Batid

6 4 0
                                    

"Nakita mo?" tanong ng kaibigan ko habang nilalagok ko ang isang shot ng Bacardi. "Nakita mo sila?"

Napangiwi agad ako sa pait ng lasa nito pero agad ding nagsalin ng isa pang shot.

Bakit nga ba kahit alam nating mapait ay hindi pa rin natin tinitigilan? Bakit kahit alam nating awtalo tayo sa huli't masasaktan ay nagpapatuloy pa rin tayong sumugal?

Tinitigan ko ang shot glass sa harapan ko habang inaalala ang nasaksihan kanina.

Palabas ako ng building namin nang namataan kita sa malayo. Hindi ka nag-iisa. Kasama mo siya. Magkasama kayo. Kayo.

Noong isang linggo pa umuugong ang balitang nagkakaigihan na nga kayo. Bali-balitang nakikita na kayong magkasama palagi.

Tangina. Saket.

Binalewala ko lang lahat ng naririnig ko kahit may kirot akong nararamdaman, pero iba pala talaga kapag nakita na mismo ng dalawang mata mo. Na tangina, oo nga! Totoo nga, gago.

Totoong may kayo na. Totoong walang tayo. At wala nang magiging tayo.

Pinagmasdan ko kayong naglalakad ng sobrang magkalapit. Tinignan ko ang mga mata mong kumikislap sa tuwing sinusulyapan mo siya. Parehong mga matang minsan din akong tinignan.

Pinagmasdan ko ang mga ngiti mo. Mga ngiting sa kanya mo lang inaalay. Kitang-kita kong masaya ka. Masaya ka sa kanya. Kaya dapat ay masaya rin ako! Heto naman ang gusto ko, hindi ba? Ang makita kang masaya. Kahit hindi dahil sakin.

Pero tangina ulit, ang sakit pala talagang makita yung taong gusto mong pasiyahin na nagiging masaya na sa piling ng iba.

Napangiti ako nang mapait at nag-iwas na ng tingin bago mo pa ako mapansin. Nasa isip ko na agad nang mga oras na iyon na mag-aaya akong uminom ngayong gabi at heto na nga!

Ngumisi ako bago uminom muli ng isa pang shot at bumaling sa overlooking citylights sa rooftop bar kung nasaan kami.

Ang ganda. Nakakahumaling. Nakakaakit kasing sumugal kahit malaki ang tyansang masasaktan ka sa huli.

Usap-usapan kayo, alam mo ba 'yon? Nakakarating sa akin pero hindi ko iniinda. Alam ko na rin naman kasi bago pa nila malaman. Ayoko lang pansinin yung kirot sa tuwing dumadaan sa isipan ko. Pero ngayong nakita ko na, ang sakit sakit pala talaga.

Alam kaya ng mga taong nakakapansin sa kung anong mayroon kayo na minsan ay mayroon ding ako?

"Hindi ka ba naiirita sa akin?" tanda kong tanong ko isang araw na magkausap tayo sa library kung saan pinalabas kong hindi ko alam na naroon ka kahit na sinasabihan naman talaga agad ako ng mga kaibigan ko kapag nakikita ka nila, daig pa ang CCTV. "O nauurat sa kakulitan ko?"

Bumaling ka sakin bago ako marahang nginitian. "Hindi naman. Nakakatuwa ka nga 'e."

Minsan, mayroon ding ako na ginustong makuha ang atensyon mo. Ginusto kang pasiyahin hanggang sa puntong nagawa kong iparaya ka kasi ano nga bang laban ko kung sa kanya ka sasaya? Anong laban ko kung umpisa palang, alam kong talo na?

"May nagugustuhan ka na 'no?" lakas loob kong tanong nang maramdaman kong dumidistansiya ka na sakin. Ramdam ko naman 'e. Mas pinasigla ko ang boses ko at nginitian ka pang tila nang-aasar. "Uy! Binata na siya, bilog na utot. Yiieee!"

Natigilan ka saka ka tumitig sakin ng seryoso pero kita ang pag-iingat sa mga mata mo. "Oo, meron. Sorry... Nasaktan ba kita?"

Dinaan ko sa malakas na tawa ang nagdaang sakit sa sistema ko bago ka tinapik sa balikat. "Oo rin, pero ayos lang. Titigil na ko sa pangungulit, respeto sa nararamdaman mo sa kanya. Salamat sa honesty, ha?"

Inaasahan ko 'yon kaya hindi ko dinamdam. Sabi ko pa, gumaan ang pakiramdam ko kasi at least, nagsabi ka ng totoo. Na nirerespeto mo pa rin ako at ang nararamdaman ko kaya ganoon din ang gagawin ko. Pero nasaan ako ngayon? Iniisip kung alam kaya nilang minsan ay nagkaroon din ng ako sa iyo?

Napailing ako.

Syempre, hindi. Hindi naman ako mahalaga. Nagdaan lang ako sa buhay mo. Maaaring naging daan pa para matauhan kang siya nga ang gusto mo.

Sino ba naman kasing nasa tamang pag-iisip ang pipili sakin?

Heto palang 'o. Humalakhak ako sa shot glass na hawak ko.

Umiinom ako. Kaya kong makipagsabayan sa inuman sa taas ng alcohol tolerance ko dala ng tagal ko nang umiinom.

Ikaw? Ni hindi ka nag-iinom. Tangina, nakakahiya, 'di ba?

Isa pa 'yan. Nagmumura ako. Maituturing na himala kung matatapos ang mga pangungusap kong hindi mahahaluan ng mura.

Ikaw? Hindi ka nagmumura. Relihiyoso ka pa.

Ano pa ba? 'A, mahilig kang mag-review, ako ay ni hindi nagbubuklat ng mga handouts ko. Hindi nga rin nagsusulat ng lectures kadalasan. Seryoso ka sa pag-aaral mo habang ako rito ay hindi man nagloloko ay sobrang chill lang naman. Mahal mo ang lahat ng ginagawa mo kahit kadalasan ay nahihirapan ka na.

Siguro dahil na rin sa mga ganyang katangian mo kaya kita nagustuhan. Sobrang opposite natin 'e. Na-attract tuloy akong parang magnet na negative sa positive charge mo.

"Be, magkwento ka nga!" untag sakin ng kaibigan kong kanina pa ko pinagsasalita. "Hindi ako sanay na ganito ka. Hindi ka naman ganyan, 'a?"

Napahikbi ako sa narinig at kusang naglandas ang masaganang luha sa mga mata ko.

Hindi naman talaga ko ganito pero kasi tangina gustong gusto kita 'e. Gustong gusto!

Hindi ako madalas magsimba pero pinagdasal kita sa Kanya, alam mo ba? Hindi ko sinabing mapunta ka sakin kasi ayaw kong pangunahan ang mga kagustuhan mo. Ang sinabi ko, kung saan ka sasaya, kung saan ka nararapat ay doon ka sana mapunta.

Kaya nga siguro hindi ka talaga sa akin napunta 'e.

Kasi mabait ka tapos ako, sobrang gago kaya tama lang na hindi ako yung pinili mo. Sobrang gago ko kaya hindi mo ako magugustuhan. Nakaka-turn off kasi ako. Maganda lang ako. 'Yun lang. Nilipad na ng hangin ang ibang substance.

Binagsak ko sa lamesa ang shot glass pagkatapos ng isa pang tungga ko rito bago ko tinakpan ng mga kamay ko ang mukha ko at tuluyan nang napahagulgol.

"Tangina ang sakit sakit... Wala... Ang sakit sakit lang," bulalas ko. "Alam ko naman kung bakit hindi ako 'e. Tanggap ko naman... Pero gago, bakit ganito kasakit?"

RIGHT IN THE FEELS (a compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon