[56] In Which They Try to Explain Themselves

1.2K 112 100
                                    

EPISODE 56:
In Which They Try to Explain Themselves

Kung nakakasunog lang ang tingin, ay malamang abo na ngayon si Lotte. O 'yun ang pakiramdam niya. Ngayon lang ulit siya natakot ng ganito, na para bang isang paslit ulit siya na nakabasag ng pinggan.

Otomatiko siyang napaatras sa likuran ni Muriel. Mahuhulog na sana siya sa hagdan kung di lang nadakip ni Rivendyll ang kamay niya.

Paano ba naman kasing hindi siya masisindak? Na kung pati sina Muriel, Rivendyll, at lahat ng mga tao roon sa kwartong 'yon ay takot na takot na nakatingin kay Lewis.

"Magpaliwanag kayo," sabi ni Lewis. Kalmado naman ito pero sa lamig ng boses nito ay parang hindi alam ni Lotte kung makakapagsalita pa ba siya. "Saan kayo nanggaling at bakit wala kayo rito ng ilang araw?"

Lagot na, sabi ni Lotte na napasulyap sa walang buhay niyang clone. Alam na pala nila! Ano nang gagawin namin ngayon?

"Hello po, Tito Lewis!" basag naman ni Rivendyll sa katahimikan. Tumakbo pa ito papunta kay Lewis.

Nalaglag naman ang panga nina Lotte at Muriel. Walanghiya kang siraulo ka! tili ni Lotte sa isip. Iiwan mo kami sa ere at magpapalusot ka ngayon para di ka mapagalitan, ha!

"Tumigil ka, Rivendyll," malamig na sabi ni Lewis. Pinandilatan nito ng mata ang kapatid. "Alam ko nang ikaw 'yan."

Para namang nabato si Rivendyll at huminto sa pagtakbo, saka dali-daling bumalik sa kinatatayuan nila kanina.

"S-sabi ko nga eh. Alam mo pala na ako 'to? Sinong nakapagsabi sa'yo? Ang daldal naman niya," sabi ni Rivendyll. Tinaliman nito ng tingin si Gawaine.

Itinaas naman ni Gawaine ang mukha na natatakpan pa rin ng bangs at piring.

"Tinorture niya ako at pinagbantaan," sagot ni Gawaine. Ipinakita nito ang nakaposas na mga paa at kamay. "Kita niyo naman, diba?"

"'Wag kang gumawa ng kwento," singhal ni Lewis sa kapatid. "Ginapos kita diyan kasi nagpupumilit ka na pumunta sa Hall of Portals. Kahit na muntikan ka ng maubusan ng dugo rito at mamatay kanina."

Gulat naman silang napatingin kay Gawaine.

"Oo. Tama ang narinig niyo," sabi ni Lewis. Tumayo ito at ibinalik ang tingin sa kanila. "Muntik nang mamatay ang taong 'to dahil sa kung anong klase ng magic ang ginagawa niya, at kung hindi lang namin naagapan, baka may pinaglalamayan na tayo ngayon. Tapos, pag-akyat ko sa kwarto ni Lotte, makikita ko siyang parang wala ng buhay doon?"

Napalunok naman si Lotte nang marinig ang pangalan niya. Pag tingin niya sa itaas ay nakita niya si Heath. Pa-kutya pa nitong iniumang ang hintuturo sa may leegan nito. Hiniwa nito ang ere gamit niyon. Sinamaan niya na lang ito ng tingin.

"Alam niyo ba na para kaming mga tanga kanina, isip ng isip kung ano na talagang nangyayari? Para lang malaman, pagpunta ko kanina sa portal ng Northangia, na nagpapatayan na pala kayo sa labas?" singhal ni Lewis na tiningnan isa-isa sina Gawaine, Rivendyll, at si Nathan na akay pa rin ni Muriel. "Wala man lang kaming kaalam-alam na umalis si Lotte, at lahat na pala kayo nandoon?"

Itinapon nito sa mesa ang isang dyaryo. Nagkatinginan pa sina Lotte at Muriel para malaman kung pupulutin ba 'yon, pero kinuha na lang ito ni Lotte. Baka masinghalan pa siya ni Lewis.

Nakasulat doon sa headline ang mga katagang:

NORTHANGIA IS SAVED

"Nabalita na agad?" singhap ni Lotte. Pero nang makita ang madilim na mukha ni Lewis ay agad niyang tinikom ang bibig.

Lumipas naman ang ilang minuto at wala pa ring nagsasalita. Inihiga na rin ni Muriel si Nathan sa may sofa. Napatingin naman si Uno doon na may kunot sa noo.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon