"Halatang inaabangan natin sila sa ayos mo. Umayos ka, Saldivar!"
Yumuko ako nang tapikin ni Fern. Bahagya kong ibinaluktot ang mga paa para bumaba. Sumilip naman sa bakod si Fern para tingnan kung dumating na ang hinihintay namin.
"Wala pa ba, 'tol? Nangangalay na ako. Bakit hindi ka na lang kasi humingi ng tulong sa isa riyan?" Itinuro ko si Rhett na nasa kabila nito, sumisilip din. "Kaibigan naman ng pinsan niya, mas madali 'yon, mapapasagot mo kaagad. Mukha tayong magnanakaw dito, eh."
Umismid si Rhett. "Masungit nga 'yon. Hindi ako kakausapin."
Hinarap ko siya. "Hindi ka kakausapin o ayaw mong kausapin?"
Sinamaan na lang niya ako ng tingin, walang balak na pantayan ang panunukso ko. Tiningnan nito ang telepono, may kung ano'ng pinindot doon. Katulad ko, halatang nabuburyo na rin ito, sinasamahan lang talaga si Fern.
"Nandiyan na! Sumilip na kayo!"
Aasarin ko sana siya ulit nang sumigaw si Fern. Naiinis man, muli akong tumayo para sumilip na rin. Luminga-linga ako, hinahanap ang babae. Tumingkayad ako para mas lalong makasilip pero wala pa rin akong nakita.
"Nasaan? Lumagpas na ba? Invisible na ba siya?"
Siniko ako ni Fern. "Gago ka, 'tol. Iyon sila, oh!"
Naningkit ang mga mata ko. "Grabe, 'tol. Nasa kanto pa lang, namumukhaan mo na?"
Sabay kaming natawa ni Fern habang nanatiling tahimik si Rhett. Kung kanina ay walang gana ang mukha nito, ngayon ay seryoso na ring nag-aabang katulad ni Fern. Muli akong sumilip sa bakod, malapit na ngayon ang mga inaabangan namin.
Tumakbo si Fern para salubungin sila sa gate. Akala ko nga ay susunod si Rhett pero sa kabila ito dumiretso. Kay Fern ako pumunta.
Balak niyang ligawan si Gab, isa sa mga nakasama niya sa isang contest noon. Kaibigan iyon ni Thalia na pinsan naman ni Rhett. Ang alam ko ay hindi nag-uusap ang dalawang iyon kahit palaging nagkikita sa mga event ng pamilya nila.
"Oh, nasaan si Rhett?"
Nagkibit-balikat ako sa tanong ni Fern. Nilingon ko ang pinsan nito, bahagyang namula nang marinig ang pangalan ni Rhett. Napangisi ako. Mukhang hindi nga ako nagkakamali sa hinala ko sa kanila.
Tinapik ko ang balikat ni Fern bago nagpaalam na papasok na sa room. Sampung minuto na lang kasi ay mag-uumpisa na ang klase, ayaw ko pa man din ang nahuhuli. Siguradong nandoon na rin si Rhett, hinihintay na lang kami. Ihahatid pa kasi niya ang babae sa room nito kaya halos huli na kung pumasok.
Sinalubong ako ng isang kaklaseng babae, pagkapasok. Niyapos ko ang isang braso sa balikat niya nang makalapit. Siya 'yong dini-date ko ngayon. Gusto raw kasi niya ako kaya nagyayang mag-date bago matapos ang taon. Pumayag na ako, wala rin namang ibang nagugustuhan.
Dahil ako ang bunso at nag-iisang lalaking anak, malaya kong nagagawa ang lahat ng bagay. May dalawang nakatatandang kapatid na babae, pareho ng may asawa. Iyong ikalawa ang kasalukuyang tumutulong sa pamamahala ng mga negosyo namin. Alam kong ako ang susunod na mamamahala no'n, pero kung may pagpipilian man, hindi ang mga yapak nila ang susundan ko.
My father was very obsessed with our businesses. Ilang taon na niyang binabalak na makapasok sa world market, hindi nga lang ganoon kataas ang stocks ng kompanya, wala ring gaanong investors. Kaya hindi rin nagtagumpay nang magbukas siya ng isa pang branch ng bangko sa isang probinsiya.
"Ah, may pupuntahan ako. Kailangan kong sumama, sa susunod na lang."
Pinilit kong gawing makakatotohanan ang boses. Kinuha ko rin sa bulsa ang telepono para ipakitang seryoso ako. Palihim akong natuwa nang alisin nito ang pagkakayapos ko.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...