Feel to fill

6 3 2
                                        

"Binalikan mo na naman?" bungad mo pagkalapit sa table naming ako lang ang umookupa.

Inabot ko ang huling shot ng tequila at saka tinungga nang walang asin pero agad ring naghanap ng lemon pagkatapos gumuhit nito sa aking lalamunan.

"Mali pala 'yong tanong ko," buntong hininga mo bago naupo sa tabi ko. "Bakit hinahayaan mong saktan ka ng mundo?"

Humalakhak ako nang tinumbok mo ang kanina ko pang tinitignan. Sa gitna ng maraming tao sa dance floor, natatanaw natin mula rito ang bawat haplos niya sa katawan ng kaharap habang tila lasing sila sa pagsasayaw at pagtawa.

Napahawak ako sa parte ng aking dibdib kung saan may kirot na naramdaman. Napangiti ako.

"Mali pa rin," bulong ko sa gitna ng ingay pero sapat pa rin para marinig mo. "Bakit hinahayaan ako ng mundong masaktan?"

Kapag hindi ako nakararamdam ng sakit, wala naman akong ibang maramdaman. Parang puno ako ng kahungkagan, kahit baliktaran ang kahulugan no'n.

Muli akong nakukulong sa kawalan. Walang katapusang paghahabol sa gustong maramdaman. Pinipilit ang sariling makaramdam sa kahit anong paraan.

Kaya ko siya binabalikan.

Sa kagustuhan kong makaramdam, tinatanggap ko kahit harap-harapan akong saktan. Pakiramdam ng kasiyahan nama'y hindi ko na matandaan. Kahit ano na lang, kahit pait dulot ng kalungkutan. 'Wag lang maiwang muli sa kawalan.

Nag-unahan sa pagtulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan nang humarang ka sa linya ng aking paningin at saka ako niyakap. Kumapit ako nang mahigpit sa damit mo bago kumawala ang aking mga hikbi.

Dahan-dahan mong hinagod ang likod ko, aktong pinapatahan pero hinahayaan din sa patuloy na pag-iyak.

"Bakit wala ako laging pagpipilian? Kung lalabanan ko 'yong sakit, tatakbo naman ako tungo sa kawalan. 'E, gusto ko nga 'yong punan!" mariin kong ipinikit ang mga mata kong hilam na naman sa luha. "Katunayan na buhay ako. Nakararamdam. Nagmamahal! Nasasaktan..."

Bakit kailangan ko pang masaktan para makaramdam? Anong nagawa ko't tila hindi ako karapat-dapat makasalat ng ligaya?

RIGHT IN THE FEELS (a compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon