EPISODE 48:
In Which Lotte Unleashes Holy MagicSa sinabi ng prinsipe ay napatingin lang si Lotte rito, saka siya tumango. "Ganoon pala. Huling tanong na lang."
"Hindi ka pa pala tapos?" angal ng prinsipe. Napatingin ito sa harap kung saan malapit na ang dulo ng pasilyo. "Itanong mo na. Dahil pagkarating na pagkarating natin sa balkonaheng 'yon, aalis na ako. At tulad ng napag-usapan natin, hinding-hindi na kayo babalik at kakalimutan niyo ang mga nangyari at nakita niyo rito."
"Oo naman. May isa kaming salita," sabi ni Lotte. "Pero hindi pa ako lalabas agad dito dahil may kailangan pa akong puntahan."
Kumunot ang noo ng prinsipe. "Ano? Hindi ka pa ba aalis?"
"Ang apurado mo naman," sabi ni Aelle sa isang gilid nito. "Aalis din naman kami, may mga kailangan lang kaming daanan. Diba, Lotte?"
Bumuntong-hininga si Lotte. "Hindi mo siguro magugustuhan 'to, pero gusto kong malaman saan nakakulong si Jean-Baptiste Magoria."
"Ano?" galit na tanong ng prinsipe. "Hindi mo lang ako pinagbantaan, ginawang hostage, ngayon gusto mo pa akong gawing kasabwat para patakasin ang isang kriminal?"
Nainis si Lotte sa sinabi nito kaya tinaliman niya ito ng tingin. Napaatras naman ang prinsipe. "Inuulit ko sa'yo, 'wag mo siyang tatawagin ng ganyan dahil sa simula pa lang, kinulong niyo siya rito nang walang kasalanan."
Nagsukatan pa sila ng tingin ng prinsipe. Hanggang sa inilayo na lang nito ang mga mata, saka bumuga ng hangin.
"Tsk. Oo na," nagmamaktol na sabi nito. Nagpatuloy sila sa paglalakad, subalit muli itong nagsalita. "Maid ka ba talaga ng mga Magoria? Paano nila natitiis ang ugali mo? Ni hindi ka marunong kumilala ng nakakataas sa'yo. Hindi ka rin marunong magsalita ng may paggalang."
"Nakakatawa. Ganyang-ganyan din ang sinabi ng taong kinamumuhian mo sa'kin," sabi ni Lotte.
"Ano?" kunot-noo nitong sagot. "Si Rivendyll Magoria ba ang tinutukoy mo? 'Wag mo akong ikumpara sa kanya dahil hindi nakakatuwa."
"Eh? Bakit ka naman agad napipikon, mahal na prinsipe?" tudyo ni Aelle. "Baka nga hindi kayo nalalayo ng amo ni Lotte eh. Diba, Lotte? Ayon sa kwento niya bugnutin at masama din ang ugali niyon, o baka naman common 'yun sa mga gaya niyo na sobra-sobra ang pera."
"Tumahimik ka," sita ng prinsipe rito. "Akala mo hindi kita naaalala? Ikaw 'yung nagpumilit na pumasok sa pantry nang walang pahintulot."
"Pasensya naman po, mahal na prinsipe," sagot ni Aelle. "Eh hindi ko naman po alam 'yung herb na tinatago niyo doon ay ginagamit niyo pala panggamot diyan sa pagiging blood demon niyo—"
"Itikom mo 'yang bibig mo!" sabi ulit nito. "Ang lakas-lakas pa ng boses mo. Kapag may nakarinig dito, hindi ko na tutuparin ang kasunduan natin."
"Ang pikon talaga nito. Siguro hindi kayo nagkakasundo ng fiancée mo no?" sabi ni Aelle.
"Tch. Hindi, salamat sa amo ng iba diyan," sabi ng prinsipe. Saka ito bumaling kay Lotte na may kasamang ngisi. "Ano kaya kung dukutin kita no? Ililigtas ka ba kaya ng pinakamamahal mong amo?"
Kunot-noo niya itong tiningnan. "Akala ko ba patatakasin mo na kami tulad ng napagkasunduan natin?"
"Hypothetical lang naman. Kukunin ka kaya niya?" sabi nito.
Nag-isip pa sandali si Lotte at hindi siya agad makasagot, kaya si Aelle na ang sumingit.
"So ang gusto mong mangyari, gagawin mong hostage si Lotte kung sakaling pupunta rito si Amo niya para kunin 'yung fiancée mo? Para kung sakali, may hawak ka laban sa kanya?" sabi ni Aelle.
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...