Iminulat ko ang pagod kong mga mata na gusto pang pumikit pero taliwas naman sa gusto ng isip ko. Pinakiramdaman ko nang mabuti ang sarili ko, may mga yabag rin ng paa akong naririnig sa paligid hanggang sa may maramdaman akong humawak sa palapulsuhan ko at minsan pa nitong itinapat ang kaniyang pandinig sa dibdib ko na parang sinisigurado nito kung tumitibok pa ang puso ko."Tubig..." Turan ko, ngunit hindi ko magawang sabihin ito ng malakas dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ang buong katawan ko. "Tubig po..." Pag-uulit ko dahil nakakaramdam ako ng sobrang pagkauhaw. May narinig akong nagsalita sa may gilid ko pagkatapos ay may mabilis na yabag ng paa ang tumalima paalis, hanggang sa marinig ko ang pagsara ng pinto.
Nasaan kaya ako? Pakiramdam ko ay nakahiga ako sa malambot na kama, hindi ko lang masigurado kung nasa isang kwarto ba ako dahil hindi ko rin magawang bumangon dala ng pagod at panghihina ng katawan.
"Hija," nahimigan ko ang isang boses ng matandang babae at sigurado akong hindi iyon boses ni Nana Lina dahil kilala ko ang boses ni Nana Lina. Muling rumehistro sa utak ko ang nangyari bago ako bumagsak sa kalsada.
Sandali! Nabangga ako ng isang sasakyan, ibig sabihin ay patay na ako?!
"Ahh!" Sumakit ang sentido ko kaya napahawak ako roon.
"Cosa sta succedendo a lei? Chiamare un medico!" (Anong nangyayari sa kaniya? Tawagan niyo ang doktor!) Mahihimigan ang pag-aalala sa taong nagsasalita sa may gilid ko, 'yon nga lang ay hindi ko maintindihan kung ano ang sinabi nito.
"Kumalma ho kayo, Señor, 'wala pong dapat ipagalala sa lagay ng bata. " Sagot naman ng matandang babae na inaalalayan akong makabangon mula sa kamang hinihigaan ko at nilagyan niya rin ng unan ang aking likod para maging suporta sa pag-upo. "Hija, ito na ang tubig na hinihingi mo." Maging sa pag-inom ko ay inaalalayan ako ng matandang babae na nakabulaklakang damit.
"Buongiorno, bellisimo bambini."
Magiliw na saad sa akin ng matandang lalaki na nasa gilid ng kama. "Ah! Magandang umaga magandang bata ang ibig kong sabihin." Napatitig ako sa matandang lalaki nang kunin nito ang palad ko at halikan ang likod nito.Makisig at matipuno ang pangangatawan ng matandang lalaki, puti na rin ang buhok nito. Bagaman medyo kulubot na ang mukha niya ay agaw pansin pa rin ang pagiging mestizo nito, sobrang perpekto rin sa pagkatulis ng ilong at ang mga mata nito ay kasing ganda ng langit, asul ang kulay.
Sigurado ako na hindi ito Pilipino, nakapag-aral naman ako ng elementary kaya alam ko kahit papaano ang pagkakaiba ng dayuhan sa purong Pilipino at bukod pa ro'n, may mga nakikita rin akong mga turista sa intramuros kapag nagawi ako roon.
"Huwag kang matakot, walang mananakit sa 'yo rito." Ngumiti ito sa akin at napangiti na rin ako kahit pa nalilito ako kung paano ba ako napunta sa lugar na ito?
"Ako si Señor Freigo De Lucio, ang muntikan nang makabunggo sa 'yo. Lubos kong ipinag-alala ang kalagayan mo." Ramdam ko ang sinseridad sa boses nito, naiintindihan ko ang bawat bigkas niya ng salita kahit pa hindi gano'n kapuro ang tono ng pananagalog nito."Perdonami, Hija. Ibig kong sabihin ay patawarin mo ako dahil sa muntik ka nang malagay sa panganib dahil lamang sa hindi pag-iingat ng aking driver kaya nabundol ka namin." Pinanood ko ang pag-upo ni Señor Freigo sa gilid ng kama kung saan ako nakaupo. "Qual è il tuo nome¿" Muli ay hindi ko naintindihan ang sinabi nitong si Señor Freigo. "Ano ang iyong pangalan?" Nakangiti nitong tanong sa 'kin, siguro ito rin ang tanong niya sa 'kin kanina gamit lamang ang ibang lenggwahe.
"Bella, Bella Carina po." Maagap kong sagot at nagaalangan sa pag-ngiti dahil nahihiya ako kaya pinagsaklop ko ang mga palad ko habang tuwid na nakaupo sa malaki at malambot na kama.
BINABASA MO ANG
IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]
RomanceUlila at palaboy, 'yan ang naging buhay ni Bella bago mapunta sa pangangalaga ni Señor Freigo na dating Hari ng Roma Infinite Palace sa bansang Italya na ngayon ay tahimik na namumuhay sa kanyang maunlad na bayan ng Casa Bel Palazzo. Sa murang edad...