Love is the strangest thing in the world. It comes to you in a very unexpected way, then it leaves you with an unwanted ending.
Ganoon ang nangyari sa amin ni Rhett.
Nagustuhan ko siya kahit na hindi dapat. Kung kailan pang mas lumalim pa ang nararamdaman ko, bigla naman kaming pinaglaruan ng tadhana. Sa huli, wala ring naging pagbabago sa relasyon namin. Bumalik lang ulit kami sa dati.
Hindi na nga niya ako kinausap. Naging hangin na lang ulit ako sa kan'ya.
"Baka matunaw 'yan, kakatitig mo."
Umayos ako ng upo. Nilingon ko si Pietro na abala sa pagkain ng ice cream. Inalok niya sa akin ang isa pero tumanggi ako.
"Ano bang problema niyong mga lalaki, Pietro?"
Kaagad siyang tumingin sa akin, halatang nagulat sa tanong ko.
Sinimangutan niya ako. "Bakit na naman ako nadamay?"
Inilingan ko na lang ito. Nakapangalumbaba kong ibinalik sa pinsan ang tingin. Kasalukuyan siyang nasa corridor ng lecture room nila, mag-isang binabasa ang mga papel na hawak. Nasa bandang gilid kami nakaupo kaya hindi ganoon mapapansin kahit pa mag-angat siya ng tingin. Paminsan-minsan ay may mga kumakausap sa kan'ya na kaklase pero tanging iling o tango lang ang sagot nito. May mga dumadaang ring titingnan lang siya saka kikiligin kapag nakalampas na.
Napabuntong-hininga ako. Tumayo si Pietro sa pagkakaupo kaya nagtatanong akong tumingin sa kan'ya.
"Problema ba naming mga lalaki? Alam ko na." Pinulot nito ang mga nagkalat na pinagbalatan niya ng ice cream. "Hindi namin alam ang gagawin kapag masyado naming gusto ang isang tao kaya madalas, nagkakamali kami." Pabiro niya akong tinaasan ng kilay bago iniwan doon.
Napaisip tuloy ako. Aminado naman ako, alam kong gusto rin ako ni Rhett. Sa mga naging kilos nito noong mga nakaraang araw, madali ko lang na masasabi iyon. Masyado kaya niya akong gusto kaya naguguluhan siya sa gagawin?
Pinigilan ko ang sarili na mag-isip. Kaagad akong tumayo saka sinundan si Pietro. May susunod pa nga pala kaming klase, hindi man lang ako isinama na.
Hindi sumabay sa amin ang pinsan nang magtanghalian na. Ang dahilan nito, may tatapusin daw na proyekto na ipapasa sa susunod na pasok nito. Si Pietro ang kinausap niya, patago pa. Halatang ayaw lang magpakita sa akin. Nagmamaktol tuloy akong sumama sa kan'ya sa cafeteria. Ang lalaki naman, mas lalo pa akong iniinis dahil alam niyang apektado ako.
"Oh, nagtext sa akin ang pinsan mo. Ako raw ang maghahatid sa'yo pauwi."
Inilayo niya sa akin ang telepono nang akmang makikibasa ako. Dinaganan ko ang isang kamay nito kaya napaigik ito. Naibaba niya ang telepono kaya kinuha ko iyon. Nakumpirma ko ang sinasabi nito. Nagtext nga ang lalaki, ayaw pang ipasabi sa akin. Si Pietro na raw ang bahala para hindi na ako magtanong pa.
Sa inis, inabangan ko siya nang uwian. Pinauna ko na si Pietro para wala na siyang magagawa kungdi isabay ako. Ilang minuto lang pagkalabas ni Pietro ay lumabas na rin ito ng lecture room nila. Nagulat pa nga ito nang makita akong hinihintay siya.
"Umalis na si Pietro, ano pang ginagawa mo rito?"
Nilampasan niya ako. Sinabayan ko siya sa paglalakad. Binilisan pa nito ang paglalakad, hinuhuli ako.
Diretso ang tingin, sumagot ako. "Ikaw ang maghahatid sa akin pauwi."
Mukhang nakuha ko siya roon. Pagalit niya akong hinarap. "Nag-usap na tayo, Nat. Akala ko ay nagkaintindihan na tayo."
Galit din ako nang lumingon. "Babalik na ba talaga tayo sa dati, Rhett? Hindi pa ako pumapayag, ah."
Itinuloy niya ang paglalakad, sumunod ako. Malalaki ang hakbang nito kaya halos tumakbo na ako, manatili lang na kapantay niya. Hindi na rin niya ako kinibo hanggang makarating kami sa pinagpwestuhan nito ng sasakyan. Hindi pala ito nag-park sa dati nitong lugar, sa malayo para hindi ko makita. Hinigit ko ang braso niya nang akmang bubuksan na ang pintuan ng sasakyan.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...