"Punta ka ulit sa kwarto ko mamaya, Nat. Magpaplano ulit tayo."
Siniko ako ni Rhett habang naghuhugas ng plato. Tanging tango lang sagot ko dahil pumasok ng kusina si Tito Niel. Lumayo ng bahagya ang pinsan saka kunwaring kumuha ng baso para uminom. Kaagad naman siyang pinagalitan ni Tito dahil hindi pa raw ako tapos na maghugas, may idadagdag na naman siya.
Buong bakasyon nga akong nanatili sa bahay nila. Sa mga nakalipas na araw, kapwa wala pa ring pagbabago sa samahan nina Tito Niel at Tita Maricar. Madalang pa rin kung mag-usap ang dalawa at palaging tahimik kapag nasa harapan ng pagkain. Paminsan-minsan naman ay bumibisita sina Mama para kumustahin kami.
Dulot ng palagiang magkasama, mas lalo kaming nagkalapit ng pinsan. Naging madalas na ang pagpunta ko sa kwarto nito kapag may oras lalo na kung nasa kwarto si Tita Maricar. Si Tito Neil ay palaging wala sa bahay dahil may trabaho. Kung minsan naman ay ang pinsan na ang kusang pumupunta sa akin. Basta nakaupo lang ito sa paanan ng kama ko, ginagamit ang telepono. Alam kong hanggang ngayon hindi pa rin naaalis sa amin ang pagdududa sa narinig noong araw na iyon.
"May nakita ka na ba?"
Biglang bumukas ang pintuan ng kwarto ko, nagmamadaling pumasok doon ang lalaki. Kung hindi ko nga lang inaasahan ang pagpunta nito, siguro'y inatake na ako sa puso nang dahil sa ginawa niya.
Ibinaba ko ang binabasang libro. Sinulyapan ko ang pinsan.
"Hindi pa ako nakakapagsimula dahil laging nandiyan si Tita. Ikaw na lang kaya? Bahay n'yo naman ito kaya hindi sila manghihinala kung pumasok ka man sa kwarto nila, 'diba?" suhestiyon ko.
Umupo siya sa dating pwesto, inilabas ang telepono saka kunwaring abala roon. Napailing ako.
"Rhett, hindi natin magagawa ito kung gan'yan ka! Lagi ka na lang umaalis ng bahay!"
Bumaling siya sa akin. Itinaas niya ang mga kilay bago sumagot. Ngumisi siya.
"Nagkakayayaan nga lagi ang barkada. Nakakahiyang tumanggi. Kung gusto mo, sumama ka na lang sa akin. Nandoon lagi si Gab kaya hindi ka mabuburyo."
Nagtagal ang tingin nito sa akin, hinihintay ang sagot ko. Sumimangot ako.
"Sinong kasama ni Tita kung sasama ako sa'yo?"
Kaagad na nawala ang ngisi nito. Hindi nakaligtas sa akin ang lungkot sa kaniyang mata pero agaran ding nawala. He sighed.
"Hayaan mo muna sila. Maaayos din nila iyan. Give them time, Nat."
Napabuntong-hininga na lang din ako dahil wala nang masabi. Naghanda na rin naman ito sa pag-alis kaya hindi ko na pinigilan pa.
"Nat, malapit na ang pasukan. Mag-enjoy ka naman muna. Saka mo na isipin iyon."
Sa sumunod na pag-alis nito, sumama na ako sa lakad niya. Hindi naman kasi inuman ang pinupuntahan nito, madalas ay sa bahay lang ng mga kaibigan para maglaro ng basketball o kaya naman para magswimming. Lagi nga'ng sumama si Gab kaya may kausap ako. Hindi nga lang masyadong komportable dahil pati si Veronica ay naririto rin.
Sinundo na ako ni Dada sa sumunod na linggong iyon. Malapit na kasi ang pasukan, kailangan ko na raw maghanda. Sabay kaming nag-enroll ni Rhett ngayong pasukan dahil parehong eskwelahan ang papasukan. Ganoon din naman si Gab at mukhang pati ang mga barkada ng pinsan.
Dahil nga mga kolehiyala na, magkaibang kurso ang kinuha namin ni Gab . Si Rhett ay iba rin. Akala ko nga ay walang kakilala sa mga magiging kaklase kung hindi nasabi sa akin ng pinsan na parehas kami ng kursong kinuha ni Pietro. Napailing na lang ako, hindi sigurado kung matutuwa o mababahala.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...