[61] In Which Gawaine Approaches Lotte

701 100 46
                                    

EPISODE 61:
In Which Gawaine Approaches Lotte

Mula noong sinundan at niligtas nina Lotte ang triplets mula sa mga nagtangkang kumidnap dito, ay para yatang bumait ang tatlo. Makukulit pa naman, pero malaki na ang nabawas sa kasutilan ng mga ito.

"Pst. Nandyan siya sa loob."

Napahinto si Lotte sa ginagawa nang marinig ang boses ng triplets. Lumingon siya saglit at nakitang nakasilip na naman ang mga ito. Mula noong gabing iyon, ay lagi na ng mga itong ginagawa ang bagay na iyon. Hinahayaan na lang ni Lotte kasi wala rin namang ginagawang kalokohan ang mga ito. Itinigil na muna kasi ni Rivendyll ang pagtuturo sa kanila para naman daw makapagbakasyon sila ng ilang araw.

"Sa tingin mo ba kakausapin niya tayo?" sabi ng isa.

"Kung hindi natin siya kakausapin, pipilitin natin siya. Kung ayaw niya pa rin, kakausapin pa rin natin siya hanggang sa kausapin na niya tayo," sagot ng isa pa.

"Diba dapat mag-sorry na muna tayo sa ginawa natin?" sabi ng isa pa.

"Nakakahiya. Ikaw na lang mag-sorry para sa ating lahat, B," sabi ng isa pa.

"Eh? Pero dapat tayo lahat ang gumawa niyon!" sabi ni B.

"Kung hindi mo gagawin 'yon, B, papakainin kita ng kulangot," sabi ng isa pa sa mga triplets.

"Eh pero ang daya!" sabi ni B. Narinig naman ni Lotte ang komosyon sa likuran niya. Nang lumingon siya ay nakita niyang tinutulak ng dalawa nitong kakambal si B papunta sa kanya. Napahinto naman ang mga ito nang makitang nakatingin siya. Namula si B at nanlaki ang mga mata. "Sorry na daw Lotte sabi ni A, C, at ni ako at di na raw kami magiging makulit mula ngayon sige paalam!"

Pagkatapos nitong sabihin 'yon ay tatakbo na sana ang mga ito kaya lang ay tinawag niya ang mga ito.

"Saan kayo pupunta?" tanong ni Lotte sa mga ito.

"Tapos na kaming mag-sorry kaya aalis na kami," sabi ni C.

"Sino nagsabi sa inyo na dapat kayo magsorry sa akin?" amused na tanong ni Lotte.

"W-wala, kami lang," sabi ni A na mas lalo niyang ikinatuwa. "Sige, aalis na kami!"

"Eh? Pero kung totoo talaga na nagso-sorry kayo, kainin niyo nga itong niluto ko. Masarap 'to," sabi ni Lotte. Ngumiti siya. "At wala 'tong halong kahit na ano."

Lumingon naman sa kanya ang tatlo. Nagtinginan pa ang mga ito saka dahan-dahang bumalik sa kusina. Binuhat naman ni Lotte isa-isa ang mga bata saka pinaupo sa upuan.

"Mula ngayon, tuwing nagugutom kayo, hindi niyo na kailangang sumilip diyan sa pinto," sabi ni Lotte. "Sabihan niyo lang ako at ipagluluto ko kayo, ayos ba?"

Nagsitanguan naman ang mga ito at nahihiya pang nagngitian.

Masaya naman si Lotte at kahit papaano'y nag-improve ang relasyon niya sa mga bata. Hinainan niya naman ng champorado ang mga ito at nilagyan pa talaga ng gatas sa ibabaw. Tuwang-tuwa namang pinanood ng mga bata ang tray na papunta sa kanila.

"Kainan na!" sabi ni Lotte. Inilapag niya naman isa-isa ang mga bowl sa harapan ng tatlo, at isa rin sa kanya. Nagsimula na silang kumain.

Masayang kinain ng tatlo ang kani-kanilang mga champorado. Dahil mainit ay makailang beses pang napaso si B, kaya naman kinuha na muna ni Lotte ang kutsara nito at inihipan 'yon saka sinubo rito. Nang makita 'yon ni C ay nagpasubo rin ito. Kahit nahihiya pa noong una ay ganoon din ang ginawa ni A. Tuwang-tuwa rin naman si Lotte na pakainin ang mga ito.

Lingid sa kaalaman niya ay may mga ulo rin na sumisilip sa pinto. Unang sumilip si Muriel, si Finnley, si Uno, saka si Lewis at si Rivendyll. Natawa naman si Lewis.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon