"Good morning, Thals."
Nag-angat ako ng tingin sa nagsalita. Pasigaw kasi iyon. Likod nalang nito ang naabutan ko habang tumatakbo ito kasama ng iba pang mga kagrupo. Napailing na lang ako.
"Hija, 'yong ID mo?"
"Ah, opo!"
Muli kong hinalukat sa bag ang ID. Nakalimutan kong isuot iyon dahil late ng gumising. Hindi ako nakapagset ng alarm kagabi, sakto namang hindi ako nagising ni Mama dahil maagang namalengke. Nang mahanap, dalian kong isinuot iyon para makita ni Manong Guard. Tumango naman ito kaya bumati na ako para makaalis.
Tulad noong nakaraang linggo, mag-isa ulit ako sa buong klase. May iilang kumakausap naman sa akin kaso sa tuwing may itatanong lang na hindi nila makuha sa mga lesson. Susubukan ko namang sagutin iyon kahit hindi sigurado. Mabuti sana kung si Pietro ang napagtanungan nila, sigurado akong masasagot lahat ng lalaking iyon.
Hindi ko pa rin macontact si Gab kaya nagpasya akong dadaanan ulit mamaya ang tiyahin nito. Sasakyan ni Rhett ang gagamitin dahil nasabi ko sa kaniya kahapon. Balak nga rin nitong kausapin ang kaibigan mamaya, nagbabakasaling may alam ito.
Lunchbreak na nang magkita kami ni Rhett sa cafeteria. Siya ulit ang kasabay ko dahil bawal pa raw umalis si Pietro. Ang alam ko, ngayong linggo na mamimili kung sino ang mapapasali sa basketball team ng school kaya puro ensayo sila simula pa last week. Istrikto raw ang coach dito dahil gusto laging nasasama sa finals.
"Anong next subject mo, Nat?"
"Accounting tapos isa na lang no'n bago uwian."
Tumango naman siya. Sumubo ito ng kinakaing chicken curry with rice kaya napatingin ako roon. Hindi ko napansing may chicken curry pala sa menu kanina kaya itong adobo na naman ang napili ko.
"Ah, ikaw?"
Nagtaas siya ng kilay. "Gusto mo?"
Kasunod no'n ang pag-usog niya ng kinakain palapit sa akin. Tinangka nitong hilahin ang kinakain ko kaya nagulat ako at nahila iyon pabalik. Kinabahan ako nang tumawa siya.
"Palit tayo, paborito ko 'yang adobo."
Mabilisan akong umiling kaya ipinagpatuloy na lang nito ang pagkain. Nakakalahati ko na itong adobo kaya tiyak na may laway ko na. Tahimik kaming dalawa kaya mabilisang natapos.
Kinakabahan ako lalo sa mga ikinikilos nito. Patingin-tingin kasi ito pero wala namang sinasabi. Mabuti na lang ay nagpaalam itong dadaan ng library. Gusto pa nga niyang sumama ako sa kaniya kaya lang ay nagdahilan akong may bibilhin sa labas. Tumango lang ito saka umalis.
Pumasok ako sa klase. Hindi okupado iyong dating pwesto ko kaya doon na lang din ako pumwesto. Mabilisan lang ang naging klase dahil mas gustong nagpapagawa ng mga activities. Individual pa man din iyon. Hindi raw gagawa ang mga kaklaseng may sinalihan dahil may excuse letter.
Rhett:
Nat, hintayin mo ako sa tapat ng garden. Huling subject ko na ito kaya hindi na matatagalan.
Sinunod ko ang sinabi nito. Tapos na rin naman ang klase ko. Hindi kasi pumasok 'yong professor ko sa P.E. Malayo pa lang, nakita ko na ang pinsan. Nakatayo ito sa harap ng kanilang lecture room, malapit sa pintuan. Tinanguhan lang niya ako nang mapansin. Gano'n din ang ginawa ko. Bumalik din naman siya kaagad sa loob nang pumasok ang kanilang professor.
Umupo ako sa dating pwesto, tulad ng dati. Inilabas ko ang telepono para sana itext si Mama kaya lang ay nakarinig ako ng ingay mula sa likuran ko. Kung hindi ako nagkakamali, comfort room ng mga Med students ang likod nitong garden.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...