Kinagabihan, sa isang restobar napiling isagawa ang after party ng batch namin.
Tulad ng napagkasunduan, kulay asul ang isinuot kong dress na tinernuhan lang ng simpleng puting sapatos. Ganoon din naman ang sa mga kaklase ko kaya lang ang iba, crop top ang napili. Hindi ko nga lang alam kung paano nila nagawang makapasok gayong mga istriktong guard ang nasa labas. Si Gab ay simpleng kulay asul na t-shirt ang suot na tinernuhan lang ng jeans at puting sapatos.
Napuno naman ng kulay pula ang banda sa klase nina Rhett. Sila ang nakakuha ng kulay na 'yon. Kanina ko pa nakita ang pinsan dahil halos sabay lang kaming nakarating. Akala ko nga ay kasabay nito si Veronica, tulad ng narinig ko noong isang araw pero, mag-isa lang ito nang pumasok. Preskong-presko ang dating nito sa suot na simpleng pulang t-shirt na pinaresan ng maong pants at puting sapatos. Sa lakas ng dating nito, hindi na ako nagtakang marami ang napalingon sa kaniya.
Kasama ko ang kaibigan sa mesa. Nasa harapan ko lang ito pero parang hindi ko rin ramdam ang presensiya niya dahil abala ito kakalingon sa mesa nina Fern na nakaupo sa mga upuang nasa tapat lang namin. Hula ko nga'y maya-maya lang ay lilipat na ito ng pwesto dahil kanina pa siya bumubwelong tumayo sa upuan.
"Gab, tara na kasi. Kumain na tayo. Kanina pa ako nagugutom, hindi mo naman ako pinapansin."
"Kaya mo na 'yan. Papunta na rito si Fern, magsasayaw daw kami."
Kakasagot pa lang nito, tumayo na nga ang lalaki sa kabilang mesa. Napangiti siya. Napailing na lang ako noong ito na mismo ang lumapit sa lalaki para ayaing magsayaw. Hinayaan ko na lang siya saka pinanood ang pagpunta nila sa dance floor. Mabuti na lang ay malamyos ang pinapatugtog na musika kaya hindi ako nag-alalang gagawa ng kabalustugan ang kaibigan.
Nang magsawa sa panonood, tumayo na ako sa pwesto para kumuha ng makakain. Hindi ako kumain sa bahay dahil balak kong dito na kumain. Marami ang pagkaing nakahain sa mesa. Ilan sa mga kaeskwela ang nakasabay kong kumukuha rin. Ang iba nga'y nginingitian pa ako kaya sinusuklian ko rin ng ngiti. Wala namang nagbabantay kaya kami na mismo ang kumukuha gamit ang nakalagay na tong. Halos mga panghimagas ang napili ko na pinaresan ko lang ng isang serving ng pasta.
"Nathalia, nandito ka na pala? Saang banda kayo?"
Napalingon ako sa babaeng katabi nang kausapin niya ako. Magkakilala kami nito dahil pareho ng sinalihang club noong sophomore kami. Isa rin siya sa mga student council kaya madalas siyang pumupunta sa room namin para mag-anunsyo.
"Ah, oo. Doon kami sa tapat ng dance floor, sa mga kulay asul."
"Sige, puntahan ko kayo mamaya, ah? Unahin ko lang saglit 'yong mga nasa unahan."
Hindi na niya ako hinintay pang makasagot dahil kaagad siyang sumabay sa ibang mga kaeskwela para bumalik sa kaniya-kaniyang mesa. Kumuha na lang ako ng maiinom pagkatapos ay bumalik na rin sa pwesto.
Nasa dance floor pa rin ang kaibigan nang makabalik ako. Aliw na aliw na ito kakasayaw lalo na't pinapaikot-ikot siya ni Fern. Tumawa ang dalawa matapos gawin iyon. Napangiti na lang ako.
Wala pa ang ibang mga kasama kaya ako pa rin ang natitira sa pwesto. Tumalikod ako sa banda ng klase nina Rhett. Nakakahiya kasing kumain gayong panay din ang lingon sa akin ng ibang mga kaklase niya. Naroon din si Pietro na kanina lang ay kinawayan ako. Ang pinsan naman ay nakihalo sa ibang umiinom na may hawak pang isang baso ng alak. Sakto namang napatingin din ito sa akin, nahuli ang mga mata ko.
Bigla nitong ibinaba ang hawak na baso saka naglakad papalapit sa akin. Narinig ko ang pagtawag sa kan'ya ng mga kaklase pero diretso lang ang lakad nito. Hinintay kong makalapit siya sa akin kahit hindi ko rin alam ang sasabihin sa kaniya dahil sa sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Naguguluhang nag-angat ako ng tingin sa kaniya.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...