EPISODE 67:
In Which Finnley Becomes the Target of Assassination"Bakit ka nandito?" sabi ni Lotte. "At paano ka nakapasok?"
Ngumiti naman si Nathan sa kanya. "Ah, hindi ako nakaakyat dito kahapon. Kaya ngayon na lang ako pumunta."
"E-eh?" ani Lotte na nagsimula na namang kabahan. "W-wala naman akong ipapagawa sa'yo, saka wala naman akong tatrabahuin ngayon, kaya ayos lang."
Tumango lang si Nathan sa sinabi niya. Pero sa halip na umalis ay dumiretso lang ito sa kama niya at prenteng umupo. "Hihintayin ko na lang ang kung anong ipag-uutos mo, Master."
Humiga pa talaga ito sa kama niya na akala mo talaga ito ang may-ari. Kinuha nito ang libro na nakapatong sa dresser niya, saka nagbasa.
Dahil doon ay nahulog ang locket ni Harry na nakapatong sa ibabaw ng libro. Hindi man lang talaga nito kinuha ang locket, kaya naman si Lotte na lang ang pumulot. Napailing siya at inilagay na lang 'yon sa bulsa ng damit niya.
Napasulyap din si Lotte sa painting ni Harry. Wala ito roon.
Ilang linggo na ring hindi nagpapakita si Harry sa kanila. Ang sabi ni Rivendyll bago ito umalis, may kailangan itong asikasuhin. Kung ano 'yon, at kung saan man ito pumunta kung nasa painting lang ito, ay hindi rin nila alam.
Nagbuntong-hininga si Lotte, saka muling lumingon kay Nathan. Lumapit naman siya para sitahin ito, pero parang wala talaga itong planong umalis. Magsasalita na sana siya nang may mapansin siya sa labas ng bintana.
Lumingon siya.
Kumunot naman ang noo ni Lotte nang may makitang tumatakbo sa labas, doon sa maburol na parte ng Magoria estate. Dumungaw siya sa bintana para makita kung sino 'yon.
Pati si Nathan ay napansing may tinitingnan si Lotte sa bintana.
"Si Finnley ba 'yon?" sabi ni Lotte na nagtataka bakit bigla-bigla na lang itong nagtatakbo. Tumayo naman si Nathan at tamad na nilapitan ang bintana. Tumango ito. "Baka naman nakakita siya ng multo doon?"
Natawa pa si Lotte sa naisip. Ngunit sabay na nanlaki ang mga mata nila ni Nathan nang sa isang iglap, ay biglang naglaho si Finnley. Hindi lang naglaho, pero parang nilamon ito ng maitim na usok.
"P-puntahan natin si Finnley. Baka anong nangyari sa kanya!" sabi ni Lotte.
"Ano pang madadatnan natin doon? Naglaho na siya," sabi ni Nathan. "Hindi natin alam kung saan siya papunta."
"Pero-baka nga may nangyari sa kanya," sabi ni Lotte. "Anong gagawin natin?"
As usual ay hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. "Pupuntahan ko si Taba."
"Pero, si Finnley nga-!" pilit niya.
Walang anu-ano'y hinawakan siya ni Nathan sa braso. Itinaas nito ang kamay saka bumulong. "Blood Demon Art: Vanishing Point."
Sa isang iglap ay pakiramdam ni Lotte ay nilamon siya ng mapulang liwanag. Ang sunod na lang niyang namalayan ay nasa ibabaw na sila ng mesa kung saan umiinom ng parfait si Muriel. Nasa labas na sila ng mansyon, sa ilalim ng oak tree kung saan ito tumatambay.
Nailuwa naman ni Muriel ang iniinom sa ere sa sobrang gulat.
"Anong trip niyo?!" tili ni Muriel sa kanila.
Tumalon si Nathan sa lupa saka pilit na pinatayo si Muriel. "Taba. I-take over mo ang command ng estate, ngayon na."
"H-ha? Anong takeover?"
"Subukan mo kung kaya mo bang kontrolin ang bahay. Magsabi ka ng kahit na anong command ng Head of the House," matigas na sabi ni Nathan. Nang hindi tuminag si Muriel ay niyugyog ito ng malakas ni Nathan, dahilan para maubo ito. "Taba! Nakikinig ka ba?!"
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...