4

198 5 3
                                    

"Ano? Ready na ba?"

Hirap kong inaabot ang paa ko dahil pinipilit kong ikawit ang lock ng sandals ko. Hindi ko maayos-ayos ang sapatos ko dahil abala si Krishia sa pagkulot ng buhok ko.

"Teka! Hindi ko pa natatapos ang buhok niya," angal ni Krishia.

"Ano ba 'yang lipstick mo? Ang kapal-kapal! Dapat mag tinted gloss ka na lang." Binura ni Pat ang red lipstick sa labi ko gamit ang tissue. Kumuha siya ng tinted gloss sa desk at inilapat sa labi ko.

"Bakit mo binura! Mas maganda nga 'yung red lipstick at nang magmukha naman siyang fierce!" rinig kong reklamo ni Maxene habang inaayos ang susuotin kong bag. May mga plastik pa kasi 'yon, hindi ko naman pinakialaman ang mga pinamili nya noong nasa bahay.

"Gaga! Date ang pupuntahan niya, hindi bar!" singhal ni Pat. Wala na namang imik si Maxene at malamang umirap na lang ito sa isipan.

"Huy, ano ba? Okay na 'to! Sobrang ganda ko na tapos pinapaganda niyo pa ako. Baka mahimatay 'yun kapag nakita ako, ha," wika ko. Ramdam ko ang paghila ni Krishia sa buhok ko nang sabihin ko iyon.

"Ayan, tapos na! Hoy, 'yung service! Patawag mo na nga si Manong, Pat!" sigaw ni Krishia. Agad namang lumabas si Pat at mukhang tinawag si Manong na driver nila Krishia.

Tumayo ako at pumunta sa harap ng malaking salamin na kita ang buong katawan. Suot ko ang puting puff sleeves dress na hapit na hapit sa katawan ko. Suot ko rin ang sandals na kulay puti, flat shoes lamang ito dahil sinabi ko kay Maxene na huwag nang bumili ng mamahalin. Ang bag ko ay kulay itim na Michaela bag na binili rin ni Maxene. Baka nga kapag natapos ko nang suotin ang mga ito ay ibalik ko lang din kay Maxene.

"Eya! Dalian mo, naka-ready na raw si Manong!"

Nagmamadali kaming bumaba palabas ng bahay nil Krishia. Alas dos pa lang naman at ang usapan namin ni Zach ay alas tres, pero syempre, mahirap nang ma-late at baka mamaya ma-traffic pa 'ko. Tsaka mas magandang mauna ako para maabangan ko siya at ma-ready ko ang pangmalakasan kong grand entrance. 'Yung tipong magso-slowmo ang paligid niya at sa 'kin lamang naka-focus ang mata niya, tapos liliparin ang buhok ko at kikinang ang mga mata ko.

"Sakay na!" sigaw sa akin ni Pat.

"Hoy, Eya! 'Yung mga tinuro ko, ha!" bilin naman ni Krishia.

"Sipain mo sa bayag kapag lowkey maniac," walang emosyong wika ni Maxene.

"Oo! Thank you talaga sa inyo! Sana successful 'to. Ipagdasal niyo na lang ako kahit may spot na kayo sa impyerno."

Sabay-sabay kong narinig ang malulutong nilang mura. Sumakay ako sa van habang tumatawa. Initusan ako ni Manong na isara na ang pinto kaya agad ko namang sinunod. Binuksan ko muna nang bahagya ang bintana para magpaalam sa kanila.

"Invited kayo sa kasal namin, ha!" sigaw ko mula sa bintana. Umandar na ang van at nag-umpisa na ang byahe namin ni Manong papuntang MOA.

Heto na, magkikita na tayo, Zach.

--

2:30 PM na nang makarating kami ni Manong dito sa MOA. Sabi ko ay umuwi na siya at huwag na akong hintayin pa dahil baka ako na lamang ang umuwi mag-isa. Masyado nang nakakahiya kila Krishia, 'no.

Zach: OTW na akoo. Just wait for me. See you :)

Napangiti ako nang mabasa ang chat niya. Kinakabahan man, hindi rin mawala sa kalooban ko ang ma-excite. Mas gwapo ba siya sa personal? Mas matangkad ba sa akin? Maputi? Conyo? Englishero? Paktay.

Napagkwentuhan na namin ang mga buhay namin. Napagalaman kong sa Mapua siya nag-aaral. College na pala siya kahit 18 pa lang siya. Napaaga raw kasi ng isang taon ang pag-aaral niya. May kaya sila dahil nakakotse pa siya papunta rito ngayon. Hiyang-hiya naman ako.

Descend Upon Your Service (LLS #1) Completed✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon