EPISODE 9:
In Which Lotte Befriends PerineMinulat ni Lotte ang kanyang mga mata at tumama sa mukha niya ang liwanag mula sa labas ng bintana. Naririnig niya ang magandang musika na parang nagmumula sa isang harp. Napasinghap naman siya nang makita si Finnley na may hawak na harp lute at nakaupo sa isang bahagi ng silid, at si Muriel na kumakain ng sandwich sa may bintana.
"Hi," bati ni Muriel.
"Lotte!" masiglang sabi ni Finnley at tumayo mula sa upuan nito para lumapit sa kanya. "Gising ka na!"
"A-nong ginagawa niyo rito?" naguguluhan niyang sabi. Nabigla naman siya nang may humawak sa balikat niya. Lumingon siya at nakita si Lewis.
"Salamat at gising ka na rin sa wakas," marahang sabi nito.
"Ikaw din?" ani Lotte na nagtataka. "Anong nangyayari?"
"Hindi mo ba natatandaan?" sabi ni Lewis. Marahan siyang umiling. Inayos naman nito ang salamin at nagpatuloy sa pagsasalita. "Nakita ka namin noong isang gabi sa—hall na papunta sa third floor. Ngayon ka lang nagising mula noon."
Bumaha naman sa alaala ni Lotte ang lahat ng nangyari noong gabing 'yon. Ang mga palaka, ang mga insekto, ang enggrandeng hagdan papunta sa third floor, ang hall na 'yon na may matataas na bintana, ang mga rosas, ang mga alitaptap, ang mga ugat. At ang bangkay na nakita niya sa isang silid. Otomatiko siyang napahawak sa bibig, na muling nagtaasan ang mga balahibo sa batok at inalala ang mga nangyari. Napalunok siya.
"Narinig ka naming sumisigaw bago niyon, pero noong lumabas kami para alamin kung bakit mo kami tinatawag, di ka na namin nakita. Hinanap ka namin sa labas, bago sinabi ni Gawaine na baka, nandoon ka sa lugar na 'yon," sabi ni Lewis. "Di ko rin naman alam kung bakit nagka-ideya siya na baka nandoon ka. Pero doon ka nga namin nakita at hinimatay ka sa harap namin. Ano bang nangyari?"
Tiningnan naman ni Lotte ang mga ito, saka sinabi ang lahat nang nangyari mula simula hanggang dulo. Nakita naman niya ang pagdilim ng mukha ni Lewis. Natakot siyang magpatuloy dahil baka magalit ito sa pagpunta niya sa lugar na 'yon, na di naman talaga niya sinasadya, o baka isipin nito na nababaliw na siya. Sa itsura kasi ng mga ito, mukhang walang alam ang mga ito sa sinasabi niya. Di naman siya makapaniwala na baka siya lang talaga ang nakakita ng mga 'yon.
Natahimik sila. Puno naman ng pagtataka ang mukha ni Finnley habang si Muriel naman ay, as usual, nakatingin lang na parang ina-assess ang sinabi niya. Samantalang si Lewis naman ay halos hindi mapinta ang mukha.
"Nasaan siya?" tanong ni Lewis, malamig pa sa yelo ang boses, hindi sa kanya ngunit kina Muriel at Finnley.
"T-tingin ko nasa ruins na naman siya," sabi ni Muriel.
"Anong ginagawa niya roon?" ani Lewis.
"Ginagawa niya na 'yong tambayan mula noong—mula noong—kina—" ani Muriel ngunit halos di nito matuloy-tuloy ang sasabihin. Ngunit parang alam na ni Lotte kung ano 'yon. Mula noong nangyari ang labanan na nauwi sa isang trahedya sa pagitan nina Levine at Rivendyll.
"Teka, teka nga. Kanina pa ako blangko dito. Sinong 'siya' ba ang tinutukoy niyo?" tanong ni Finnley.
Tiningnan nito ang dalawang kapatid, at sinenyasan naman ni Muriel si Finnley. Kita naman ni Lotte na mahigpit na nakakuyom ang kamao ni Lewis. Puzzled pa rin ang ekspresyon ni Finnley ngunit di katagalan ay nakuha din yata nito kung sino.
"Oo!" ani Finnley at pumalakpak pa. "Nakita ko siya noong isang araw doon, may tinatago siyang mga libro doon sa ilalim ng—ng parang mesa. Kinuha niya yata doon sa parte ng library na palagi ding tinatambayan dati ni Lev—"
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...