Kabanata 2

1.2K 50 3
                                    

Pag-uwi ko ay bumungad sa akin ang tahimik na bahay. Nakangiti akong pumasok at nadatnan ko sa aming sala si Miko na seryosong nagsusulat at kaharap ang ilang libro niya. Tinanggal ko ang aking sapatos at sinadya ko pang magpapansin sa kanya pero hindi man lang siya natinag.


Umupo ako sa kanyang tabi at sinubukang tignan ang kanyang ginagawa pero agad niya itong inilayo sa akin. Nang-aasar ko siyang tinignan.


"Hoy, Miko ano 'yun, 'ha?" Nakakaloko ko siyang tinignan. Nakita kong napaiwas siya ng tingin kaya mas lalo pa akong nagtaka sa kung anuman ang ginagawa niya.


"Assignment lang Ate. Hindi kita napansin, may meryendang turon doon sa lamesa. Baka gusto mo." Hindi pa rin siya makatingin sa akin pero nahuli ko ang nahihiya niyang tingin.


Kung hindi ako nagkakamali ay nakita ko ang kanyang drawing ng isang babae sa kanyang notebook. Iyon ang nadatnan kong ginagawa niya kanina kaya agad niya iyong inilayo. Grade 8 pa lang si Miko at masasabi kong mas matalino siya kumpara sa akin. Gamay na gamay niya ang pag-aaral at palagi siyang nangunguna sa kanilang klase. May taglay siyang galing sa pag-guhit at talagang napakaganda ng kanyang mga obra sa kanyang edad pa lamang. Paminsan nga ay siya pa ang pinapa-drowing ko na dapat ay para sa akin. Hindi rin siya 'yung tipo ng estudyante na nerd bagkus ay marami pa siyang kaibigan.


At ngayong lumalaki na siya at tumuntong na ng highschool ay nakikita ko na ang ilang pagbabago sa kanya. Noon pa man ay alam ko nang may itsura siya bilang isang lalaki at ngayon ay mas lalo nang nadedepina iyon. Seryoso siya kung titignan mo pero masayahin siyang tao. Talagang seryoso lang siya pagdating sa kanyang pag-aaral, bagay na gustong-gusto ko sa kanya.


Dalawa lamang kaming magkapatid kaya madalas ay tahimik ang bahay pero sa tuwing magsasama kaming dalawa ay hindi ko maiwasang asarin siya dahil sa nakakatawa niyang reaksyon.


"Eh, saan mo nabili ang turon o may nagbigay ba rito?" Nagsimula akong maghubad ng skirt at naiwan sa akin ang short-shorts. Nagmamadali nang pumunta sa kusina para tignan ang turon na sinasabi niya.


"Binigay ni Cathy kanina. Hindi namin naubos ni Papa." Simpleng sabi ni Miko na hindi pa rin ako tinitignan.


"Sinong Cathy? 'Yung anak ni Aling Cora ba? 'Yung kaklase mong maganda?" Nakangiti na ako sa kanya, tila nang-aasar kaya mas lalo lang siyang sumeryoso.


Tumango siya at nahagip ng tingin ko ang namumula niyang tenga. Ngumuso na lang ako, talagang nagbibinata na ang kapatid ko. Mauunahan pa yata ako nito magka-love life. Tsk.


"Nasaan pala si Papa? Kumain na ba siya?" Tanong ko sa kanya.


"Oo, kumain siya ng turon kanina. Nandoon yata sa likod-bahay, Ate." Hindi na ako sumagot at nagmamadaling tinungo ang likod-bahay namin kung saan mayroong maliit na garden para sa mga inaalagaang tanim na gulay ni Papa.


Nakita ko siyang nakaupo sa may lilim ng punong mangga habang pinagmamasdan ang kanyang mga tanim na gulay. Nakatalikod siya kaya lumapit ako para humalik at magmano sa kanya.


"Pa, nandito na po ako. Kumusta ka? Masarap ba 'yung turon na dala ni Cathy?" Nakangiti kong tanong sa kanya. Nilingon niya ako at nakita kong ngumiti siya sa akin bago pinisil ang kamay kong nakahawak pa rin sa kamay niya.

Along The Letters (SHS Series #1) (SELF-PUBLISHED UNDER GPUB)Where stories live. Discover now