Nauna naming nadaanan ang bahay nina Veronica. Katulad namin, nakatira rin ito sa isang mamahaling subdivision. Sa susunod pa na subdivision ang amin habang sina Rhett naman ay may sariling lupa.
Sumunod si Rhett nang bumaba ang babae para ihatid ito. Nakita ko pang hinalikan niya ang pisngi ng pinsan bago tuluyang magpaalam. Hindi rin nakaligtas sa akin ang pasimpleng pagsulyap ng dalawa na para bang nahihiya pang nakita ko sila sa ganoong tagpo.
Napaismid ako, kapagkuwa'y nag-iwas ng tingin.
Tumikhim si Rhett nang muling pumasok sa kaniyang sasakyan. Sinulyapan niya ako mula sa rearview mirror. Nagtaas ito ng isang kilay kaya umayos ako ng upo.
"Wala ka bang balak lumipat?"
Lihim akong napairap sa narinig pero sumang-ayon pa rin. "Uh, sige. Sandali lang."
Mabilisan akong bumaba ng sasakyan upang lumipat. Bahagya pang nagulo ang nakalugay kong buhok nang humihip ang malamig na hangin kaya nayakap ko ang sarili. Hinintay niya akong makalipat sa passenger seat bago muling pinaandar ang sasakyan.
Katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Nakatingin lang ako sa labas at walang balak na kausapin siya. Kanina ko pa nga kinukwestiyon ang sarili kung bakit kasama ko na naman ang lalaki. Samantalang kahapon lang ay pinagbawalan ko na ang sariling lumapit muna sa kan'ya, sana'y lalayo muna habang may mali pa akong nararamdaman.
Bahagya akong napaigtad nang bigla itong magsalita. Tinapik nito ng bahagya ang manibela.
"She's pretty, right?"
Napalingon ako sa kaniya. Seryoso lang itong nakatingin sa harapan. Sa awra nito, aakalain kong hindi ang lalaki ang nagsalita kanina. Tumatapik-tapik lang sa manibela ang mga daliri nito at biglang hihigpit ang hawak.
I sighed. "Si Veronica?"
Hindi siya sumagot pero tumango rin, kalaunan.
"Hmm. Sigurado akong magugustuhan siya ni Tita Maricar."
Napangiti ang lalaki. Parang bigla itong may naalala na ginawa ng babae. Sa hindi malamang dahilan, nakaramdam ako ng inis.
"Gustong-gustong nga siya ni Mama."
Pasimple kong hinawakan ang dibdib saka pinalo iyon nang bahagyang nakaramdam ng kirot. Lumingon ang lalaki dahilan upang magtama ang mga mata namin.
Kaagad akong nag-iwas ng tingin.
"Ligawan mo na. Balita ko, gusto ka raw niya. Hindi ka na mahihirapan na mapasagot siya 'diba?"
Sinubukan kong magbiro para itago ang nararamdaman. Hilaw akong ngumiti.
Hindi naman ako nabigo dahil narinig ko ang pagtawa nito kahit panandalian lang iyon. Napabuga ito ng hangin pagkatapos.
"Magkaibigan pa lang naman kami." Panandalian siyang natahimik nang lumiko ang sasakyan papasok ng subdivision namin. "Pero, siguro nga, tama ka. Baka magustuhan ko rin siya at ligawan kalaunan."
Itinigil nito ang sasakyan sa harapan ng gate pero hindi tulad kay Veronica, hindi na siya nagpumilit na bumaba pa. Tinanguhan lang niya ako nang magpapaalam na sa kan'ya. Hindi ko na rin naman siya nilingon nang marinig ang busina nito at pagharurot paalis.
Bumati ako kina Mama nang maraanan sila sa salas. Nagtanong pa nga ito kung kumain na nang hapunan, tumango ako kahit ang totoo'y hindi pa.
Napuno ng mga hindi kaaya-ayang isipin ang utak ko nang gabing iyon. Pabiling-biling ako sa higaan, hindi mawari kung anong pwesto ng katawan ang gusto. Sa kaalamang mukhang may nagugustuhan na nga ang pinsan, gusto ko mang mapanatag, hindi ko magawa.
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...