EPISODE 52:
In Which Their Luck Runs OutSamantala, sa kanyang selda sa tower dungeon, ay sinusubukan pa rin ni Muriel na makasilip sa maliit na bintana. Pakiramdam niya ay may malaking kaguluhang nangyayari sa labas, lalo pa't kanina pa siya may nakikitang tumatakbong sundalo o knight sa pasilyo. Pero wala talaga siyang ideya kung ano 'yon.
Kinabahan siya sa pag-iisip na baka may kinalaman 'yon kina Rivendyll at Lotte. Paano kung napahamak na ang mga ito sa labas? O kaya nagkakagulo ay dahil sa mga ito?
Napapalatak siya. Paano ba naman kasi niya malalaman kung wala na nga siyang makita sa bintana dahil di niya maabot, wala ring kumakausap sa kanya?
Isang sundalo na naman ang dumaan sa labas ng selda.
"Oy," tawag niya rito.
Napalingon ito sa kanya. "Kung manghihingi ka na naman ng pagkain, 'wag ka ng mag-abala."
"Hindi, hindi. Ano ba talagang nangyayari sa labas?"
"Wala ka na doon," sabi nito, saka siya nginisihan. "Tsaka, ano naman 'yon sa'yo? Hindi ka na rin naman makakalabas dito eh."
Bago pa man siya makasagot ay naglakad na ito papalayo. Inis itong binato ni Muriel, pero wala nga pala siyang maibato. "Nagtatanong lang eh, kailangan mo ba talaga akong asarin?" sabi niya sa sarili. Napailing siya. "Nang-aasar din naman ako, pero grabe ka naman!"
Ngunit umalis na rin ito.
Naiiling, ay bumalik si Muriel sa pwesto at umupo. Yumuko siya. Magagawa ko kayang tumakas dito? sabi niya sa isip. Hindi ako makagamit ng magic, kaya malabo talaga. Maliban na lang kung makakaisip ako ng ibang paraan.
Bumuga siya ng hangin.
"Kung gusto mo talagang malaman kung anong nangyayari sa labas, pwede kitang samahan doon."
Agad siyang napatingala. Hindi naman niya inaasahan na bubuksan ang selda niya. Inihanda ni Muriel ang sarili kung sakaling pagtatangkaan siyang saktan ng mga ito.
Isang may edad na lalaki ang pumasok sa loob. Sa pananamit pa lang ito ay halatang may kaya ito o di kaya'y may mataas na katungkulan. Kumunot ang noo ni Muriel dahil hindi niya ito kilala.
Ngumiti ito.
"Monsieur Jean-Baptiste Magoria, hindi ba?" tanong pa nito.
Tinaliman niya ito ng tingin.
"Mawalang-galang na. Pero sino ho ba kayo?" sabi niya. "At anong kailangan niyo sa'kin?"
May mga nakasunod pala ritong mga sundalo. Hindi lang basta sundalo. Base sa mga uniporme at badges nito, ay malakas ang kutob ni Muriel na mga opisyal ito ng World Sovereign.
Bigla siyang kinabahan.
"May mga kaunti lang akong katanungan," sabi nito. "May kilala ka bang isang tao—hindi, blood demon, na nagngangalang Nathaniel Magoria? Kilala mo siya, hindi ba?"
Para namang namutla si Muriel sa narinig. Bukod sa binanggit nito ang pangalan ng kapatid ng ganoon na lang, ay alam nito na blood demon si Nathan. Bagay na sila-sila lang magkakapatid ang nakakaalam.
Naisip ni Muriel na magsinungaling, ngunit matamang nakatitig ang tao sa kanya. May kung ano rito na parang ikinakabahala ni Muriel. Sa kung anong dahilan, ay alam niyang delikado ang taong ito.
"Paano mo nalaman?" sabi niya bago pa mapigilan ang sarili.
Ngumiti ito. "Kung ganoon, tama nga ako na kilala mo siya?"
Napalunok si Muriel. Humugot siya ng malalim na hininga, at napagdesisyunang sumugal sa isasagot niya.
"Oo. Kapatid ko siya," sabi niya.
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...