20

155 3 0
                                    

"Ma, dalian niyo na! Baka ma-late na tayo!"

Kanina pa ako nangangalay kahihintay kila Mama rito sa tapat ng pintuan. 7:30 na nang umaga at alas-otso ang simula ng program para sa recognition naming mga grade 11 students.

"Madaling-madali si with honors, oh."

Inirapan ko lamang si Ate na siyang katabi ko sa paghihintay kay Mama na mukhang nag-ayos pa. Gusto niya raw kasing magmukhang maganda kalag sinabitan niya ako ng medal sa stage.

"Pa! Tawagin mo na nga si Mama!" iritang sabi ni Ate na nakasuot ng black smocking dress na animo'y pupunta sa fashion show dahil sa suot niyang kumikinang na white heels. Nanghiram pa ng pangkulot at kinulot ang sarili, samantalang ako, mukhang papasok lamang sa ordinaryong araw ng klase.

"Alam niyo naman 'yang Mama niyo, gustong magpaganda sa akin–ayan na pala ang napakaganda kong misis!"

Ang mga mata naming tatlo ay nakatuon lamang kay Mama na siyang pababa ng hagdan. Suot niya ang white dress na hanggang taas ng tuhod na siyang nabili niya sa Baclaran.

Binatukan ko nang malakas si Ate. "Sabi sa 'yo'y hindi ako ampon, e! Tignan mo naman 'ting kagandahan ko, may pinagmanahan," sambit ko sa mukha niya.

"Akala mo ikaw lang maganda? Huh! Mas level up ako sa 'yo, hampaslupang bitch," tugon niya saka hinawi ang buhok.

"Magkatapid tayo, pareho tayong hampaslupa. Tanga-tanga mo talaga."

"Ano ba kayo? Walang pangit sa pamilya natin! Basta lahi ko, siguradong pasado!" pagsingit ni Papa na siyang ikinatawa namin.

"Oo nga naman. Alam niyo bang ang pogi-pogi niyang Papa niyo noong kabataan namin? Puro mga mayayaman, sexy, magaganda at mapuputi ang nagkakagusto riyan! Hindi ko nga alam kung bakit ako ang napansin niya't niligawan," pagkuwento ni Mama na animo'y ito ang unang pagkakataon na kinuwento niya iyon. Halos linggo-linggo ko yatang naririnig iyon sa kaniya ngunit tinatawanan lamang siya ni Papa.

"Aanhin ko ang mga iyon kung ikaw ang gusto ko?" biglaang sabat ni Papa na siyang nagpatili kay Ate. Pinagmasdan ko naman si Mama na siyang tila natigilan at napaiwas ng tingin.

"Kung pinili mo sila, hindi ka sana naghihirap ngayon."

Natahimik kaming tatlo nang biglang banggitin ni Mama ang mga salitang iyon. Sa buong buhay ko, ngayon ko lamang narinig ang mga ganoong salita mula sa kaniya.

Nanlaki na lamang ang mga mata namin ni Ate nang biglang hawakan ni Papa ang kamay ni Mama na may hawak na bag. Napahawak na lamang ako sa aking bibig sa sobrang pagkabigla.

"Yaman ba ang minamahal ko? Hindi ba't ikaw? At kung hindi ikaw, 'wag na lang."

Lumipas ang ilang segundo ng katahimikan bago marinig ang nakakairitang tili ni Ate.

"OMG! Baka Papa ko 'yan! Kapag ako hindi nakahanap ng ganiyang lalaki, 'wag na lang din," komento niya na siyang nagpataas ng kilay ko.

"At saka, kung wala ka, wala akong magaganda at poging anak. Maganda rin kaya ang lahi mong morena. Masarap pagmasdan ang kasimplehan ng isang Pilipina."

Napangiti na lamang ako sa mga salitang binigkas ni Papa. Hindi man siya nakapagtapos ng pag-aaral, tila isang makata ang nagbigkas ng mga katagang iyon. Tanging ama ko lamang ang hinahangaan ko sa larangan ng Tagalog. Magaling siyang magsulat ng mga tula at kanta na siyang palagi niyang binibida sa amin.

"Good morning. I-I... I'm sorry for being late."

Bigla akong napatalikod at natigilan nang makita ang bihis na bihis na si Zach. Kung si Papa ang idolo ko sa pagta-Tagalog, si Zach slash kapatid ni Shakespeare naman ang siyang hinahangaan ko sa pag-iingles. I-i-i-dolo.

Descend Upon Your Service (LLS #1) Completed✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon