EPISODE 30:
In Which Muriel Suddenly Has A ChildNang sumapit ang Lunes ay maagang nagising si Lotte. Pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili ay agad siyang dumiretso sa baba para simulan ang excercise program daw ni Rivendyll. Kaya lang, pagdating niya sa baba ay ang dalawang bata lang ang naabutan niya.
"Kayo lang?" tanong ni Lotte kina Hadi at Uno. Tumango naman pareho ang dalawa. "Nasaan ang mga kuya niyo?"
Si Uno na parang excited pa at nagwa-warm up na ng kanya, ay nagkibit-balikat. "Hindi ko alam Ate Lotte. Kami pa lang ang nandito mula kanina."
Naghikab si Hadi at kinusot ang mga mata. "Baka tulog pa po sila."
"Tulog?" dismayadong ulit naman ni Lotte. "Eh sila 'tong mga matatanda na dapat magpakita ng magandang ehemplo sa inyo eh. 'Yung mga 'yon talaga!"
"Alam mo, Ate Lotte, 'wag ka na pong magtaka. Pinakamaagang gising niyon ni Kuya Rivendyll ay alas syete, at bihira lang 'yon mangyari," sabi ni Uno. "Baka nga magpadala lang 'yun ng summoned magical creature para bantayan tayo. Pero sasama din siya mismo sa'tin. Late lang."
Napabuga ng hangin si Lotte sa inis. "Kahit na. Siya ang may pasimuno nito kaya dapat magpakita siya ngayon din." Iginala naman niya ang tingin sa paligid. "At si Kuya Muriel niyo?"
Nagkatinginan naman ang magkapatid.
"'Yon nga rin ho ang nakakapagtaka," sabi ni Uno.
"Bakit?"
"Kasi lagi naman pong maagang nagigising si Kuya Muriel," sabi ni Hadi. Nagulat naman si Lotte roon. "Lagi ho kasi niyang inaabangan ang dyaryo tuwing umaga."
Marahan namang napatango si Lotte. "Saan niya naman kinukuha 'yon? Sa main gate ba?"
Umiling si Hadi. "Hindi po. Sa isa sa mga portals dito."
Isa sa mga? tanong ni Lotte sa isip. Akala niya isa lang ang portal sa mansyon. Hindi niya inasahan na marami pala.
"Kaya nga ho nakakapagtaka. Kasi, kadalasan, kapag ganitong oras, naglalakad-lakad na po siya sa mga hallway eh," sabi ni Uno.
"Huh. Bakit kaya hindi ko napapansin 'yon," sabi ni Lotte sa sarili. Pero naisip din niya na baka nagkakasalisihan lang sila kasi diretso naman siya sa courtyard kung nasaan ang paliguan kada-umaga. Saka siya may naisip. Tumango-tango siya. "Mag-stretching na muna kayo rito. Pupunta muna ako sa itaas. May titingnan lang."
"Teka lang Ate Lotte—" pigil ni Uno sa kanya, kaya siya napabaling. Bakas naman sa mukha nito ang pag-aalangan. "Pupuntahan niyo po ba si Kuya Rivendyll?"
"Basta," sabi lang niya. "May problema ba?"
"Hindi po ba—ilang araw na natin siyang hindi nakikitang lumabalabas masyado?" sagot ulit nito. "Ni hindi na nga ho siya sumasabay sa pagkain eh. Baka ho kasi magalit na naman siya."
Tumango naman si Hadi bilang pagsang-ayon.
"Kaya nga titingnan ko," sabi ni Lotte. "Basta, dito lang kayo ha. Babalik din ako agad."
Wala namang magawa ang mga bata kundi hayaan siya. Dali-daling umakyat si Lotte sa mansyon papunta sa second floor. Dumaan na muna siya sa kwarto ni Muriel.
"Muriel?" sabi niya na kinatok ang pinto ng malakas. "Muriel, pwede bang lumabas ka muna?"
Subalit walang sagot. Mas lalo niyang nilakasan ang pagkatok.
"Muriel, pakibuksan ang pinto. Naghihintay na 'yung mga kapatid mo sa labas," tawag ulit ni Lotte na naiinis na. "Muriel, kung hindi mo 'to bubuksan, ako na ang papasok."
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...