan ko sa loob ng dalawang buwang pagiging palaboy sa kalsada ng Quiapo.
Tahanan?
Maituturing ko namang tahanan ang lugar na ito. Natutulog ako sa ilalim ng tulay at kung may pagbaha man dahil sa malakas na ulan at lumilipat ako sa overpass, huwag lamang papahuli sa mga barangay tanod o nagpapatrol dahil sigurado na sa barangay ang bagsak ko.
Tahanan?
Siguro maituturing ko ring tahanan ang gilid at likod ng simabahan ng Quiapo dahil mas madalas dito ako natutulog kapag maganda ang panahon. Sa dalawang buwan kong pagiging palaboy sa lansangan halos saulo ko na rin ang bawat eskinita. May mga puwedeng daanan na shortcut patungong intramuros at luneta park, malaking tulong ito para sa mga katulad kong batang palaboy na ayaw madampot ng patrol kapag nagkakahulihan.
"Bella, dios kong bata ka! Nandito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap. Akala ko nauna ka na sa 'kin sa simbahan, hindi ka ba magsisimba?" Sambit ni Nana Lina, ang matandang babaeng nababalot nang maruruming damit, hindi kagaya ko na nakabistidang puti pero gutay-gutay na ang laylayan. "Magsisimula na ang misa. Pinagod mo ako sa paghahanap sa 'yo. Paano kapag bumalik bigla ang anak ko? Tapos hinahanap pala ako, eh 'di hindi niya ako nakita." Nagpatianod na lamang ako sa paghatak sa akin ni Nana Lina, naririnig ko na rin ang tunog ng kampana na nagmumula sa simbahan ng Quiapo. "Magagalit ang anak ko kapag hindi niya ko nakita sa may simbahan!" Lagi itong sinasabi ni Nana Lina kapag nahahanap niya ako sa lugar na malayo sa may simbahan, ayaw na ayaw niyang umaalis sa may pintuan ng simbahan dahil baka raw dumating ang anak niya at hindi siya nito makita.
Isang beses ay tinanong ko si Nana Lina kung nasaan ba ang sinasabi niyang anak, ang sagot niya lamang sa 'kin ay 'nasa malayo' raw ito. Kaya naisip ko tuloy na baka wala na rin ito 'gaya ng aking ina na pumanaw na dalawang buwan na ang nakakalipas. Ang sabi kasi sa 'kin ni mama na pupunta lamang daw siya sa malayong lugar pero hindi na ulit siya nagising matapos niyang sabihin iyon.
"Sabi ko naman kasi sa 'yo Bella na 'yong anak ko na lang ang bibili ng manikang gustong-gusto mo. Hindi mo na kailangan pang tumambay do:n sa may bangketa. Kapag dumating na ang anak ko galing ibang bansa at kinuha ako, isasama talaga kita." Madalas akong tumatambay sa may gilid ng tulay kung saan may mga nagtitindang laruan. Sa buong buhay ko ay hindi ko pa nararanasan ang magkaroon ng laruang manika kahit noong buhay pa ang mama ko, ayaw ko ring magpabili dahil gastos lamang iyon.
Si Nana Lina naman, lagi niyang sinasabi na isasama niya raw ako sa oras na dumating ang anak niya na nasa ibang bansa raw. Kaya napapaisip din ako minsan na baka nga nasa ibang bansa ang anak nito at pinabayaan na siya.
"Nagsimula na nga ang misa, hay nakung bata ka! Nahuli tuloy ako dahil sa 'yo." Reklamo ni Nana Lina. Sa lahat ng mga katulad naming mga palaboy dito sa lansangan ng Quiapo, si Nana Lina lamang ang malapit sa akin at ang sabi niya, nakikita niya raw sa 'kin ang bunso niyang anak na namayapa na dahil sa sakit nito sa puso, ang tinutukoy naman niyang anak na nasa malayo raw ay ang kaniyang panganay. "Padaan, padaan ho kami." Singit ni Nana Lina sa mga taong nakatayo sa labas ng simbahan dahil tulad namin ay wala na rin silang maupuan sa loob.
BINABASA MO ANG
IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]
RomansaUlila at palaboy, 'yan ang naging buhay ni Bella bago mapunta sa pangangalaga ni Señor Freigo na dating Hari ng Roma Infinite Palace sa bansang Italya na ngayon ay tahimik na namumuhay sa kanyang maunlad na bayan ng Casa Bel Palazzo. Sa murang edad...