Binuksan ko ang paarkong bintana ng kwarto ko, napahikab pa ako bago dumungaw sa labas. Paangat pa lang ang araw at medyo malamig pa ang ihip ng hangin. Siguro ay alas sinco palang ng umaga. Sinadya ko talagang gumising ng maaga dahil may naisip na akong puwede kong ibigay na regalo mamaya para kay Señor Freigo.Akala ko tulog pa si nanay Carlotta pero naabutan ko ito sa kusina habang nagluluto ng agahan, nagulat pa nga ito nang makita ako dahil akala rin niya ay tulog pa ako. Agad naman akong tumulong kay nanay Carlotta sa pagluluto ng agahan at pagkatapos naming makapagluto ay umakyat si nanay Carlotta sa taas para gisingin si Señor Freigo pero agad din itong bumaba at lumapit sa isa sa mga kawal na nagbabantay sa may hardin.
"Bakit po nanay Carlotta?" Tanong ko habang nilalagyan ng platito ang gitnang puwesto na madalas inuupuan ni Señor Freigo rito sa kusina.
"Ang sabi ng kawal sa labas maaga raw na umalis si Señor Freigo. Sa tingin ko, maagang nagtungo ang Señor sa memorial garden para dalawin ang mga puntod nina Señora Laura at ng kaniyang anak at apo. Doon din agad dumidiretso si Señorito Primo bago ito pumunta rito sa mansion, baka gusto ni Señor Freigo na roon siya maabutan ng kaniyang apo." Wika ni nanay Carlotta na ngayon ay nakaupo na sa isa sa mga antigong upuan.
"Baka gusto ng Señor na sabay na sila ni Señorito Primo na bumalik dito sa mansion kaya kailangan ko pang magluto nang marami!" Agad na tumayo si nanay Carlotta at mabilis na tumalima patungo sa pinaglulutuan.Tanghali na pero hindi pa rin bumabalik si Señor Freigo, lumamig na tuloy ang mga hinanda namin ni nanay Carlotta na pagkain para sana sa almusal nina Señor Freigo at Señorito Primo, kaya nauna na rin kami ni nanay Carlotta na mag-agahan kaninang umaga habang hinihintay ang pagdating nila. Ang sabi ni nanay Carlotta na hindi naman daw nagtatagal si Señor Freigo kapag dumadalaw ito sa memorial garden, ngayon lang daw na halos ala una na ng hapon pero wala pa rin ito.
May mga nag-aayos na rin sa pasilyo sa baba kung saan gaganapin mamaya ang selebrasyon. Pati ang hagdan ay nilagyan nila ng pulang carpet na abot hanggang sa malawak na pasilyo sa baba. Ang malawak na pasilyo ay bukana ng mansion sa likod kung saan may malaking espasyo at malawak na hardin.
Tapos nang madekorasiyonan ang buong pasilyo, may maliit na entablado sa unahan habang may mga stand table naman na nababalutan ng puting tela. Nakakaaliw rin tingnan ang mga kumikinang na palamuti na nakasabit sa kisame. Sa likod naman ng mansion ay may mga upuan din na nababalutan ng puting tela habang may pahabang mesa sa gitna na ngayon ay nilalagyan na ng mga alak at pagkain.
"Carina, anak!" Nilingon ko si nanay Carlotta habang papalapit ito sa 'kin matapos akong makita rito sa likod ng mansion habang pinagmamasdan ang mga taong abalang-abala sa pag-aayos ng mga upuan at mesa. "Halika na sa loob, nandiyan na ang magaayos sa 'tin." Nagpatianod ako sa paghatak sa 'kin ni nanay Carlotta hanggang sa makapasok kami sa sala ng mansion.
"Señor," agad na yumukod si nanay Carlotta pati ang mga kawal at mga nag-aayos dito sa loob nang pumasok si Señor Freigo. "Bakit ngayon lamang po kayo? Nariyan na rin po ba si Señorito Primo? Ipaghahanda ko na ho kayo ng makakain-" agad namang pinutol ni Señor Freigo ang sinasabi ni nanay Carlotta.
"Salamat pero huwag ka nang mag-abala pa Carlotta dahil magbibihis na ako, maghanda na rin kayo lalo ka na Bella Carina, aking apo." Bagaman nakangiting sinabi iyon ni Señor Freigo ay bakas pa rin sa mapupungay nitong mga mata ang labis na kalungkutan. Pinagmasdan namin ni nanay Carlotta ang tahimik na paakyat sa hagdan ni Señor Freigo na para bang bigong-bigo ito.
"Hindi siguro uuwi ngayon ang kaniyang apong si Señorito Primo," turan ni Nanay Carlotta. "Nalulungkot ako para kay Señor Freigo." Hindi ko alam kung bakit mas lalo akong nalungkot dahil sa sinabi ni nanay Carlotta.
BINABASA MO ANG
IL Mio Dolce Amante (My Sweet Lover) [COMPLETED/UNDER REVISION]
RomanceUlila at palaboy, 'yan ang naging buhay ni Bella bago mapunta sa pangangalaga ni Señor Freigo na dating Hari ng Roma Infinite Palace sa bansang Italya na ngayon ay tahimik na namumuhay sa kanyang maunlad na bayan ng Casa Bel Palazzo. Sa murang edad...