Kaagad na nahanap ng mga mata ko ang papalapit na si Rhett. Kasama nito ang mga kaibigan, mukhang kakatapos lang ng P.E nila base sa suot. Mabilis akong nag-iwas ng tingin saka nagtago sa pwesto nang dumaan sila ng room namin.
Tinapik ako ni Gab. Nag-angat ako ng tingin. "Wala na sila."
Napabuntong-hinga ako. Napailing naman ang kasama. "Ayaw mo talaga kay Pietro? Alam ni P na siya ang gusto mo. Mas maniniwala 'yon kung makikipagdate ka nga!"
Napasimangot ako. "Hindi ako komportable, Gab. Saka ayaw kong mapalapit sa lalaking 'yon. Kinakabahan ako sa kan'ya, pakiramdam ko may gagawing masama palagi."
Narinig ko ang pagtawa ng kaibigan. Naikwento ko rito ang nangyari noong isang araw. Ngayon lang ulit kami nagkausap dahil palaging sinusundo ni Fern. Mas lalo pa itong lumapit sa akin saka ngumisi.
"Graduation na natin ng highschool, Thalia. Hindi naman masama kung ilapit mo ang sarili sa ibang lalaki, nararapat lang na may ibang magustuhan pa 'yang puso mo. Hindi lang ang pinsan mo ang lalaki sa mundo."
Napabuntong-hininga na lang ako bago umiling. Halos sabunutan naman niya ako.
"Ayaw mo doon sa isa, hindi mo naman magawang magreply doon sa isa. Bahala ka, Thalia! Sabagay, buhok mo iyan, ikaw na ang bahalang gumupit."
Napatawa na lang ako nang iwanan na ako nito para humingi ng makakain sa mga kaklase. Tiningnan ko ulit ang telepono. Nakabukas pa rin doon ang message box ni Rhett.
Rhett:
Magkasama kayo ni Pietro?
Hanggang ngayon, wala pa rin akong reply doon. Hindi ko alam ang isasagot. Iyon na rin naman ang huling text nito, wala ng sumunod. Baka nagpaliwanag na rin naman si Pietro, baka magkamali pa ako kung sasagot.
Hindi ulit sumabay sa akin si Gab, pauwi. Pumunta lang ako ng CR, hindi ko na nadatnan sa room ang kaibigan. Nagtext lang siya sa akin na sinundo ulit ni Fern. Lakad-takbo tuloy ako nang lumabas. Dadaanan ko kasi sa gate ang pinsan at mga kaibigan nito dahil kanina pa nakatambay doon. Wala na sina Gab, mukhang nauna na sa kanila.
"Oh, pauwi kana, Thals?"
Napapikit ako nang magtanong sa akin si Pietro. Nalagpasan ko na sila kaya nag-aalinlangan pa ako kung lilingon palikod. Sa huli'y humarap ako.
Tinanguhan ko si Pietro. Hindi naman ako makalingon kay Rhett dahil nararamdaman ko ang mapanuring tingin nito.
"Sige, mauna na ako."
Hindi ko na hinintay ang mga sagot nila, tumakbo na ako papunta kay Manong na naghihintay sa akin sa labas.
Kinabukasan, isa ako sa mga maagang pumasok. Bahagya pang nahuli si Gab dahil hindi raw kaagad nagising. Umupo lang ako sa dating pwesto, malapit sa bintana.
Hindi ko napigilang tumingin sa labas ng classroom namin nang makarinig muli ng mga pamilyar na boses. Sumilip ako sa bintana at hindi nagkamali sa hinalang mga kaklase iyon ng pinsan. Kasama nila ang lalaki, sobrang seryoso ng itsura habang naglalakad. Mukhang tinutukso nila ito base sa naririnig na pagbibiruan ng grupo.
"Anonuevo, sumama ka na. Sasama naman daw si Veronica. Sayawan mo na lang iyon kapag nalasing ka."
Nagtawanan ang grupo sa sinabi ni Pietro. Sinapak naman siya ni Fern. "Mukhang gawain ba ni Anonuevo 'yon? Baka nga matumba na sa kakasayaw si Veronica, hindi pa nalalasing 'yan."
Humalakhak ulit sila. Nagtago ako sa pwesto nang dumaan sila sa tapat ko. Likod na lang nila ang nakita ko nang mag-angat.
"Titignan ko nga kung makakasama ako. Baka kailanganin ako ni Mama. Mas uunahin ko iyon. Magtetext ako kapag sigurado nang makakapunta."
YOU ARE READING
Her Last Dance
JugendliteraturLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...