Unspoken Poetry #1-Kaya Pa Ba?

90 3 0
                                    

"KAYA PA BA?"

Sabi nila kapag nagmamahal ka,
Napapansin ito sayong mga mata,
Lalo na kapag tinitigan ka niya,
Sabay bulong sayo ng mga salitang "Mahal kita".

At sabi din nila kapag nagmamahal ka, maging handa ka,
Dahil hindi lahat ng nagmamahal ay masaya pa.
'Yong iba tinatago na lamang ang sakit na nadarama,
At binubulong sa sarili na, "Kaya ko pa".

Diba parang kay bilis lang?
Kung paano pinalitan ang saya ng kalungkutan,
Kung paano pinalitan ang tuwa ng kasakitan,
Kung paano pinalitan ang mga ngiti ng mga luha,
Kung paano pinalitan ang halaga ng pagbabalewala.

Ngunit mahal, bakit nga ba?
Noon ang bilis ng tibok ng puso ko ang dahilan ay nakikita ka,
Ngayon ang bilis ng bawat tibok nito ay dahilan nang pagkatakot ko na mawala ka.
Noon ang mga luha ay dahilan ng pasasalamat ko dahil nakilala kita,
Ngayon ang bawat patak nito ay ang mga damdaming pilit kong pinipigil pero kusang kumakawala.

Hindi ko na alam kung saan ako tutungo,
'Yong nagsisilbing liwanag ko ay unti-unti nang naglalaho.
Hindi ko alam kung sa paglalakad ko ako pa ba'y may patutunguhan,
Sapagkat ngayon ako'y lito at naliligaw na sa kawalan.

Pero bakit ngayon mahal, nasaan ka na?
Sabi mo sa akin ay maghihintay ka.
Sinubukan kang kausapin pero wala akong narinig na mga salita,
Umiiwas ka na nga sa akin at di mo na ko binibigyan ng halaga.

Mahal, kailan mo ba sasabihin sa akin?
Mga daing ng puso mong kay hirap nang intindihin.
Sabi mo 'pag may pagsubok walang maghihina satin,
Ngayon ang lakas ko, pakisabi naman kung saan ko pa ba hahanapin?

Mahal, nasaan na ang mga pangarap na sabay nating binuo?
Ako na lang ba ang nangangarap ng mag-isa sa lahat ng ito?
Mahal kailangan ko ngayon ang presensya mo,
Hindi ko na alam kung meron pa bang "ikaw at ako" sa salitang "tayo".

Hanggang kailan ako kakapit sa mga salitang "Kaya ko pa!",
Ipapakitang malakas kahit alam kong ako'y durog na durog na.
Hanggang kailan ako maniniwala sa mga salitang "Mahal Kita"
Kung unti-unti mong pinaparamdam sa akin na wala na akong halaga.

Kay dali lang sabihin na "okay lang ako",
Kay dali lang ipakitang ang lahat ay nakakaya ko.
Pero alam ko mismo sa sarili ko, na kapag nag-iisa na ako,
Unan ko lang ang kayakap ko, kumot ko lang ang pumupunas sa mga luhang pumapatak dahil sa sakit na nadarama ko.

Mahal ko, ako pa ba dyan sa puso mo?
Kasi isip ko'y gulong-gulo sa mga katanungan na namumuo,
Puso ko'y nalilito kung ano ba ang paniniwalaan ko sayo.
'Yong mga sambit mo bang "Mahal kita"o 'yong pinaparamdam mo sakin na nagbago ka na?

Tinanong kita, sabi ko "Mahal, bakit ka ba nagkakaganyan?",
Pero sagot mo saki'y "Patawad, kailangan na kitang pakawalan".
Luha ko'y pinigil sa pagpatak dahil ayoko na maging kawawa sa iyong harapan,
Mas lalo lang din pala akong mahihirapan, kapag ang mga nais kumawala ay akin pang nilalabanan.

Tinanong ulit kita, sabi ko "Mahal mo pa ba ako?"
Subalit yumuko ka lang at hindi na kumibo.
Hindi ako tumigil sa pagtatanong sapagkat hinihintay ko,
Ang mga salitang sasambitin mo na ako parin ang mahal mo.

Ngunit ilang beses na nga ba at wala parin akong narinig mula sayo?
Hinawakan ko ang mga kamay mo pero bumitaw ka sa pagkahawak nito,
Niyakap kita ngunit kumawala ka sa mga bisig ko,
Siguro nga ito na ang hinihintay kong sagot mula sayo,
'Yong hindi mo man sabihin pero damang-dama ko.

Kay bilis lang diba?
Kung paano pinalitan ang mga salitang  "mahal 'wag mo kong iwan",
At sa pinaramdam mo sakin na hindi mo na ako kailangan.
Kung paano mo pinalakas ang loob ko ng sinabi mong "kapit lang, hindi kita bibitawan",
Pero sa higpit kong pagkakapit, unti-unti mo din akong binitawan.
Kung paano natin pinanghawakan ang mga salitang "tayong dalawa mismo ang lalaban"
Ngunit nang aking napagtanto, ako na lang pala ang mag-isang lumalaban sa relasyon na ating sinimulan.
Kung paano mo nasambit na "mahal kahit anong mangyari hindi kita hindi kita pababayaan",
Pero pinaramdam mo sa akin na lumalayo ka na nang dahan-dahan.
Kung paano tayo nagkapalitan ng mga salitang "mahal kita",
Pero ngayon ang isa't isa sa atin ay malaya na.

Kay bilis lang diba?
Kay tagal ko din pinanghawakan ang mga salitang "kaya ko pa",
Naging matibay kahit ako'y napapagod at nahihirapan na.
Kapag nagmamahal ka, hindi mo nga inaasahan talaga,
Na ang dating lakas na "kaya ko pa" ay nagwakas sa mga salitang "ayoko na".

(2016)

Unspoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon