Kabanata 2

4.4K 141 3
                                    


Hindi ko maiwasan ang mamangha sa hitsura ng mansion ni Señor Freigo, hindi ko pa ito nalilibot at parang kulang yata ang isang araw para malibot ko ang buong mansion dahil sa lawak nito. Ayon kay Nanay Carlotta, pitong kwarto raw ang nasa itaas, lima ang silid tulugan, isang study room kung saan daw madalas namamahinga si Señor Freigo at ang isang kwarto naman daw ay pribado. Dalawa ang sala sa itaas at pareho rin itong malawak, malalaki rin ang paarkong bintana na tanaw na tanaw ang bundok at mga puno sa labas, meron din akong nakitang balkonahe sa itaas kanina.

Malaking sala ang bubungad pagkababa ng hagdan, may tatlong malalaking bintana na paarko ang pagkakagawa na may mahahaba at makakapal na kurtina sa gilid. Kung ano ang hitsura ng sahig sa itaas ay gano'n din ang sahig sa baba. Marami ring matatangkad na flower vase sa bawat sulok at ang pabilog na chandelier sa kisame ay kumikinang kahit pa nakapatay ito. May piano rin at mga paintings na ang karamihan sa mga ito ay bahay o 'di kaya mga bulaklak na hindi ako pamilyar sa tawag, may mataas na antigong estante sa may gilid na humahati sa pagitan ng sala at daan patungong kusina na naglalaman ng ibat-ibang imported na alak.

Sabi ni Nanay Carlotta, meron pa raw na bakanteng pasilyo papunta sa kanan kung saan daw ginaganap ang magagarbong handaan at ang pasilyo raw na iyon ay bukana patungo sa malawak na hardin sa likod ng mansion. Nalaman ko rin na ang Casa Bel Palazzo ay malayo sa Maynila na inaabot daw ng pitong oras ang biyahe.

"Bella, sigurado ka ba na maayos na talaga ang pakiramdam mo? " Tanong sa 'kin ni Nanay Carlotta habang nagluluto ito rito sa kusina, kanina niya pa ako pinapabalik sa kwarto at magpahinga pa raw ako kahit konti na mabilis ko namang tinanggihan.

"Ayos na po talaga ang pakiramdam ko," giit ko habang pinunasan ang mga babasaging platito.

"Baka mabinat ka sa ginagawa mo, iwan mo na lang 'yan diyan at bumalik ka na sa kwarto mo. Magpahinga ka pa kahit konting oras." Kinuha sa 'kin ni Nanay Carlotta ang pamunas para sa mga platito at siya na ang nagpatuloy sa ginagawa ko.

"Nanay Carlotta, kaya ko na po. Sanay na po ako. Baka po lalo lang akong mabinat kung wala akong gagawin." Malumanay kong sagot kay Nanay Carlotta, bumuntong hinga naman ito tanda na suko na siya kaya napangiti ako.

"Oh siya, basta 'wag mong pilitin ang sarili mo." Bumalik si Nanay Carlotta sa pagluluto habang pinagpatuloy ko naman ang pagpunas ng mga platito.

Tatlong araw na nila akong inaalagaan kaya nakakahiya naman kung wala akong gagawin at ayaw ko rin na maging pabigat.

Isa-isa kong inilagay ang mga napunasan kong platito sa aparador na itinuro sa 'kin ni Nanay Carlotta kanina. Malawak ang buong kusina, hiwalay ang lutuan at lababo. Pahaba ang antigong lamesa na may salamin sa ibabaw at may labing dalawang antigong upuan, dalawa rin ang mataas na refrigerator na nasa may gilid.

Ngayon lang ako nakakita at nakapasok sa napakalaking bahay, isinasama naman ako dati ni mama kapag ume-extra ito na maglinis ng bahay sa Maynila at ang mga bahay na nakita at napasok ko ay walang-wala pa sa laki at lawak ng mansion ni Señor Freigo.

"Buon mezzogiorno, Bella Carina." (Magandang tanghali, Bella Carina.) Natigil ako sa ginagawa ko nang marinig ko ang boses ni Señor Freigo, nakaupo na ito sa dulong gitna ng lamesa habang ang sumbrero naman nito ay nasa ibabaw ng mesa.

"Señor," anang ni Nanay Carlotta na lumabas galing sa pinaglulutuan, yumukod muna si Nanay Carlotta bago ulit nagsalita. "Ipaghahanda ko na ho kayo ng tanghalian."

"Grazie mille, Carlotta,"
(Maraming salamat, Carlotta) Giit ng Señor. Mabilis na tumalima si Nanay Carlotta at pagbalik nito ay may dala na itong pagkain na nasa ibabaw ng tray.

Tutulong sana ako sa paghahain ng pagkain para kay Señor Freigo kaso pinigilan ako nito at inutusang umupo, inutusan niya rin si Nanay Carlotta na ipaghain din ako, tumanggi ako ngunit wala rin akong nagawa dahil maging si Nanay Carlotta ay kanina pa ako gustong pakainin kahit pa sinabi ko na sa kaniya na busog pa ako dahil sa lugaw na kinain ko kani-kanina lang.

IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon