Ang Casa Bel Palazzo.
Mag-iisang linggo na ako rito sa mansion ni Señor Freigo, tumutulong din ako kay Nanay Carlotta sa mga gawaing bahay para kahit papaano ay hindi ako maging pabigat sa kanila kahit pa minsan ay pinapagalitan na ako ni nanay Carlotta dahil ayaw na ayaw ako nitong napapagod.
Si Señor Freigo naman ay dalawang beses lumuwas sa maynila sa loob ng isang linggo dahil daw sa mahalagang bagay na inaasikaso nila ni Attorney Sebastian. Sa umaga ay nagdidilig ako ng mga halaman sa hardin at kung minsan naman ay pinapakain ko ang mga maliliit na isdang nasa fountain at pagdating naman ng hapon ay pinagpatulog ako ni nanay Carlotta dahil 'yon daw talaga ang dapat ginagawa ng mga batang katulad ko, madalas naman ay nauubos ko ang oras sa hapon sa pangangalumbaba sa bintana ng kwarto ko habang iniisip si Nana Lina, kung kumusta na ba ito.
Nasisigurado ko na hinahanap na ako ni Nana Lina dahil ayaw na ayaw ako nitong lumalayo sa tabi niya, kaya naman lagi kong pinagdarasal na sana balikan at kunin na siya ng kanyang anak.
Sinubukan kong magpaalam kay Señor Freigo noong isang araw na baka kung puwede ay bumisita ako sa Maynila para makipagkita kay Nana Lina at sabihin sa kanya na nasa mabuting kalagayan naman ako para hindi na ito mag-aalala pa kaso hindi pumayag si Señor Freigo hangga't hindi niya pa raw napapakulong ang amahin ko.
"Kapag maayos na ang lahat, sasamahan ka namin ng nanay Carlotta mo na bumisita sa Maynila," aniya ni Señor Freigo no'ng isang araw nang malaman ko na pupunta ito sa Maynila, gusto ko sanang sumama kaso hindi ito pumayag. Nagulat din ako sa pagpapakulong na ginagawa ni Señor Freigo sa amahin ko maging sa plano niyang pag-ampon sa 'kin.
Hindi naman mahigpit si Señor Freigo, sa katunayan nga hinahayaan niya akong mag ikot-ikot sa buong hardin ng mansion, lagi niya ring sinasabi na dapat daw masanay na ako dahil sa mga susunod na araw daw ay ipapaalam niya na raw sa buong Casa Bel Palazzo na isa na akong De Lucio at isa sa mga apo niya.
Sobrang nahihiya talaga ako kay Señor Freigo at nanay Carlotta dahil lagi nila akong tinatanong kung ayos lang ba ako o kung ano ba ang gusto ko. Pakiramdam ko tuloy tinuturing nila akong prinsesa sa loob ng mansion.
"Andiamo." (Tara na) Turan ni Señor Freigo at tinulungan ako ng kawal na sumakay sa loob ng karwahe, sumunod na rin si Nanay Carlotta at ang huling sumakay ay si Señor Freigo na nasa unahan katabi ng kutsero.
Dalawang kabayong parehong kulay brown ang hihila sa karwahe na may apat na gulong. Mas maganda ang karwaheng ito kumpara sa mga nakikita ko sa luneta dahil maraming bulaklak sa gilid nito.
"Abante! Hyah!" Anang kutsero kasunod ang pagkilos ng dalawang kabayo at umandar na ang karwahe.
May mga kawal na yumuyukod kay Señor Freigo habang papalabas kami ng gate ng mansion, medyo malayo pa ang gate ng mansion na one way ang daan habang may mga nakahilerang pine tree sa magkabilang gilid nito, may mga kabayo rin na tahimik na sumasabsab ng damo sa malawak na hardin ng mansion.
"Saan po ba tayo pupunta?"
Tanong ko habang sumisilip sa labas ng karwahe, ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na lalabas ako ng mansion at bukod pa do'n ay nakabihis din ako ng dilaw na bistida na labas ang balikat ko."Ililibot ka namin sa buong Casa Bel Palazzo 'gaya ng pangako ko sa 'yo noong isang araw."
Nilingon pa ako ni Señor Freigo at binigyan niya ako ng matamis na ngiti kaya ngumiti rin ako pabalik.
![](https://img.wattpad.com/cover/226474465-288-k318716.jpg)
BINABASA MO ANG
IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]
RomansaUlila at palaboy, 'yan ang naging buhay ni Bella bago mapunta sa pangangalaga ni Señor Freigo na dating Hari ng Roma Infinite Palace sa bansang Italya na ngayon ay tahimik na namumuhay sa kanyang maunlad na bayan ng Casa Bel Palazzo. Sa murang edad...