Kabanata 1
"Manang Lydia, baka naman po puwede n'yo pa kaming pagbigyan kahit isang linggo pa?" pakiusap ko.
"Hay naku, Satin! Hindi na natapos 'yang linggo na 'yan. Puro na lang kayo pangako! Kailangan ko na 'yang pera!"
"Magbabayad naman po kami, e. Sadyang gipit lang kami ngayon dahil isinugod sa ospital si Sam."
"Ah, basta! Magbayad kayo! Dahil kung hindi, palalayasin ko na kayo at pauupahan ko na lang sa iba ang bahay ko!"
Nang makaalis si Manang Lydia, saka lamang ako nakahinga nang maluwag. Lumapit ako kay Mama, na ngayon ay hawak ang kaniyang sentido, bakas sa mukha ang matinding pag-aalala.
"Ma..."
"Nak," lumipat ang tingin niya sa akin. "Wala nang natira sa perang binigay mo sa akin noong isang linggo. Malaki kasi ang binayaran natin sa ospital, may mga utang pa tayong binayaran ko."
"Hayaan mo na, Ma. Gagawa na lang ako ng paraan."
"Pasensya ka na, nak. Hindi na ako makahanap ng trabaho para makatulong sana. Wala na kasing tumatanggap sa akin. Gustuhin ko man sana na malinis ang pangalan ko, wala naman tayong pera para sa abogado. Hay naku, bakit ganito ang buhay natin..."
"Ma, okay lang. Ako na po ang bahala," sabi ko na may determinasyon.
Napansin ko ang pagkabahala sa mga mata ni Mama. Isang nag-aalab na pagnanais na makahanap muli ng kaginhawaan, ngunit hadlang ang mga pagsubok.
Simula nang namatay si Papa, si Mama na ang kumayod para mabuhay kami. Natigil lang siya sa trabaho nang mapagbintangan siyang nagnakaw. Simula noon, hindi na siya tinatanggap sa mga pinapasukang kompanya. Wala akong naging choice kundi tumigil sa pag-aaral at magtrabaho.
Bumalik ako sa club na pinagtatrabahuhan ko. Ilang linggo na rin akong tumigil, pero kailangan ko ng malaking pera. Ito lang ang trabahong madaling magbigay ng malaking kita sa isang gabi lang.
"Welcome back, Satin!" mainit na bati ni Ma'am Eurie. "Bakit ngayon ka lang? Akala ko sumama ka na kay Mr. Morfeo."
I swallowed hard at the thought of that man. Siya lang ang lalaking nagbigay sa akin ng malaking halaga pero hindi ako ginalaw. Sana makita ko siya ulit para makapagpasalamat. Malaking tulong ang binigay niya sa amin.
"Madalas ba siya rito?" tanong ko.
"Hindi, e. Iyon ang una't huling bisita niya rito. Big time 'yon. Nakarami ka ba?"
Tumango ako. "Big time nga siya."
"Sa pustura ni Mr. Morfeo, siguradong mapapatirik ka talaga. Nakailang rounds kayo?" mapaglaro ang tono ng boses niya.
Umiling ako. "Walang nangyari sa amin, Ma'am Eurie."
Gulat siyang napatingin sa akin. "Ha? Wala? Etchosera ka!"
"Hindi. Totoo 'to, Ma'am Eurie."
"Sigurado ka? Gaya ni Mr. Chua, mukhang bet na bet ka rin niya."
Tumango ako. "Wala nga. Binigyan niya lang ako ng pera, pero hindi niya ako ginalaw."
Napuno ng pagkamangha ang mukha niya. "Talaga?"
Hindi na ako kumibo. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon siya. Wala namang lalaki na basta-basta magsasayang ng pera kung wala silang inaasahan.
"Narito ba si Mr. Chua?" pag-iiba ko ng usapan. "Kailangan ko kasi ng pera ngayon. Nasa ospital na naman si Sam."
"Wala pa siya, pero ite-text ko. Sabihin ko na hinahanap mo siya. Siguradong magkukumahog 'yon papunta rito."
YOU ARE READING
In the Shadow of Diamond (COMPLETED)
Romance(Gemstone Chronicles #1) A diamond is rare, precious, and hard to break. And he treats her as his prize to be claimed.
