Dalawa, Iisa

6 5 0
                                        

Dalawang uri ng mamamayan, iisang lipunan, magkaibang katayuan.

"'Wag ninyo po kaming ikulong, humihingi lamang kami ng ayuda!" hinaing ng isa.

"Kaya mas tumatagal 'tong krisis dahil sa inyo! Rally pa mga bobo!" sigaw naman ng isa.

Dalawang uri ng mamamayan, ang isa'y may pagpipilian, ang isa pa'y wala nang maipanglamang-tiyan.

"Bakit hindi na sila mamili ng pangmatagalan para hindi na nila kailangang lumabas?" kunot-nuong tanong ng isa habang nagkakape sa tapat ng kompyuter na naglalaman ng trabahong iniuwi sa bahay.

"Pagpasensiyahan niyo na muna. Tiis lang habang wala pang ayuda. Nawalan ng trabaho ang tatay nang magsimula ang krisis, 'e," alo ng isa pa habang pinapanuod ang mga anak na pinagsasaluhan ang kapiranggot na piniritong galunggong.

Dalawang uri ng mamamayan, ang isa'y binigyan pa ng pagkakataon, ang isa nama'y bala agad ang ibinaon.

"Nakuha na nga po niya ang sakit, mahabag naman tayo at ating unawain," pagsusumamo para sa isa.

"Nanlaban, 'e! Bubunot ng baril kaya inunahan na ng mga tropa ng putok," pahayag para naman sa isa, taliwas sa sinasabi ng iba pang nakasaksi.

Dalawang uri ng mamamayan, ang isa'y sikmura ay kumakalam, ang isa pa'y luho ang inaasam.

"Parang awa niyo na, Sir. Tatawid lang ako ng barangay para makabili ng murang pagkain, Sir," pagmamakaawa ng isa, tangan ang bente pesos sa bulsa.

"Anong masama roon? Nagbukas sila kaya pumunta kami. Alam mo ba kung ilang araw na akong hindi nakakainom ng kape mula roon?" pagbabalido naman ng isa sa inasal niya.

Dalawang uri ng mamamayan, ang isa'y nagpapatahimik, ang isa nama'y patuloy na umiimik.

"Puro kayo reklamo, ano bang napapala niyo riyan? Hindi na lang kayo manahimik at maghintay, darating din naman 'yang ayuda. Pati 'yong labis niyong pag-ayaw sa militar. Mas marunong pa kayo sa mga nasa serbisyo, gusto niyo atang kayo ang ipadala roon sa mga checkpoint!" iling ng isa habang kumukuha ng meryenda sa puno ng pagkaing pridiyider.

Puno ng pag-asa at determinasyon namang tumugon ang isa pa, "'Ma, kasi po ilang linggo na mula nang pumutok ang krisis, pero kulang na kulang pa rin po ang ayuda. May mga pamilya na kumakayod noon ngunit hikahos pa ring itawid ang isang araw, paano pa ang isang buwan na walang mapagkakakitaan? Simple lang din po ang ipinaparating ng solusyong medikal, hindi militar – na isa itong krisis pangkalusugan kaya mas nararapat na pagtuunan ng pansin at pondo ang kagawarang pangkalusugan. Suportahan din ang mga lokal na siyentipikong pag-aaral upang mas malaki ang tiyansang makahanap ng bakuna. Idinudulog din po namin ang libreng pangkaramihang pagsusuri, dahil hindi po lahat ay mayroong kakayahan at may pribilehiyong tulad ng tinatamasa natin."

Dalawang uri ng mamamayan, iisang lipunan.

Isang nasa katwiran, isang nangangatwiran. Isang nakapanig sa ikabubuti ng kalagayan ng taumbayan, isang tanging iniisip ay pansariling kapakanan. Isang ipinaglalaban ang karapatan, isang nagbubulag-bulagan sa katiwalian. Alin ka sa dalawang 'yan?

RIGHT IN THE FEELS (a compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon