EPISODE 60:
In Which The Triplets Run AwayNagpatuloy naman ang mga magic lessons ni Lotte kasama si Rivendyll. Nagpatuloy din ang pagtuturo niya sa mga bata. Kaya lang, hindi nabawasan ang sakit sa ulo ni Lotte sa pagtuturo sa mga ito dahil ayaw talaga ng mga ito na magpakatino.
"A, B, C! Pwede ba bumalik na kayo sa mga upuan ninyo? Kung hindi kayo babalik—arrrgh!"
Napasigaw na lang sa inis si Lotte nang tuluyan ng natumba ang bookshelf. Nagtawanan pa ng malakas ang mga ito. Bumuga na lang ng hangin si Lotte sa inis.
Wala kasi si Rivendyll dahil may inaasikaso ito. Si Muriel naman ay may pinagkakaabalahan din. Kaya nangyari nga ang kinatatakutan niya: ang di makinig sa kanya ang mga bata ngayong siya na lang ang naiwan.
"Isa! Kapag hindi pa talaga kayo tumigil—"
"Isa! Kapag hindi pa talaga kayo tumigil!" gaya naman ng triplets sa sinasabi niya saka nagtawanan.
Punong-puno na si Lotte. Tutal, ayaw namang makinig ng mga ito at ayaw siya ng mga ito respetuhin, siguro naman panahon na para ipakita niya ang tapang sa mga ito. Isa pa, sawang-sawa na siya na magpakabait dito tapos ayaw pa rin ng mga itong makinig kahit anong mangyari.
Kinuha ni Lotte ang walis sa malapit at lumapit sa mga ito. Hindi naman talaga niya papaluin ang mga ito, kung hindi tatakutin lang. Hindi pa rin niya kasi maako na mamalo kahit na ang kulit-kulit na ng mga ito.
"Hindi talaga kayo titigil, ha!" sigaw ni Lotte. Nagsinghapan naman ang tatlo nang makita ang dala-dala niyang walis at napako sa kinatatayuan. Nakakita na sana si Lotte nang tsansa na mapasunod ang mga ito kaya lang ay saktong bumukas ang pinto.
"Charlotte, bukas niyo na lang ipagpatuloy ang kla—anong nangyayari dito?"
Agad namang napalingon sina Lotte at ang triplets sa direksyon ng pinto. Nakita niya si Rivendyll na pumasok. Mukhang ang saya-saya nito tingnan pero nang mapadako ang mga mata nito sa walis ay nawala ang ngiti nito at natigilan.
Umiyak naman bigla ang triplets.
Sa pag-iyak ng mga ito ay lumabas si Hadi mula sa manaegerie at nanlaki ang mga mata na napatingin sa paligid, pati sa hawak niyang walis. Si Muriel at Uno ay pumasok din sa library, at nagulat din ang mga ito.
Biglang kinabahan si Lotte. Ngayon iisipin ng mga ito na papaluin niya ang mga bata! Baka akalain ng mga ito na inaabuso niya pa ang mga kapatid nito at masesante siya sa trabaho.
Ngunit bumaling si Rivendyll sa nag-iiyakang mga bata. Malamig ang mga mata nito.
"Bakit niyo pinapahirapan ang Ate Charlotte niyo? Bakit hindi kayo nakikinig sa kanya? At bakit kayo nagkalat dito?" malamig nitong sabi.
Napanganga naman si Lotte sa narinig. Otomatiko ring napatigil sa pag-iyak ang tatlo.
"Inaaway niya kami! Tingnan mo nga o, papaluin niya pa kami," sabi ng isa sa mga triplets.
"Alam kong hindi kayo nagsasabi ng totoo," sabi ni Rivendyll. "Hindi naman pupulutin ng Ate Charlotte niyo ang walis kung hindi niyo tinumba ang bookshelf at pinagtatapon ang mga libro, diba?"
Hindi naman makapaniwala si Lotte na kinakampihan siya nito.
"Pero—" panimula ng isa sa mga triplets.
"Masama ang magsinungaling," sabi ni Rivendyll. "Hindi ko alam kung saan kayo natuto niyan, pero mula ngayon ayaw ko nang marinig kayong hindi nagsasabi ng totoo at hindi ginagalang ang ibang mga tao. Ngayon, tumayo kayo doon sa sulok."
Dahil ayaw makinig ng mga bata, ay hinila ang mga ito ni Rivendyll at pinatayo nga sa sulok.
"Ngayon, sabihin niyo sa'kin anong nangyari?" sabi ni Rivendyll sa tatlo.
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...