Isang linggo na ang matulin na lumipas mula nang makausap ko si Mang Canor ngunit ang mga katagang nanulas sa kaniyang labi ay paulit-ulit pa ring umaalingawngaw sa aking isipan.
Napabuntong-hininga ako't napailing sa sarili. Wala akong panahong mag-isip ng ibang bagay dahil nasa trabaho ako.
Tatlong araw na akong nagta-trabaho rito sa isang eatery na 'di kalayuan sa aming tinitirhan. Saktong naghahanap sila ng taga-hugas nang mapadaan ako rito isang araw. Tulad din ng mga naunang reaksyon ng mga taong nakakita sa akin ay ganoon din ang ekspresyong ipinakita ng may-ari ng eatery na pinapasukan ko.
She didn't even want to hire me! Ang rason nila'y nakakahiya raw na utusan nila ako't hayaang magtrabaho. Buti na lang at sa huli'y napapayag ko rin sila. I badly needed money. Nakahanap na kasi ako ng psychotherapist ni Mamáng at nagsimula na ito noong Miyerkules.
"Uy, Cresencia. Ayos ka lang ba?" Napalingon ako sa nagsalita.
Si Sam iyon, kasamahan ko sa eatery na may na dala na namang mga pinagkainan. Hindi pa ako nangangalahati sa sinasabunan ko ay matatambakan na naman ako.
Ngumiti ako nang tipid. "O-oo." Tinulungan ko siyang isalansan ang mga bagong hugasin.
"Pakidalian mo ang paghuhugas dahil tiyak na maraming costumers pa ang darating mamaya. Ganito talaga 'pag araw ng Sabado."
Mabilis na lamang akong tumango at ipinokus na ang atensyon sa dapat gawin. Namumula na ang mga daliri ko dahil sa walang tigil na paghuhugas simula pa kanina. Bahagya na rin iyong nangingirot at humahapdi. Paniguradong magkakasugat ako pagkatapos nito. Inisip ko na lang ang makukuhang suweldo pagkatapos ng araw na 'to para hindi ako mawalan ng gana sa ginagawa.
Tama nga ang sabi ni Sam. Halos wala akong pahinga sa loob ng kusina dahil maya't maya ang pagdagsa ng mga dapat hugasan. Halos 'di ko na rin nakain nang maayos ang pagkaing pang-tanghalian dahil sa pagkataranta.
Kung tutuusin ay maaari naman akong humanap nang mas maayos at malaking pasahod na trabaho dahil sa kursong natapos ko... ngunit wala na akong panahong mamili pa gayong kailangan ko agad kumayod ng pera.
I needed an instant money. And a job that was convenient to me—where I could easily take absence and make simple excuses anytime. A simple job that was flexible to me.
Saktong alas-siyete ng gabi nang lahat kami'y handa nang umuwi sa kaniya-kaniyang tahanan. Kalalabas ko lang mula sa mini office ni Ma'am Iza na nagbigay ng suweldo ko ngayong araw. Nakangiti akong sinalubong ni Sam.
"Worth it ang pagod natin ngayon dahil may bonus tayo kay Ma'am!" Panimula niya at nagsimula na kaming maglakad.
Pangatlong araw ko pa lang 'to sa trabaho pero aminado akong naging malapit ako agad sa kaniya. Bukod sa parehas kami ng edad at sitwasyon sa buhay ay madali talaga siyang pakisamahan. Magkasabay rin kaming naglalakad pauwi dahil madadaanan ko lang ang bahay nila—tulad na lang ngayon.
Kinupit ko ang limang daang kita ngayong araw at inilagay sa sling bag. "Oo nga, sana araw-araw na lang na Sabado."
Kapwa kami napatawa. Tatlong daan kasi ang suweldo namin sa isang araw—maaari pa iyong mabawasan o madagdagan depende sa kita sa isang araw. Iilan lang kaming mga tauhan ni Ma'am Iza kaya malaki ang pa-suweldo niya 'di tulad ng ibang regular na kainan.
"Hanggang ngayon, medyo naiilang pa rin talaga akong tawagin ka bilang Cresencia lang." Pang-iiba niya ng usapan. "Pero masaya akong nakakausap kita bilang ordinaryong tao lang,"
Nginitian ko siya at itinuon na lang uli ang mata sa aming dinadaanan. Buti na lang at may mga ilaw sa poste. Kahit alas-siyete na ng gabi ay marami pa ring tao ang gumagala kaya hindi nakakatakot maglakad sa gilid ng kalsada.