Tumutulo ang mga butil pawis sa gilid ng aking mukha dahil sa init ng temperatura. Mabuti na lamang at natapos na ang klase at sa wakas ay makakalanghap na rin ako ng sariwang hangin sa labas. Biglaan kasing nasira ang aircon ng room namin kaya naman para kaming isinailalim sa impyerno.
"Kaloka. Mas malamig pa ata sa purgatoryo," sambit ko sa sarili habang nagpapaypay gamit ang kamay.
"Okay na 'yon, at least nakatakas na tayo sa impyerno. Bakasyon is waving!" pagsingit ni Alisa, kaklase ko.
Tama nga naman siya. Sa wakas ay natapos na rin ang final exams namin. Next week ay recognition na namin bilang grade 11 students. Isang taon na lamang at makakatuntong na ako sa kolehiyo, ngunit hindi ko alam kung may sapat na pera pa ba kami para sa pag-aaral namin.
Balak kong umuwi na lamang nang maaga dahil wala si Zach, inaasikaso niya ang printing ng final thesis nila. At isa pa, wala rin naman akong masasamahan pa dahil hindi naman ako kinakausap nila Pat.
Speaking of Pat, ramdam ko ang titig nilang tatlo sa akin mula sa gilid ng aking mga mata. Kahit alam kong galit sila sa akin, nilakasan ko ang aking loob at naglakad palapit sa kanila. Halata sa galawan nila na gusto nilang umalis sa sitwasyong ito dahil iniiwasan nila akong kausapin.
"Pat..."
"Halika na, may bibilhin pa ko sa Baclaran," ani ni Pat ngunit pinigilan ko ang pag-alis niya. Hinawakan ko siya sa braso at iniharap sa akin.
"Kausapin niyo naman ako," pagmamakaawa ko.
Ilang linggo na akong malungkot at tila may kulang sa bawat araw na dumadaan. Aminin ko man o hindi, miss na miss ko na silang makasama. Hindi dahil sa panlilibre nila o ano pa man, miss ko na ang bonding naming apat. Miss ko na ang mga oras na pinapakinggan nila ang mga problema ko, maging ang mga pagtulong nila.
Nagitla ako nang malakas niyang hinila ang kaniyang braso mula sa pagkakahawak ko. Napalunok ako nang mariin bago nagkaroon ng lakas ng loob na muling magsalita.
"Ano bang problema, Pat? Krishia? Ano, Maxene? Ano bang problema niyo at bakit ayaw niyo man lang akong kausapin?"
Pakiramdam ko'y may nakabara sa aking lalamunan sa mga sandaling ito. Ramdam ko na rin ang unti-unting pangingilid ng mga luha sa aking mga mata. Nasasaktan ako, kahit na mga kaibigan ko lamang sila.
"Magsalita naman kayo... magsabi naman kayo! Hindi 'yung bigla-bigla niyo na lang akong hindi papansinin. May nagawa ba akong mali?" pagdugtong ko kahit na pinipigilan ko ang maiyak sa harapan nila.
Kitang-kita ko ang pag-iwas ng tingin ni Pat. "Ikaw, Eya. Ikaw ang mali. 'Yang damdamin mo ang mali!" katamtamang sigaw niya.
Wala na gaanong estudyante rito sa hallway dahil ang iba'y nagsi-uwian na. Mabuti na rin dahil wala gaanong nakiki-chismis sa amin ngayon.
"Ano? Mali bang... m-mali bang magmahal ako?"
Hindi ko na napigilan pa ang paglandas ng isang patak ng luha mula sa aking mata. Agad ko itong hinawi gamit ang aking kamay.
"Oo, maling-mali... lalo na kung kay Zach."
Nalingon ako kay Maxene nang sabihin niya iyon. Bakit, ano bang mali kay Zach?
"Bakit? Dahil ba sa red flags?" mahinang tanong ko dahil alam kong pipiyok ako kung lalakasan ko pa ang boses ko. Lumunok ako bago tumingin sa kanila isa-isa.
"Krishia... a-alam kong ikaw lang nakakaintindi sa akin," saad ko nang mapadapo ang tingin kay Krishia. Tanging siya lamang ang alam kong nakakaintindi sa bagsik ng pag-ibig.
"S-sorry, Eya. Pero tama sila. Magmahal ka... pero 'wag kay Zach."
Gulong-gulo ako sa mga sinasabi nila. Ano? Dahil lang sa red flags? Dahil lang doon, hindi na ako pwedeng magmahal kay Zach?
BINABASA MO ANG
Descend Upon Your Service (LLS #1) Completed✓
Novela JuvenilCOMPLETED✓ What's your love language? (Love Language Series #1) Soleia Auxiene Cervante, a member of NBSB, embraced the personality of being a social media follower. Like what she always saw on the internet, she wants to wander the world of wildness...