Sa paglipas ng mga araw ay nasanay na ako sa takbo ng oras, gigising sa umaga para tulungan si nanay Carlotta sa paghahanda ng agahan at pagkatapos mag-almusal ay papakainin ko naman ang mga isdang nasa fountain. Sa hapon naman ay sumasama ako kay Señor Freigo sa Azìènda Agrìcola sa farm para bisitahin ang mga alagang hayop. Katulad noong isang araw, inilipat namin ng kwadra ang kabayong regalo sa 'kin ni Señor Freigo dahil iniiwasan namin itong mahawa nang kung anumang sakit mula sa iba pang kabayo.Buti na lamang ay may dumating mula sa karatig bayan para tingnan ang kalagayan ng mga kabayo at may binigay rin itong pangturok kontra sa panghihina ng mga kabayo. Naresolbahan naman ang kalagayan ng mga kabayo kaya kahit papaano ay bumalik na ang dating sigla ng mga ito at masaya ako dahil hindi na rin masyadong napapagod ang Señor Freigo.
Kapag may mga pagkakataon naman ay nagbabasa ako ng libro doon pa rin sa lilim ng puno sa likod ng mansion. Malapit ko nang matapos ang librong L'amore Dimenticato kaya may mga gabi talagang nagpupuyat ako para lang matapos ang buod ng isang kabanata katulad na lamang ngayon.
"Pinagmasdan ni Prinsipe Duke ang masayang dalagita na si Stella habang pinagluluto siya nito ng paborito niyang pagkain, mahigit isang taon na siyang naninirahan kasama ang dalagita at sa loob ng isang taon na iyon ay pilit niyang sinusuklian ang pagmamahal at kabutihan sa kaniya ni Stella kahit pa pakiramdam niya ay mayroon nang ibang itinatangi ang puso niya at hindi niya lamang masabi iyon sa dalaga dahil ayaw niya itong masaktan. Bumalik na ang mga alaala niya. Sa katanuyan ay may isang linggo na mula ng bumalik ang mga alaala ng Prinsipe." Napayakap ako sa unan ko habang binabasa ang mga sumunod na linya. "Ang prinsipe Duke ay nakatakdang ikasal sa prinsesa ng timog silangan, ang prinsesang iniibig niya sa simula pa lang."
Nagsalubong ang mga kilay ko, nakaramdam ako ng awa para kay si Stella."Pinaplano ng prinsipe na bumalik sa palasyo makalipas ang mahigit na isang taong pagkawala at ituloy ang naudlot na pagpapakasal sa prinsesa ng timog silangan ngunit hindi niya magawang iwan si Stella na tunay na nagmalasakit at kumalinga sa kaniya sa loob ng mahabang panahon." Hindi ko mapigilan ang maawa kay Stella habang binabasa ko ang tagalog na buod ng bawat kabanata at sobra akong nainis dahil hindi ko napansin na isang pahina na lamang pala ang natitira at matatapos ko na ang nobela.
"Nagising si Stella na wala sa kaniyang tabi ang prinsipe Duke at hinanap niya ito sa buong silid ng kanilang tahanan ngunit hindi niya ito mahagilap, nagalugad na rin niya ang kanilang bakuran maging ang sakahan sa likod bahay nila ngunit hindi niya matagpuan ang prinsipe Duke hanggang sa matagpuan niya ang isang sulat na nakalapag sa mesa. Walang nagawa si Stella kun'di ang lumuha at magtangis nang husto matapos mabasa ang iniwang sulat ni prinsipe Duke sa kankya kung saan nakasulat ang pag-amin nito na bumalik na ang mga alaala nito at may nagmamay-ari na rin ng kaniyang puso. Labis na nasaktan si Stella kung kaya't nilisan nito ang kanilang tahanan at puno ng kabiguang naglakbay palayo sa lugar na kinagisnan niya, buong-buo na ang kaniyang desisyon na limutin ang prinsipe pati ang pag-ibig niya para rito. Wakas." Napatitig na lang ako sa huling pahina ng libro. Hindi ko gusto ang naging wakas ng kuwento. Sobra-sobra ang naging pagsasakripisyo ni Stella para sa prinsipe pero hindi man lang nasuklian ang pagmamahal niya para rito.
Ilang araw kong inisip ang naging wakas ng L'amore Dimenticato at hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ako para kay Stella.
"Carina, anak, gusto mo ba ito?"
Nilingon ko si nanay Carlotta na abala sa pagpili ng bag na gagamitin ko sa nalalapit na pasukan. "Maganda ang kulay nito, gusto mo ba?" Nakangiti akong tumango kay nanay Carlotta. Nandito kami ngayon sa bayan ng Casa Tranquillo para mamili ng mga gamit ko para sa pasukan.
BINABASA MO ANG
IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]
Roman d'amourUlila at palaboy, 'yan ang naging buhay ni Bella bago mapunta sa pangangalaga ni Señor Freigo na dating Hari ng Roma Infinite Palace sa bansang Italya na ngayon ay tahimik na namumuhay sa kanyang maunlad na bayan ng Casa Bel Palazzo. Sa murang edad...