Nilibot ko ang tingin sa kabuuan ng lecture room. Muli kong sinulyapan ang pwesto nito ngunit wala pa ring bag na nakalagay doon, hindi tulad ng nakasanayan ko. Nagpasya akong maglakad palapit sa upuan, bahagyang nakakunot ang noo dahil ilang minuto na lang ay magsisimula na ang klase.
Inilagay ko sa pwesto ang bag bago umupo roon. Inilagay ko sa baba ang mga kamay, nagpasyang hintayin siyang dumating.
"Hindi raw makakapasok si Sir Jaoquin, may ipinagawa ang principal!"
Biglang sumigaw ang presidente ng klase namin kaya lahat kami ay napatingin sa kaniya. Nasundan iyon ng sigawan ng mga kaklase ko. Napailing na lang ako, hindi sinasadyang mapatingin sa mga upuang nasa likuran. Nakita ko roon ang bag ng taong kanina ko pa hinahanap. Nilapitan ko iyon para masigurong sa kaniya nga.
"Saan kaya nagpunta ang lalaking iyon?"
Isinakbit ko sa balikat ang bag kasama ng sa kaniya. Mabuti na lang ay hindi mabigat ang bag nito kaya hindi ako nahirapang buhatin ang dalawa.
Nagtanong ako sa mga kaklase kanina kung nakita nila si Pietro. May isang sumagot na pumunta raw ito sa cafeteria at hindi pa bumabalik simula ng dumating ako. Mamaya pa ang sunod na klase namin, sa isang minor subject. Nagpasya akong hanapin siya. Baka nasangkot pa iyon sa gulo kaya hindi nakabalik.
"Akala ko ba hindi tayo papayag? Hindi mo pa ba nalusutan 'yan? Last year mo pa sinabi 'yan, ah?"
Napaatras ako nang makarinig ng pamilyar na boses. Sa cafeteria ang una kong pinuntahan dahil dito pumunta ang lalaki. Tumakbo ako sa isang malapit na vending machine, doon nagtago. Unti-unti akong sumilip, tuluyang napatunayan ang hinala ko. Nakita ko roon ang lalaki kasama ang pinsan ko, diretsong nakatingin sa isa't isa, tanda na seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa.
Kumunot ang noo ni Pietro. Inilagay nito sa bulsa ang mga kamay. Lumagok naman si Rhett sa dala-dalang apple juice drink.
"Alam mo namang matigas ang ulo ng pinsan mo, tatalikod lang ako saglit, gagawa na ng kalokohan. Mas mabuti ng alam natin kaysa naman kumikilos patalikod."
Lumayo siya ng bahagya sa pinsan. Inilabas nito ang telepono, may pinindot doon.
"Kaya nga bantayan mo ng maigi. Alam mo namang hindi na ako makalapit, ikaw na lang ang inaasahan ko. Pakiusapan mo ulit, baka makinig sa'yo."
Napakamot ng buhok si Pietro. Ibinigay nito ang telepono kay Rhett. May ipinakita siya roon. Hindi sinasadyang napalingon sa pwesto ko si Pietro, nagulat ako kaya kaagad na nagtago. Hinawakan ko ang dibdib. Tumakbo ako palabas ng cafeteria, wala ng pakialam kung nakita man nila ako.
Napadpad ako sa isang tagong garden malapit sa Engineering building kung saan kami nag-usap nina Fern noon. Kinuha ko sa bulsa ang telepono bago umupo sa mga upuang kahoy na naroon. May isang text si Pietro, nagtatanong kung nasaan ako. Siguro'y hinahanap nito ang bag at may nakapagsabi sa mga kaklase na dinala ko ang bag niya.
Napabuntong-hininga ako. Naramdaman kong may umupo sa tabi ko kaya pero hindi ko siya nilingon. Sa amoy pa lang nito, alam ko na kung sino. Nakasanayan na ng ilong ko ang pabango nito dahil sa araw-araw na kasama ko ang lalaki.
Kinuha niya sa akin ang kaniyang bag saka pabirong ngumisi.
"Pati pala bag ko pinagpapantasyahan mo na, Thals. Hindi mo naman kaagad sinabi."
Napairap ako ngunit kaagad ding nagbaba ng tingin. Hinawakan ko ng mahigpit ang bag.
"Ipinapabantay ako ni Rhett sa'yo?"
Narinig kong napabuntong-hininga ito. Mukhang nag-aalinlangan kung sasabihin sa akin. Hindi siya kaagad na sumagot.
"Oo."
YOU ARE READING
Her Last Dance
Teen FictionLOT Series #2 She's a believer of love. Witnessing how her parents fought for their own happy ending, Nathalia Dela Cruz knows that she's a fighter too. But not on the love she has for Rhett Seichii Anonuevo, her cousin. In order to deny it, to conc...