"Saan nga kasi kayo gagawa? Sa kwarto mo ba?"
Masama ang tinging binalingan ko ang kaibigan. Kanina pa nito itinatanong sa akin kung saan kami gagawa, palibhasa'y alam niyang ang pinsan ko ang kasama kaya interesado. Hindi naman sa nakakaramdam ako ng malisya sa mga tanong niya kaya lang kasi, malapit lang sa lecture room ko ang inuupuan naming dalawa. Natatakot akong may makarinig sa amin, bigyan pa ng malisya ang naririnig.
Sumimangot naman siya. Mas lalo lang itong lumapit sa akin nang walang nakuhang sagot. Tinapik niya ang balikat ko para lalong magpapansin. Hindi ako kumibo kaya ang siko ko naman ang kinurot kaya pinalo ko sa braso. Umayos siya ng upo saka isinubo ang kanina pang kinakaing sandwich.
"Thalia naman, eh. Minsan na nga lang kung magtanong ako ng tungkol sa inyo kasi sabi mo bawal na!"
Natawa ako sa pagmamaktol ng kaibigan. "Sa study room nga kami gagawa. Siguradong hindi naman papayag sina Mama kung sa kwarto kami."
Mas lalo akong natawa nang lumayo ito sa akin, nanghihinayang. Napailing na lang ako. Itinuloy ko ang ginagawang pagbabasa. Wala pa akong ideya sa gagawin naming activity ni Rhett dahil nga'y siya ang kumuha ng activity sheet namin. Nasa kaniya pa rin iyon kaya hindi ko pa nababasa. Basta ang alam ko, may iilang nakakatawa raw na mga tanong, iyon ang sabi ng ibang kaklase. Mapipiga raw ang utak mo kakasagot kahit common sense ang ibang tanong. Gano'n din naman ang reaksyon ni Rhett nang mabasa ang activity namin. Ramdam ko pa ang pagpipigil nito ng tawa pagkatapos ay mapapangiti na lang bigla.
Hindi ko naman mapagtanungan si Pietro dahil hindi ko kaklase sa subject na iyon. Pansin ko nga'y mukhang abala rin siya ngayong araw. Balita ko, may sinalihan itong club kaya panay ang punta sa mga meeting.
Parehas kami ng sinalihang club ni Gab. Mahilig din kasing magsulat ang kaibigan. Lagi rin daw abala si Fern nitong mga nakaraang araw kaya madalas siyang walang kasama. Kahit nga si Veronica ay ganoon din. Hindi na ito masyadong lapit ng lapit sa pinsan ko at kung minsan ay parang umiiwas pa sa amin. Naisip ko na lang na baka may nagugustuhan na itong iba o kaya naman ay abala lang talaga.
"Nagdala na ako ng mga gamit ko para mamaya."
Dumating ang lunch time, kaming dalawa lang ni Rhett ang magkasabay na kumain. Nagtext si Pietro kanina na maraming ginagawa kaya hindi makakasabay. Si Gab naman ay sinundo ni Fern, mukhang balak nilang kumain sa labas. Hindi naman nagpakita ngayong araw si Veronica.
"Uh, oo. Nahanda na raw nina Mama iyong study room para mamaya."
Binalingan ko ng tingin ang lalaki. Sakto namang nakatingin din ito sa akin kaya ngumiti ako. Isinubo ko pa ang natitirang kanin bago nagpasyang itanong sa kaniya ang tanong na nasa isip.
"Uh, oo nga pala, pwede ko bang makuha 'yong activity sheet para ma--"
Hindi ko pa natatapos ang sinasabi nang masamid ito at naibuga pa ang kinakain. Hinawakan nito ang leeg kaya kaagad kong binigyan ng tubig.
"May nakaalala yata sa akin, Nat," saad niya habang panay pa rin ang ubo at paghaplos ng kaniyang leeg.
Napangiti ako saka sinabi ang kauna-unahang numerong pumasok sa isip ko.
"14?"
Kumunot ang noo niya. Itinaas nito ang isang kamay at nagsimulang nagbilang.
"Letter N?"
Muli kaming nagkatinginang dalawa pero kaagad din nag-iwas ng tingin. Ramdam ko ang bahagyang pamumula habang siya'y tumikhim na lang at ipinagpatuloy ang pagkain.
Wala nang nagbalak pang magsalita sa amin pagkatapos noon. Sinubukan naman nitong magtanong sa akin kaya nga lang ay tanging tango lang ang nasagot ko kaya hindi na siya umulit pa. Akala ko nga'y hindi na matatapos ang lunch na 'yon, mabuti na lang ay nauna itong natapos sa akin at nagpaalam na mauuna na. Ipinaalala nito ang gagawing activity mamaya kaya sabay daw kaming uuwi. Isang subject lang ang mayroon ako ngayong araw habang siya ay dalawa yata.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...