Patawad, Paalam

10 5 0
                                        

"Hindi mo na nababanggit, 'a? Limot mo na?"

Sa bawat magtatanong nito sa 'kin, gusto kong matawa. Hindi ko na nababanggit, pero sa araw-araw ay iniisip ko pa.

Paano ko makakalimutan ang taong laman pa rin ng isipan?

"Patawad, paalam..." huling mga salitang binitiwan mo bago ka tumalikod at lumisan.

Naiwan akong nakatitig sa iyong likuran. Bawat hakbang mo'y aking pinagmamasdan.

Sabi nila, mahirap kalimutan ang taong bigla na lang hindi nagparamdam. Hindi mo kasi alam kung tuluyan ka nang nilisan o aasa ka pang ikaw ay babalikan. Marami pang tanong na naiwan ang naghahanap ng kasagutan.

Ngunit bakit ako nahihirapan gayong ikaw naman ay nagpaalam?

Siguro dahil alam kong tuluyan ka nang lilisan. Dahil alam kong hindi mo na 'ko lilingunin at babalikan.

Siguro dahil noong nagpaalam ka, alam ko na ang kasagutan at wala na akong panghahawakan.

Kailangan ko na lang tanggapin na tapos na 'yong atin.

Dahan-dahan akong pumikit kasabay ng payapang pag-ihip ng hangin.

"Patawad sa pagkapit sa mga tanikala..." bulong ko sa sarili, kalakip ang pangakong hindi na sa 'yo mananatili. "Paalam, tuluyan na akong kakawala."

RIGHT IN THE FEELS (a compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon