Ilaw at tunog ng ambulansya ang bumungad sa amin sa labas ng Emergency Room. Mga nagkakagulong nurse at mga tao sa paligid ang nakakalat sa lugar. Lakad-takbo ang ginawa ko habang nanginginig kong hawak ang cellphone ko. Inilibot ko ang tingin sa E.R upang makita ang kapatid ko.
Nanlalabo na ang tingin ko dahil sa luha na pinipigilan kong tumulo habang hinahanap si Miko at si Papa. Abot-abot ang tahip ng puso ko. Hindi ko na pinansin pa kung gaano kagulo ang mga tao sa paligid. Natigil ang tingin ko sa isang batang lalaki na nakayuko sa isang madilim na sulok. Habol ang hininga akong lumapit sa kanya.
"Miko! Miko, nasaan si Papa?" Naguguluhan kong tanong.
Nagulat ako ng makita ang malamig at luhaan niyang mga mata. Tinignan lang niya ako at habang tumatagal ay unti-unti nang tumutulo ang mga luha niya. Yumuko siya sa akin saka humagulhol. Dahan-dahang pumatak, isa-isa ang luha ko. Napaluhod ako sa kapatid ko saka siya hinawakan sa magkabilang-balikat.
"Nasaan si Papa, Miko? Kumusta na siya? Nasaan 'yung kuwarto niya? Bakit ka nandito?" Naluluha kong tanong.
"Ate..." Humaguhol ang kapatid ko.
Napatakip ako ng bibig.
"Nasaan si Papa, Miko?! Tinatanong ko kung nasaan si Papa?!" Sigaw ko sa kanya.
"Maya!"
"Ate... ate..."
"Huwag kang umiyak. Sagutin mo ako kung saan ang kuwarto ni Papa. Pupuntahan natin siya." Mariin kong sabi pero nagulat ako ng agad akong niyakap ng mahigpit ng kapatid ko.
"Ate, wala na si Papa. Patay na si Papa, Ate!"
Sunod-sunod akong umiling sa kapatid ko kasabay ng pagbuhos ng luha sa mga mata ko. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Wala akong nagawa kundi pabayaan ang kapatid kong yakapin ako at umiyak sa balikat ko. Napatakip ako ng bibig ko habang patuloy na umiiling.
"Hindi! Hindi patay si Papa, Miko! Hindi!"
"Maya..."
Wala akong ibang marinig kundi ang iyak ko at ang iyak ng kapatid ko. Tumigil ang lahat sa akin. Nanghina ako ng husto. Sa isang iglap, gumuho ang lahat sa akin.
"Hindi pwedeng mamatay si Papa, Miko. Hindi pwede!" Paulit-ulit kong sabi habang patuloy na bumubuhos ang luha sa aking mga mata.
"Inatake siya sa puso kanina. Hindi na siya umabot pa sa ospital. Iniwan na tayo ng tuluyan ni Papa, Ate. Hindi na siya babalik!"
Paulit-ulit akong umiling sa kapatid ko. Hindi ko maintindihan ang lahat. Ayokong intindihin ang lahat. Gulong-gulo ako. Gusto kong sumigaw. Gusto kong magwala. Gusto kong malaman ng lahat kung gaano kasakit ang nararamdaman ko ngayon.
Gusto kong malaman ng lahat kung gaano kasakit ang mawalan ng isang ama.
Sa gitna ng pag-iyak at paghihinagpis ko habang nakaluhod ako, naramdaman ko ang mainit na bisig na yumakap sa akin. Ang init ng yakap na iyon ang unti-unting nagpakalma sa akin.
"Shhh. It's okay. Everything will be alright."
Ilang minuto akong nanatiling ganoon. Wala sa sarili at nakatulala lang ako sa malaking pader ng ER. Hindi ko na namalayan ang pag-alis ng kapatid ko upang hanapin si Mama. Wala akong ibang maramdaman kundi ang sakit. Paulit-ulit na tumutulo ang luha ko.
Hindi ko kayang tanggapin ang lahat. Ayokong tanggapin na wala na si Papa.
Sa isang iglap, nawalan ako ng ama. Sa isang iglap, tuluyan niya na kaming iniwan.
YOU ARE READING
Along The Letters (SHS Series #1) (SELF-PUBLISHED UNDER GPUB)
Teen FictionZacquel Ivan Ferro, a Senior High school STEM student, smart, hot and conceited rich-kid but emotionally weak in showing his true feelings and emotions met Maya Alcantara, a HUMSS student and average type of a girl who loves writing stories and poet...