EPISODE 55:
In Which They Go Back HomeNanatili namang tahimik ang dalawa sa loob ng ilang oras pagkatapos itanong ni Lotte ang bagay na 'yon. Mula noong binigay ni Muriel sa kanya ang Arcane Seal, ay matagal nang nagtataka si Lotte paano nalaman ng mga ito 'yon.
"Nagtataka lang kasi ako kung paano niyo nalaman 'yon. Mas nauna pa ngang nalaman ni Levine ang tungkol doon, kahit na ako naman ang may-ari," sabi ni Lotte. "Tapos, nagulat na lang ako dahil bukod kay Hadi at sa kanya, alam na rin ni Nathan, ni Gawaine, at kayo."
Hindi agad nakasagot sina Rivendyll at Muriel. Saka bumuga ng hangin si Rivendyll.
"Alam ko na noon pa," sabi ni Rivendyll. "Bilang ako ang Head of the House, syempre, alam ko."
Sumingkit naman ang mga mata ni Lotte rito.
"At ako rin ang nagsabi kay Hadi na turuan ka paano gamitin 'yon. Pati na rin kay Muriel," sabi ni Rivendyll. "Sinabi ko sa kanya noong papaalis na ako ng bahay para pumuntang Northangia."
Tumango na lang si Lotte. "Kung ganoon, alam mo rin kung bakit nasa akin ang Arcane Seal?"
"Oo," sagot nito. "Dahil ikaw ang pinili nito. Kaya sa'yo napunta."
"Kung ganoon," sabi ni Lotte ulit. "Bakit hindi mo sinabi sa'kin? Bakit si Hadi pa ang nagpaliwanag sa'kin?"
Ito na naman ang sumingkit ang mga mata sa kanya. "Eh kung ako pa magpapaliwanag sa'yo, aabutin tayo ng siyam-siyam! Tingnan mo nga, simpleng tanong lang, ang dami mo nang follow-up questions!"
"Eh kasi naman bakit hindi mo sinabi sa'kin sa simula pa lang!" sabi ni Lotte.
"Kasi nga, masyadong kumplikado!" sabi ni Rivendyll. "Hindi ko alam kung saan magsisimula! Sasabihin ko na lang ulit kay Hadi tapos siya na ang magpapaliwanag sa'yo."
"Alam mo, para kang engot! Sabihin mo na lang kaya ng diretso sa'kin, no?"
Asar namang tinakpan ni Muriel ang magkabilang tainga.
"Tinatawag mo na akong engot ngayon?" sabi naman ni Rivendyll. "Oy manang, kung kasi marunong ka lang makinig at hindi ako sinasagot-sagot eh di sana pinaliwanag ko sa'yo lahat-lahat."
"'Wag mo nga akong sisigawan!"
"Hindi kita sinisigawan. Eh ikaw nga 'tong naninigaw sa'kin eh."
Sasagot pa sana si Lotte pero iwinasiwas ni Muriel ang dalawang kamay.
"Pwede ba tama na!" sabi ni Muriel na tumayo na. Kumalma naman sina Lotte at Rivendyll. "Kahit saan kayo pulutin, away kayo ng away! Ang iingay niyo! Kapag hindi ako nakapagpigil, kayong dalawa talaga—"
Lumingon sina Lotte at Rivendyll dito na parehong may madilim na mukha.
"K-kayong dalawa talaga. K-kayong—bahala na nga kayo," sabi ni Muriel. Muli itong umupo. "Sige na. Mag-usap na ulit kayo, ha, pero 'yung mahinahon lang."
Napailing naman si Rivendyll. "'Yun nga. Mahabang kwento, pero alam ko na noon pa na ikaw ang bearer ng Zeroth Seal. Patungkol naman kina Levine at Gawaine, maaaring nakita lang nila ang seal mo. Minsan kasi, kapag baguhan, kusang lumilitaw 'yung seal kaya nakikita ng iba."
Tumango siya. "Eh si Nathan?"
"Isa siyang blood demon. Maaaring narinig niya o nahulaan niya," sabi ni Rivendyll. "Tsaka, mas sensitive ng ilang beses ang mga senses nila kaysa sa'tin."
"Pero, hindi ka rin naman tao, diba?" sabi ni Muriel. "Kaya mo rin 'yon."
"Ibahin mo sila. Maikukumpara mo sa mga predator ang mga characteristics na meron sila," sabi ni Rivendyll. "Kaya, kung hindi sila napigilan, hindi talaga makakalaban ang Northangia sa kanila. Aabutin lang ng ilang araw—hindi, ilang oras lang pala talaga—para bumagsak ang buong syudad. Kung walang dumating na tulong."
BINABASA MO ANG
Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)
FantasyGuguho ang mundo ni Lotte sa biglaang pagpanaw ng kanyang tiyahin na siyang umaruga sa kanya mula pagkabata. Sa desperasyon niya na makakita ng bahay na matutuluyan, ay mapapasubo siya sa trabahong alok ng isang mahiwagang matanda: ang maging isang...