Limang araw na hindi pumasok si Gab matapos ang huli naming pagkikita. Ayon sa tiyahin nito, umuwi raw ito sa probinsiya, sa mga magulang niya. Dahil nga nasa Maynila, ang tiyahin nito ang nagpapaaral sa kaibigan. Umuuwi lang siya sa probinsiya kapag mid-year break o kaya naman ay tuwing pasko at bagong taon.
"Baka bigla lang niyang namiss ang probinsiya. Na-homesick? Applicable pa rin naman iyon kahit nasanay na, 'diba?"
Walang gana kong nilingon ang madaldal na si Pietro. Seryoso itong nakatingin sa akin na para bang nababasa niya ang mga iniisip ko kaya pilit niyang sinasagot ang mga iyon.
"Wala ka bang gagawin ngayon? Buong linggo mo na akong sinusundan, ah?"
Sinimangutan niya ako. "May ginagawa ka ba ngayon? Magkaklase tayo, baka may nakalimutan ako."
Napairap na lang ako saka itinuloy ang pag-iisip. Mas lalo lang akong maguguluhan kapag ang lalaki ang inatupag ko.
Ilang beses kong tinawagan ang kaibigan kanina pero hindi niya ako sinasagot. Hindi ko maiwasang mag-alala sa kan'ya. Hindi siya nagpaalam sa akin o nagsabi man lang. Wala rin siyang excuse letter kaya siguradong marami siyang hahabulin pagbalik.
"Nat, huwag ka ng masyadong mag-isip diyan. Maldita 'yon,mabubuhay 'yon."
Pinanlakihan ko siya ng mata. "Huwag mo akong susundan! Nanggigil ako sa'yo!"
Mabuti na lang ay nadala siya sa pagsigaw kong iyon at hindi na nga ako sinundan. Siguradong pinuntahan nito ang pinsan ko na kakalabas lang sa huli nitong klase sa umaga. Tinext niya ako kanina nang magtanong ako tungkol kay Gab. Bukod doon ay wala pa kaming napag-usapan.
Papasok ako ng library nang makasalubong ko si Veronica. Ilang buwan ko rin siyang hindi nakita dahil hindi na sumasama sa amin. Hindi na rin ito pumupunta sa bahay nina Rhett kahit iniimbitahan ni Tita. Kung dati ay ngumingiti ito sa akin, ngayon ay parang hangin na lang ako. Bahagya pa nga itong namutla nang makita ako. Napapaisip na lang ako kung ano ba ang nangyari sa kanila ng pinsan.
"Ate Nathalia Dela Cruz!"
Napalingon ako sa likuran nang marinig ang pangalan ko. Dalawang batang babae na hula ko ay nasa high school ang tumawag sa akin. Nagtaka ako kung paanong nakapasok ang mga ito gayong bawal lalo na tuwing school hours. Lumapit ang dalawa nang makitang nakatingin ako sa kanila.
"Ate Nathalia Dela Cruz!"
Hindi ko napigilang tumawa. Buong pangalan ko talaga?
"Ate Thalia na lang. Paano nga pala kayo nakapasok? Bakit kilala n'yo ako?"
Ngumiti sa akin ang isa. "Ate Thalia, pinsan po kayo ni Kuya Rhett Anonuevo, 'diba?"
Napangisi ako nang marinig ang buong pangalan din ni Rhett. Tumango ako.
"Ahm, Ate Thalia, secret lang po ito, ah?" Lumapit ito sa akin saka bumulong. "Crush ko po kasi siya." Sabay na napabungisngis ang dalawa habang ako ay napakamot ng buhok. Masyadong bata ang isang 'to para kay Rhett!
Mula sa likod nito, inilabas niya ang isang maliit na envelope na mukhang kanina pa nakatago roon. Inilapit niya ito sa akin.
"Love letter ko po para sa kan'ya."
Nanlaki ang mga mata ko. Naguguluhang kinuha ko iyon. "Ano'ng gagawin ko dito?"
Namula ang pisngi niya. "Nahihiya po kasi ako sa kan'ya kaya kung ayos lang po sa inyo, puwede po bang pabigay na lang sa kan'ya?"
Hindi pa nga ako nakakabawi sa una, nagsalita ang kasama niya.
"Kaklase n'yo po si Kuya Pietro Saldivar, 'diba? May love letter din po ako sa kan'ya. Pwede pong pabigay din?"
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...