Itinuon ko muna ang buo kong atensyon sa pag-aayos sa bago naming matitirhan. Nakaupo lamang si Mamáng sa isang sulok habang ako'y abala sa aming mga gamit. Katamtaman lang ang espasyo ng bahay na 'to para sa aming dalawa ni Mamáng. Mayroong maliit na kusina, banyo, sala at dalawang silid."Bakit hindi tayo tumuloy sa hacienda?" Natigil ako sa paglalabas ng mga gamit nang magsalita si Mamáng. Tiningnan ko siya na ngayon ay nakatunghay na sa labas ng bintana. "Baka bisitahin ako ng mga amiga ko mamaya. Kailangan nating maghanda."
Humugot ako nang malalim na hininga. "Wala na sa atin ang hacienda Mamáng," pakikipag-usap ko pa rin sa kabila ng kaniyang kalagayan.
Nanlaki ang mga mata nito nang tuluyan nang bumaling sa akin. "Ano? Huwag mo sabihing kinuha na nila Helena? Hindi maaari! Ikakasal naman kayo ni Wendell!"
Nagsimula na itong mag-histerikal kaya't kinuha ko agad ang dala naming bottled water at ibinigay ko iyon sa kaniya upang uminom saglit ng tubig. I went to her side and caressed her back. Nang magsimula itong uminom ay kahit papano'y kumalma naman ito. Nang kunin ko uli ang bottled water ay nahulog na naman siya sa katahimikan at muling napatutok sa labas ng bintana.
Napangiti na lamang ako nang mapait bago ipinagpatuloy ang ginagawa.
Naglakbay ang aking utak patungkol sa isang partikular na tao. Noong nasa ibang bansa kami'y atat na atat akong umuwi upang makipagkita kila Simon pero ngayong nandito na nga kami sa Sorsogon ay tila ako manok na naduduwag. Wala yata akong sapat na kakayahang muling humarap sa kaniya. Ang nagbibigay lakas na lang sa akin kahit papaano ay ang pagkakataong muling makita at mahagkan ang anak ko.
Iwinaksi ko muna ang pag-iisip sa ibang bagay. Mas minadali ko ang pag-aayos ng aming bagong titirhan. Saktong magdadapit-hapon na nang matapos ako. Buti na lang at mayroon ng gas stove rito sa bahay na 'to kaya't maaari ko nang simulang gamitin ang kusina. Lumabas ako saglit upang tumungo kila Kristine upang bumili ng maaari naming kainin para sa gabing ito. As usual, nang pabalik na ako sa bahay ay nakalitaw na naman ang mga ulo ng mga tsismosa't tsismoso.
Nang makabalik sa bahay ay agad kong isinara ang pinto. I wandered my eyes around our new home. Sementado ang buong bahay ngunit hindi pa napipinturahan. Ang pinto at mga bintana nama'y gawa lamang sa kahoy. Siguro 'pag nakahanap na ako ng magandang trabaho ay maaari kong pagandahin ito nang paunti-unti.
Wala muna siguro akong planong makipagkita kila Simon ngayon lalo na't walang-wala ako.
Kinabukasan, hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw ay bihis na bihis na ako't abala na sa pagluluto ng almusal. Plano kong maghanap ng trabaho ngayon at kung susuwertihin ay baka makahanap din ako ng maaaring maging psychotherapist ni Mamáng.
Kung tutuusin ay pwede akong mag-apply sa mas maayos na trabaho dahil sa kursong tinapos ko ngunit ang nasa isip ko na lamang ngayon ay ang mas malapit at madaliang gawain kung saan maaari rin akong lumiban anumang oras.
When I finished cooking, I arranged the table and made a hot coffee for myself. Hindi pa gising si Mamáng kaya't hindi muna ako makaalis. I needed someone to look after her. Hindi ko kayang iwan na lang siya nang mag-isa rito.
Matapos ang isang oras ay napatunganga ako sa kawalan habang haplos-haplos ang tasa ng kape. Ang daming alaala ang pilit nagsusumiksik sa aking isipan pero kung tatanggapin ko ang mga iyon ay baka hindi na naman ako makausad sa buhay. Bumuntong-hininga ako't binuksan ang cell phone.
I started searching for available psychotherapist around our place—'yong puwedeng sa bahay namin ang bawat session para hindi na kami laging umalis ni Mamáng. Malaki ang tsansa niyang bumalik sa dati kung matututukan siya nang maayos. I stopped saving more contacts when I saw Mamáng slowly walking towards my direction.