Kabanata 6

889 35 0
                                    


Sa mura kong edad ay namulat ako sa pagpapahalaga ng pamilya. Na walang ibang bagay ang mas hihigit pa sa aking pamilya. Ang pagmamahal ng aking mga magulang ang bumuo sa aking pagkatao. Si Papa, Mama at Miko ang bumubuo sa akin. Sa pagmamahal nila ako ay patuloy na nabubuhay at wala ng mas hihigit pa sa pagmamahal na iyon.


Nasanay man akong mabuhay sa araw-araw na hindi namin nakakasama si Papa dahil sa kanyang serbisyo ay hindi kailanman niya kami pinabayaan. Kaming lahat. Alam kong mahalaga kay Papa ang pagsasama-sama ng pamilya, lalo na tuwing linggo. At kahit noon pa man, ay naging tradisyon na ng pamilyang ito ang maliit na pagsasalu-salo namin tuwing araw ng linggo. Walang trabaho sa araw na iyon at nakatalaga iyon bilang araw ng pahinga para sa amin. Lalo pa kapag narito si Papa.


Bata pa lamang kami noon ni Miko ay sinanay na kaming magising ng maaga tuwing linggo upang sama-sama kaming magsimba at magdasal sa simbahan. Pagkatapos noon, ay magluluto si Mama ng iba't-ibang putaheng paborito ng pamilya at sa labas ng aming bahay, sa aming hardin ay doon kami magsasalu-salo.


Mapupuno ng kuwentuhan at tawanan ang aming hardin kahit pa bahagyang istrikto si Papa. Pagdating ng hapon ay nakagawian na ng aming pamilya ang pumasyal sa ilang mall malapit sa amin, iyon rin ang pagkakataon upang magpabili kami ni Miko kina Mama at Papa ng aming kailangan o naisin.


Simple ang aming pamumuhay. Kontento at masaya. Subalit, tila nawala ang tradisyon na iyon sa aming pamilya mula nang magkasakit si Papa. Tila nagbago na ang lahat ng hindi namin namamalayan. Tulad ngayong araw. Napatingin ako kay Papa na nanonood ng TV sa aming sala. Nasa gilid niya ay si Miko na naglilinis ng aming bintana, samantalang ako ay nagpapalit ng kurtina di kalayuan sa kanila. Wala si Mama ngayon. Maagang umalis upang makipagkita sa kanyang kapwa guro.


Tahimik ang bahay bukod sa TV at electric fan sa sala. Seryoso sa kanyang ginagawa si Miko at gusto ko man siyang asarin ngayon ay hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng hiya sa harapan ni Papa. Pakiramdam ko ay hindi ako sanay kung mag-aasaran man kami rito ni Miko, lalo pa at nasa harapan kami ni Papa. Ang tanging nagawa ko na lamang ay ipagpatuloy ng walang ingay ang pagpapalit ng kurtina.


"Miko, tapos ka na bang maglinis? Paki-tignan mo naman kung may labahan pang damit si Papa sa kuwarto nila, isasabay ko na sana..." Nagpupunas ako ng aking kamay dala ng alikabok sa aming kurtina.


"Wala na daw, Ate. Sinabihan kasi ako ni Mama na huwag na daw akong papasok sa kuwarto nila. Saka si Mama na rin daw ang bahalang maglaba ng damit nila."


"Ganun ba? Okay." Tanging nasabi ko at uminom ng tubig. Naagaw kami ng atensyon ni Papa. Ngumiti ako sa kanya bago lumapit.


"Papa, okay ka lang ba diyan? Gusto mo nang kumain? Gusto mo nang tubig?" Tanong ko sa kanya sabay haplos sa kanyang pumuputing buhok.


"T-tubig, n-nak," Maikli niyang sabi sa akin. Dali-dali akong kumuha ng kanyang tubig at nang maibigay ko na iyon sa kanya ay nanatili sa akin ang kanyang tingin. Nagtaka ako roon at umupo sa kanyang tabi. Patuloy ang pag-iingay ng aming TV habang naglilinis pa rin si Miko.


"May kailangan pa ba kayo, Pa?"


"Baka gusto ng kumain, Ate. Alam mo naman 'yan si Papa..." Umupo sa kabilang gilid niya si Miko na ngayon ay pawisan sa paglilinis.

Along The Letters (SHS Series #1) (SELF-PUBLISHED UNDER GPUB)Where stories live. Discover now