EPISODE 2
In Which Lotte Arrives in a Faraway PlaceNaalimpungatan naman ng gising si Lotte. Ramdam niya ang mainit na sikat ng araw na tumama sa mukha niya. Minulat niya ang kanyang mga mata at kinusot ito.
Maliwanag na sa labas. Inalis niya ang blanket na nakatakip sa kanya at tumanaw sa labas ng bintana para tingnan kung nasaan na siya. Ngunit dahil masyadong masakit pa sa mga mata ang sikat ng araw ay napakurap siya ng ilang beses. Ibinaling na lang ang tingin sa loob at umayos ng pagkakaupo sa upuan.
"Ang mga gamit ko?" aniya nang maalala ang bag na dala niya na naglalaman ng mga gamit niya kasama na ang kanyang pera. O kung ano mang natitira sa ipon niya. Nataranta siya sandali dahil pagkaalala niya ginawa niya itong unan kagabi nang makatulog siya sa loob ng kanyang compartment. Ngunit napawi din ang pag-aalala niya nang makita ang bag niya na nakaupo lang sa katapat na upuan ng compartment niya.
Natigilan siya.
"Paano 'yan nakarating diyan?" tanong niya sa sarili.
Napakunot noo naman siya nang mapagtanto na hindi 'yon makakarating doon kung hindi may ibang tao ang naglipat niyon doon. Malapit pa ito sa pinto ng compartment.
Doon lang din niya napansin ang isang blanket na nahulog sa sahig. Saka niya naalala na may blanket palang nakatakip sa kanya kanina. Nagtaka siya at ang pagtatakang 'yon ay agad nahaluan ng pag-aalala.
Sino naman kaya ang naglagay ng bag niya sa upuang nasa tapat niya? Pero kung di maganda ang hangarin ng taong gumawa niyon, ba't siya kinumutan?
Napansin naman niya ang isang malinis na papel na nakaipit sa ilalim ng bag niya. Nakatupi ito ng maayos at walang kadumi-dumi. Pinulot niya 'yon saka binuksan.
Binasa niya ang nakasulat.
Ms. Charlotte Emily Liddell,
Napakahimbing ng iyong tulog kagabi kaya hindi ka na namin ginising nang ihatid namin ang pagkain sa iyong kompartamento. Nahulog ang iyong bagahe at kinuha na namin ang kalayaang pulutin ito at inilagay sa kapatat na upuan para hindi madistorbo ang iyong pagtulog. Ipagpaumanhin mo na rin ang paglalagay ng kumot sa iyo nang walang pahintulot dahil nag-aalala kami na baka ikaw ay ginawin habang lulan ng aming sasakyan.
Maligayang paglalakbay sakay ng Hemlocke Express Train!
Sumasaiyo,
Oleander Anubis Foxglove, Train Conductor, Hemlock MDT
Tiningnan ulit ni Lotte ang papel. 'Yon pala ang nangyari. May attendant siguro ng train na nakita siyang nakatungko sa sulok ng compartment at tulog na tulog.
"Pero in fairness sa sulat nila," aniya sa sarili. "Pormal. Hindi, masyado talagang pormal."
Pinulot naman niya ang makapal at puting blanket at tinupi. Nilapag niya 'yon sa upuan, at ibibigay niya mamaya kung sakaling mapapadaan dito ang isang attendant. Kinuha niya ang bag saka siya muling umupo sa upuan.
Muli siyang tumingin sa labas ng bintana.
Dumadaan sila ngayon sa isang madamong lugar. Madalas namang nakakapunta ng probinsya si Lotte pero ngayon lang siya nakakita ng isang malawak na damuhan. Mahahaba at mukhang malinis din ang mga damo, at parang ang sarap tuloy humiga doon. Nakikinita din niya ang iba't-ibang klase ng mga bulaklak na tumutubo kasama ang mga damo. Makukulay ang mga bulaklak. Napakaganda tingan nito. Ang sarap din tuloy magselfie, kaso di rin naman siya pwedeng makababa doon.
Mas lalo niyang inilapit ang mukha sa bintana para tingnan ang nakapakagandang tanawin sa labas. Ngunit mas lalo siyang namangha nang malamang sa ibayo pala ng malawak na damuhan ay ang mga bundok. Hanay ng mga bundok na hindi na niya maabot kung saan ang hangganan. Asul-berdeng mga bundok na nagpapayabangan sa laki at taas. Sa paanan ng mga ito, sa ibabaw ng mga burol, ay kumpol-kumpol ng mga matataas na evergreen trees. Berdeng-berde at mukhang di pa nagagalaw ng mga kamay ng tao. Minsan naman ay may nadadaanan silang isa, dalawa, o munting grupo ng mga baka na payapang kumakain sa mga matatas na damo. At hindi lang kulay brown na baka na usually nakikita niya ang nandoon, kundi may mga baka ding may pinaghalong itim at puti ang kulay. Isang baka pa ang tumingin sa kanya at nakipagtitigan naman siya ng tingin dito hanggang sa mawala na ito sa tingin niya habang mabilis na dumadaan ang tren.
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...