Tanging pag-iyak lang ang siyang nagawa ko pagkarating sa hotel. Hinayaan naman ako ng dalawa, hindi nagtanong o nagpilit na kumain muna ako.
Si Rhett na ang nagsarado ng pintuan ng hotel room ko dahil kaagad akong humiga sa kama. Bukas ng madaling araw ang flight namin pabalik ng Maynila. Sina Dada ang susundo sa amin kaya kanina pa ako naghahanda ng sasabihin. Tiyak ko kasing inaasahan nilang bitbit ko ang kaibigan pabalik ng Maynila.
Inabot ko ang telepono nang maramdamang tumunog iyon. Pangalan ni Mama ang bumungad sa akin na nakarehistro sa caller ID ko. Pinili kong huwag sagutin iyon dahil sigurado akong mas lalo lang maiiyak kapag sila na ang nagtatanong sa akin. Baka bumiyahe pa ako ng wala sa oras, makayakap lang ako sa kanila.
"Nat."
Nakarinig ako ng mahinang katok, kasunod no'n ang pagbukas ng pintuan ng kwarto ko. Mukha ni Rhett ang sumilip, may bitbit na maliit na tray. Dahan-dahan siyang pumasok habang nakatingin sa akin. Inilapag niya sa isang mesa ang dala bago nagtungo sa kinahihigaan ko. Ngumiti ito.
"Tumawag si Tita kanina, tinatanong ka. Hindi mo raw sinasagot ang mga tawag at text niya? Sinabi ko na lang, baka nakatulog ka na."
Hindi ako sumagot. Tumayo siya sa kama nang tumunog ang telepono nito. Napansin kong kaagad na nag-iba ang timpla niya nang makita kung sino ang tumatawag. Nagpaalam itong kakausapin lang sa labas ang tumatawag, babalik din kaagad. Tumango na lang ako.
Saglit akong nakatulog. Nang malingat, napansin kong madilim na. Inabot ko ang telepono para tingnan kung anong oras na. Lampas alas dose na pala. Bahagya akong nakaramdam ng gutom kaya nagpasya akong lumabas para makahanap ng kahit anong makakain.
Nakabukas ang pintuan ng hotel room nina Rhett nang makalabas ako. Magkaharapan lang kasi ang nakuha naming kwarto. Sisilip sana ako kaya lang ay may mga dumaang nakacheck-in rin dito kaya hindi ko na tinuloy, baka akalain pang masama akong tao.
Tuloy-tuloy akong naglakad papuntang elevator para makababa sa lobby. Doon na lang ako magtatanong kung saan makakuha ng makakain. Wala na kasi sa mesa ang dala-dalang tray ni Rhett kanina.
Sa lobby, ang pinsan kaagad ang unang napansin ko. Hindi ko sana papansinin kaso ay pabalik-balik ito sa pwesto habang may kausap sa kaniyang telepono.
Nagpasya akong lapitan siya.
"Ma, bukas makakauwi na kami. Ipapaliwanag ko. Huwag mo munang sabihin kay Papa."
Natigilan siya nang makita ako. Kaagad itong nagpaalam sa kausap at mabilisang ibinaba ang telepono.
"Anong ginagawa mo rito, Nat? Dapat natutulog ka na ng ganitong oras."
Kumunot ang noo ko nang mapansin kong panay ang galaw ng mata nito sa paligid, hindi makatingin ng diretso sa akin.
"May problema ba, Rhett? Si Tita Maricar 'yang kausap mo, 'diba?"
Napabuntong-hininga siya saka tumango. May maliit na problema raw pero hindi na niya sinabi kung ano 'yon. Basta ang sabi lang nito, siya na lang daw ang aayos kaya hindi ko na kailangan pang malaman. Nagkibit-balikat na lang ako at hindi na nakiusyoso pa. Pagkain din naman ang pakay ko rito sa baba.
"Ano'ng gusto mo rito? Iyon bang chips?"
Naglakad ako palapit sa vending machine. Pumwesto ako sa tabi nito saka namili. Iyong kulay dilaw na potato chips ang napili ko habang siya'y apple juice ang pinili.
Ilang sandali pa kaming nanatili roon bago siya nag-ayang umakyat na sa taas. Baka raw kasi biglang magising si Pietro at mapansing wala kami roon. Praning daw kasi iyon kaya baka akalaing naiwan siyang mag-isa. Natawa na lang ako.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...