Para akong sinampal sa narinig. Nanatili lang akong nakatayo roon habang ipinoproseso ang mga sinabi nito.
Narinig kong nagsalita ang mga kasama pero wala akong naintindihan kahit isa. Pinanood ko lang sila. Nabingi na ako sa lahat.
Tulala lang din ako habang nasa sasakyan na ni Rhett, pauwi. Si Pietro ang kasama ko kanina dahil nga pumasok pa sa pang-hapong subject at sinundo lang niya ako pagkalabas. Hindi ko na rin alam kung nasaan ngayon si Fern, kung saan siya dinala ni Rhett kanina. Panay ang hagulgol nito kanina habang nakaluhod sa amin. Iyon ang unang beses kong nakitang nasa ganoong ayos ang lalaki pero hindi ako makaramdam ng awa para sa kan'ya. Kahit pa na naririnig ko ang masakit na pag-iyak nito, wala na akong natitirang simpatya sa kan'ya.
"Nat, nandito na tayo."
Tiningnan ko si Rhett nang tapikin niya ako. Lumingon ako sa labas, nagulat na lang na nasa harap na pala kami ng bahay. Tinanguhan ko lang siya pagkatapos ay bumaba na. Hindi na ako nag-abalang hintayin siyang makaalis at pumasok na kaagad sa loob. Hindi na rin ako nakakakain ng hapunan dahil nagmamadaling pumunta sa kwarto. Mabuti na lang at hindi nagtanong si Mama, hinayaan na lang ako.
Pagkapasok sa loob, kaagad kong tinawagan si Gab. Wala na akong pakialam kung panay lang ang ring nito at walang sumasagot, basta tuloy lang ako sa ginagawa. Hindi ko na rin pinalagpas pati ang email nito, pati iyon ay napuno ko na ng mga mensahe.
"Thalia, hija, ayos ka lang ba?"
Napaayos ako ng upo nang bumukas ang pinto. Pumasok doon si Mama. Nginitian ko siya.
"Hindi ka kumain ng hapunan? May problema ba, hija?"
Umupo siya sa kama ko. Umiling ako.
"Pagod lang po, Mama. Marami po kasi akong nakain na meryenda kaya busog pa po ako."
Tumango-tango si Mama saka na tumayo. Sa tingin pa lang nito sa akin, alam kong hindi siya naniniwala. Alam kong hindi naman ako pipilitin ni Mama, gusto niya kasi na kami ang unang magsasabi sa kan'ya. Hinalikan niya ang noo ko at nagpaalam ng matutulog na. Napangbuntong-hininga na lang ako saka muling tiningnan ang telepono. Wala pa ring sagot si Gab kahit isang tuldok lang. Susubukan ko na lang ulit bukas.
Lumipas ang apat na araw nang hindi ko namamalayan. Maraming ipinasa sa loob ng mga araw na iyon kaya pansamantalang nawala sa isip ko ang nangyari. Idagdag mo pang laging si Pietro ang kasama ko na puro kalokohan ang alam. Abala rin si Rhett sa mga requirements niya pero hindi nito nakakaligtaang ihatid ako pauwi.
"Ano'ng pakiramdam na may gwapong boyfriend kang nagpapatawa sa'yo at isa pang gwapong pinsan na naghahatid sa'yo pauwi?" Lumapit ang tatlong babae sa akin. "Gusto rin sana naming maranasan. Ayaw mo bang i-share?"
Napailing ako sa kanila. Hindi ko kilala ang mga ito pero natatandaan ko ang mga mukha nila. Narinig ko silang kausap si Pietro noong isang araw para magpareto sa pinsan ko. Napabuntong-hininga ako. Hindi ako nagpasundo ngayon dahil balak kong puntahan ang tiyahin ni Gab para magtanong. Wala pa rin kasi akong balitang natatanggap kahit pa ilang araw na akong paulit-ulit na tumatawag sa kan'ya.
Umismid ako saka sila nilampasan. Hindi naman nila ako pinigilan o tinawag ulit. Alam kasi nilang hindi ako nakikihalubilo masyado sa iba. Aminado naman ako dahil hanggang ngayon ay naninibago pa rin kapag may kumakausap sa akin na hindi ko kilala lalo na kung ganoon ang tono.
Hindi ako pumasok sa pang-huling subject ngayon. Sakto namang hindi raw ito papasok.
Ang alam ni Pietro ay uuwi na ako kaya hindi na nagpumilit na sumama. Sumakay lang ako ng tricycle papunta sa bahay ng tiyahin ni Gab. May kalayuan iyon sa university kaya nagpapahatid ako kay Manong kapag pumupunta roon. Ngayon nga lang hindi. Malapit na ring mag- alas singko kaya nagbabakasakali akong madatnan siya. Kung hindi man ay hihintayin ko na lang.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...